Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Thursday, November 08, 2007
Si Ben Templesmith at ang Purgatoryo sa Kampo-Santo*
*(formal theme writing naman, old-school, yebah!)
Wala nang sasarap pa sa mahigit isang linggong bakasyon sa probinsya (salamat, PGMA). Mula October 27 hanggang November 3, nasa pangangalaga lang ako ng aking mga magulang. Hilata rito, hilata roon. Bagsak din ang mga movie player (VCD at DVD) kaya’t wala akong ginawa kundi kumain at magbasa ng “The Golden Compass” ni Philip Pullman (na sa December 5 na raw ipapalabas sa mga suking sinehan).
Pero ang mahabang bakasyong ito ay sumabit lang sa All Saints Day at All Souls Day. Umuwi ako para magbigay pugay sa mga namayapa (napalampas ko ito n’ung isang taon dahil sa Utrecht assignment). Walang masyadong effort. Hindi na ako pinapabili ng nanay ko ng mga sariwang bulaklak sa Dangwa. Ayos na raw kung sa palengke sa bayan na lang bumili (o di kaya ay sa mga punerarya). Mas maalwan nga namang makipagsabayan sa mga umuuwi mula Maynila kung walang dalang sangkaterbang bagahe.
Sa bahay, nagbabasa pa rin ako ng “The Golden Compass” habang inaayos ng nanay ko ang mga bulaklak. Ilang chapters pa at tapos na pala ito, handa nang ialay. Ganun din ang mga kandila. Karaniwang inihahanda ito sa gabi bago mag-Undas.
Special request ko na sa umaga kami dumalaw sa kampo-santo. Walang masyadong tao, walang masyadong magtatanong kung kelan ako mag-aasawa (hehehe). At mataas ang araw sa umaga. Mahirap nang isugal kung sa hapon pa dadalaw dahil baka umulan. Urban myth sa bayan namin na parating umuulan tuwing November 1. Kung hindi ulan ay super typhoon.
Walang pinagbago ang town cemetery. Ganun pa rin. Ang ilang daanan ay hindi pa rin sementado. Maputik ang ilang bahagi. May stall na ngayon ang Mister Donuts sa bukana. Maliban dito ay wala nang bago sa magkakadikit na tindahan ng kandila, kakanin at e-load. May ilan akong kakilalang nakasalubong pero walang masyadong huntahan. Mas abala pa ako sa paglalakad kasama ng nanay ko. Sumabog sa ere ang mga kantang luma (“Andrew Ford Medina” ni Andrew E) at bago (isang sikat na kanta ni Akon).
Walang masyadong kwento. Sa gabi ay hindi na ako lumabas. Masaya pa naman sa sementeryo namin kapag gabi. Parang night swimming sa White Beach sa Puerto Galera sa kalagitnaan ng tag-araw. Andaming tao. Maingay. Parang town fiesta. Tinapos ko na lang ang libro at nagpakaermitanyo.
Nakabalik ako sa Makati n’ung sumunod na Sabado, November 3. Ipinako ko agad ang lamesang ginawa ng tatay ko para sa ilang abubot. Bandang alas-2 ng hapon, nasa Greenbelt 3 na ako para sa pelikulang “30 Days of Night”. 5pm, Fully Booked sa High Street naman para sa book signing ni Ben Templesmith, ang graphic novelist ng “30 Days of Night”. Masaya. May ilang pumunta pero hindi parang town fiesta.
Highlight ng book signing ang isang sketch jamming kasama si Ben at ilang kartonista. Nakakaaliw ang paggamit n’ya ng black marker sa isang obra na binuhusan ng Starbucks coffee bilang background color. Umuusok pa ang kape habang nilalatag sa illustration board. Kasing init nito ang kanyang pirma sa kopya ko ng comic book.
Itinulog ko na ang mga nalalabing oras para sa araw na ‘yun.
P.S. Salamat pala kay Nerissa Picadizo para sa mga larawan.
No comments:
Post a Comment