Total Pageviews

Thursday, June 14, 2007

Mga Ligayang Dulot ng Mabilisang Pag-uwi sa Bayan ng Lopez, Quezon*


*Todo-todong essay writing contest ito sa wikang Filipino. Hehehe.

Madalas akong tanungin kung tuwing kailan daw ako umuuwi ng probinsya. Ang mga inaasahang pagpipilian ko ay A) tuwing weekend, B) buwanan, C) tuwing may okasyon o D) hindi na nakakauwi dahil may bahay na rito sa Metro Manila. Madalas ko ring sinasagot, makalipas ang mga limang segundo, na umuuwi lang ako kung kailan ko lang gusto.

Gusto, sa paraang hindi mo matitiis ang bayan kung saan ka ipinanganak at hindi gusto, dahil wala lang o trip lang. Nitong nakaraang Sabado (June 9) ay muli kong pinatunayan ang kagustuhang ito.

Isini-set ko ang alarm clock sa ganap na ika-3 ng umaga pero nakakaligtaan ko ito at nakakaalis na ako ng apartment sa Makati makalipas ang dalawang oras. Pero pinagbigyan ko ang kasutilan ko dahil dumaan pa ako sa Hap Chan sa may Makati Avenue para ibili ng barbecue pork asado ang aking ermats n’ung pasado hatinggabi ng Biyernes (o Sabado na). Nanggaling pa ako sa isang hapunan sa National Sports Grille kasama sina Edrik at ilang nakababatang kaopisina (sige na nga: Mel, Kristine, Linel, Macy, Benjie, Jay B, Cat, Mitch, Erin at dumaan si Gian nang panandali). At hindi lang pala kami naghapunan, nag-apat na round din kami ng dark beer sa Grappa’s (ngayon ay kasama na sina Obet at Marian). Salamat na lang at 24 oras ang Hap Chan. Nakakaakit talaga ang gabi sa Makati.

Lulan ng JAM ay bumyahe na ako papuntang Lucena. Ito ang pagkakataon para humilik sa pagtulog. Wala na akong bitbit na alarm clock. Ang unang ligayang sumasalubong sa akin sa Quezon ay ang panggigising ng sikat ng araw. Ang ikalawang ligaya ay ang tanawin ng walang pattern na pagkakatabi-tabi ng mga puno ng niyog malapit sa boundary ng Laguna habang sa hindi kalayuan ay nakalugmok na parang si Ninoy sa P500 ang Mt. Banahaw. Ang ikatlong ligaya ay ang ideya na ang mga ganung eksena ay mas mainam na hindi maisalarawan sa film o JPEG kundi sa puso lamang.

Tamang tama para sa breakfast ang pinag-ong na itinitinda ni Manong Vendor pagpasok ng Sariaya. “Pinag-ong, mainit pa, P10 lang!”. Ingat lang sa paglunok ng ikaapat na ligaya dahil baka ikaw ay mabulunan.

Ang JAM ay hindi nakakapasok sa Grand Terminal sa Lucena. Bawas-ginhawa pero may kakaibang karisma ang paglalakad mula national highway papasok sa terminal. Ang ikaanim na ligaya ay ‘yung hindi mo na kailangang maglakad pa dahil meron nang mini-bus na susundo sa iyo sa kantong hinintuan ng JAM. Mula rito ay lalarga ang bus ng dalawa pang oras papasok sa Sang-Alikabukan. “Huwag kalimutang isuot ang shades para sa karagdagang pogi points”, ito ang aking mantra. Sa ikapitong ligaya ko hinuhubad ang shades upang titigan ang kakisigan ng Quezon National Park. At hindi ko lang basta tititigan, akin pa itong lalanghapin hanggang sumigaw ng “rape!” ang Inang Kalikasan. Kung sa diversion road naman dumaan ang mini-bus, inaabangan ko ang isang bahagi nito na masyadong magkadikit ang dalawang bundok na pinaghiwalay ng highway. Nakakarelaks na kahit ilang sandali lang ay merong pumapayong sa iyo na hindi mo kaanu-ano.

‘Sakto sa ikawalong ligaya ay ang aking ermats na sasalubong at pagbubuksan ako ng gate mula sa pagkakababa ko sa tricycle. Nasa Lopez, Quezon na ako niyan. Ang susunod ay maikli at matamis na kumustahan at paghalik sa pisngi sa aking mga magulang. Sa dalawang halik nakukumpleto ang aking sampung ligaya.

Mas naging espesyal ang araw na ‘yun dahil bumuhos ang ulan n’ung hapon. Wala akong sinayang na sandali. Sumugod ako at naligo sa ulan na parang bata. Maginaw pero napaka-therapeutic ng ika-labing-isang ligaya ko. Pakiramdam ko ay inanod lahat ng panlilimahid ko sa katawan, pisikal man o panloob.

Pagkatapos maligo at magbanlaw ay may suhol agad akong kape na tinimpla pa ng tatay ko. Labindalawa na ang ligaya ko habang hinihigop ito. Nakasalang na rin sa DVD player ang “Flags of our Fathers” na binabandera ng surround sound system (ang tatay ko ang nagdisenyo na ang nasa harapang speakers ay konektado ng kable na dumaan pa sa aming kisame). Labingtatlong ligaya na n’ung nasulyapan ko ang kopya ko ng “Temptation Island” ni Joey Gosiengfiao at “Jaguar” ni Lino Brocka. Iginawa ko sila ng cover para naman mas mukhang presentable at mas madaling makita.

Yanong sarap matulog na maliban sa labintatlong ligaya ay may pag-asa ka pa sa labi na paggising mo ay madadagdagan ito. Tila ayaw mo nang magising kapag ang una mong maiisip ay kailangan mong kaladkarin ang sarili mo pabalik sa Maynila upang muling mangarap at magising.

2 comments:

nawawalangbata said...

"Ang ikatlong ligaya ay ang ideya na ang mga ganung eksena ay mas mainam na hindi maisalarawan sa film o JPEG kundi sa puso lamang."

ampz!

Anonymous said...

hi. do yo uknoe where in can buy a copy of Temptation Island of Joey Gosiengfiao? I've been dying to have a copy. Maraming salamat. =) chris 919 232 4514.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...