Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Total Pageviews
Monday, October 22, 2007
Isang Bukas na Liham mula sa Libingan ng mga Oso
Mahal ko,
Pasensya na kung nagte-text ko nang wala sa oras. Hindi ibig sabihin nito ay nami-miss kita at namamalimos ako ng pagtingin at panahon mo. Nagte-text ako at nagpaparamdam minsan dahil nalulungkot ako sa buhay at iba pang walang kinalaman sa ‘yo. Nagte-text ako dahil kailangan ko ng inspirasyon sa pamamagitan ng reply mong text. Kailangan ko ng salvation mula sa ‘yo.
Ikaw ang napili kong i-text dahil may kakaibang bigat ang mga text mo. Pinapalutang ako nito papalaot nang malayo sa mga problema. Sa pampang ay masisilayan ko ang kapanatagan. Ikaw lang ang may kakayahang lumikha n’yan. At bawiin. Meron din ang iba pero ang isang titik ng text mo ay katumbas ng ‘sanlibong titik ng text mula sa kanila. Iba ka dahil mahal kita.
Pero pinili mong hindi mag-reply. Karapatan (at karangyaan) mo namang hindi mag-reply. Baka wala ka sa mood o pinaparusahan mo lang ako dahil nag-aanyong kakulitan ang aking panaghoy. Pasensya na kung ginawa kong mawala ka sa mood. Pasensya na kung nagmukha akong makulit at hindi halatang nangangailangan ng pampang.
Namatay ako kamakailan lamang. Pero ‘wag mong sisihin ang sarili mo. Wala ka namang kasalanan dito. Hindi ko na nakuha pang pahabain ang pag-asa kong makakatanggap pa ng reply mula sa ‘yo. Hanggang d’un lang ang kinaya ng power nito. Ang puntod na ito ay walang halong paghuhusga. Ganun talaga ang buhay. At kamatayan. Lahat ay may sariling buhay at sariling kamatayan. Walang sinulid na nagdudugtong sa bawat isa kahit na lahat tayo ay nanabik na maiangkla sa ibang isla.
Ang liham na ito ay liham-pasasalamat. Salamat sa pagiging ikaw. Salamat sa buhay at kamatayan. Salamat sa iniambag mo sa kaakuhan ko. Ang kaluluwa ko, kung meron man kaming mga oso, ay patuloy na magbabantay sa ‘yo sa ayaw mo’t hindi. Salamat sa tapang na sa kabila ng kamatayan ay nakukuha ko pa ring magbantay sa ‘yo.
Paalam at text you later, alligator.
Nagmamahal,
Oso Camacho
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment