Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Total Pageviews
Tuesday, November 13, 2007
Tatlong Sinehang Nagpabago sa Aking Buhay-Makasine
Ang tatlong sinehang nabanggit sa ibaba ay matagal nang nagsara ilang umaga matapos isilang ang cable TV sa aming bayan. Dalawa rito ay giniba na at pinalitan ng ibang establisimyento samantalang ang isa naman ay hinayaang mabulok.
Batang Felrose 1 and 2 ako tapos malapit pa sa Javelin ang Bldg 2 (ang aking “elementary” school). Kaya siguro ako naadik sa sine. Sarap manood n'un na merong ka-double. Kung sesewertehin ay tatluhan pa ang palabas sa presyong pangdalawahan! Malas laang kung mag-brown out dahil hindi mo alam kung kailan magkakailaw. Ya, ako ay hindi naalis sa upuan at baka merong mapalampas. Hehehe.
Felrose 1: ito 'yung malapit sa Talolong River sa may Magsaysay pero bahagi pa ito ng Brgy. Talolong. Pagpasok na pagpasok mo ay bilihan ng ticket agad sa kaliwa na kamukha ng usual na box office: nahaharangan ng bubog na meron laang maliit na butas na bilog sa may parteng gitna para magkarinigan kayo ng takilyera. Kapag hindi ka umakyat, Orchestra 'yan. Nand'yan din ang maliit na area para sa bilihan ng Marie at Coke na naka-plastic at may straw na stripe (may yellow at pink nito). Nasa area rin na 'yan ang ilang still pictures para masabik ka sa mapapanood mo. Kung suswertehen ay may teaser na rin d'yan ng mga coming soon. Pagbalik mo sa may bilihan ng ticket, nandyan naman ang hagdan papuntang Balcony. May bantay dyaan kaya ingatan mo ang ticket mo. Sa "second floor", merong CR sa kanan na may tatlo o dalawang baytang pababa. Sa kaliwa naman ay parang terasa na nakaharap sa highway. Presko 'yaang parte na 'yan at masarap tumambay kapag naghihintay magkailaw. May isa pang hagdan paakyat at 'yun na, sinehan na.
Felrose 2: ang entrance ay d'un sa may dating prutasan sa may Kalyanda (Calle Anda). Dadaan ka sa medyo mahabang pasilyo at sa dulo ay merong mataas na hagdan patungo sa Balcony. Nasa ibaba sa kaliwa ang bilihan ng ticket at minindal. Aakyat ka ng mga apat na baytang at liliko na pakaliwa ang mataas na hagdan. May maliit na lobby r'un na pwede mong tanawin ang mga bahay-bahay sa Brgy. Rizal. Isang baytang pa ay may option ka ulit: sa kaliwa ay stockroom o CR yata at sa kanan ay 'yung sinehan na mismo na nahaharangan ng itim na tela. Nanonood ako noon ng "Shake, Rattle and Roll" nang ako'y ipasundo dahil mag-aabay raw sa kasal. Yano, hindi ko na napanood 'yung "Spirit of the Glass" episode nina Joel Torre at Arlene Muhlach (pero alam kong nakaligtas si Janice sa rapist na pridyeder).
Javelin: ang natatandaan ko lang ay malaki ang lobby nito sa ibaba. May tindahan ng sitsirya sa kanan at katabi nito ang tindahan ng ticket. Ang buong dingding ng katabi ng tindahan ng ticket ay hitik na hitik sa mga movie poster ng tatlong palabas na sine. Nasa kaliwa ang entrance. Sa second floor, isang waiting area ulit at nandun na rin ang dalawang CR sa may dulo. Isa pang akyat sa may parteng kaliwa ng waiting area at sinehan na mismo. Hindi ako masyadong nakanood d'yan dahil ang tsismis ay nagsara raw 'yan dahil may nakitang malaking sawa n'ung unang panahon.
Sa pagwawakas ng 80’s sa Lopez, Quezon, umusbong na ang VHS at Betamax. Kung video rental naman ay suki ako sa Sevilla (o Oseña bago pa itong gawing Family Computer game shop). Ang mga bold ay nakatago d'un sa upuan sa sofa na naiiangat ang kutson (hehehe). Ang likod ng pinto ay hitik sa mga movie ads sa dyaryo na pina-xerox. Lahat pa orig ang mga kopya n'un. Sa kabila ng kaalwanan ng hindi paglabas ng bahay, may kakaibang engkanto pa rin ang panonood ng pelikula sa loob ng sinehan. Sa panahong ito na ako naging binatilyo.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment