Kagadanan sa Banwaan ning mga Engkanto (Death in the Land of the Encantos)
Direktor: Lav Diaz
Running Time: 540 minutes
Mogwai Bar sa Cubao X
Noong January 5, 2008
1 - 10pm
Nakamamatay ang manood ng kahit anong pelikula sa MMFF 2007. Cliché na ito kahit noon pa pero ngayon ko lang talaga naramdaman ang pagiging lethal nito. Salamat na lang at merong Mogwai Film Festival (o festival ng mga pelikula ng mga kaibigan ng may-ari ng bar). Kahit papaano ay puwede kang mabuhay muli.
Inihanda ko na ang sarili ko sa siyam na oras na panonood ng pelikula. Kumain ako nang marami at hindi nagpahuli sa pagbaon ng matamis. Medyo mataas ang sikat ng araw noon at lubos na nakakaantok para sa isang Sunday afternoon. Inisip ko na lang na kailangan ko munang sagupain ang unang apat at kalahating oras at sa break ay magre-recharge na lang ako. Habang naghihintay sa ibaba ng bar para mai-ready ang screening room sa itaas, merong matapang na nagtanong kung ilang break daw ang nakalaan. Inabisuhan kami ni Alexis Tioseco, ang organizer ng event, na isa lang daw break ang pinayagan ni Lav. Kung merong tutol, makakabuti raw na dumiretso na ng reklamo sa direktor. Walang umangal, sa aking pagkakaalam.
Sa ganap na 1:15 ng hapon ay inalalayan na ang mga matatapang na cineaste para umakyat sa screening room. Pakiramdam ko ay isa akong neophyte na masasabak sa isang madugong hazing. Pero sa totoo lang, ganito talaga ang challenge na ibinigay ko sa aking sarili. Kailangan kong mapanood at matapos ang pelikula dahil ako ay mayabang na nagsasabing mahilig ako sa pelikula. Nakakahiya naman kung hindi ko ito maiinda.
Standard ang espasyo ng screening room. Merong anim na cinema seats ('yung reclining at merong slot para sa mga drinks kamukha ng mga upuan sa Ayala Cinemas) sa ilalim ng digital projector. Sa pagitan ng projector at ng dingding (na nagsisilbing screen) ay sangkaterbang throw pillows na may iba't ibang hugis (merong spikey, merong parang upuan na may sandalan at ang pangkaraniwang size). Nakakaakit ito para humilata at matulog sa tulong na rin ng aircon.
Kalaunan pa ay in-introduce na ni Alexis ang pelikula kaakibat ang pahapyaw na sumbat na basura ang mga MMFF entries. Nais lang daw nilang magbigay ng alternatibong venue. Fine. Nagsalita rin si Lav Diaz. Enjoy na lang daw at handa s'ya sa Q&A para sa makaka-survive ng pelikula. 'Yan ang eksaktong sinabi n'ya, ".those who will survive the film".
Oo, na-survive ko ang nine-hour film pero merong struggle.
Unang limang minuto pa lang ng pelikula ay humihikab na ako. Napakaganda naman ng mga unang imahe: ang Mayon Volcano sa gitna ng ilang pagkawasak ng puno at lupa. Siguro ay nasobrahan ako ng paghahanda sa pakikibakang ito. Ginising ko na lang ang sarili ko sa pabago-bagong posisyon sa cinema seat (maluluma siguro ang Kama Sutra). Napaka-poetic ng katahimikan, ng pagkahaba ng "cut" at ng kumbinasyon ng itim at puting imahe. Understatement na kapag sinabing "artsy" na direktor si Lav Diaz. Ang nakakalungkot lang ay limitado talaga ang bentahe ng sining. Sabi nga sa "Larawan: the Musical", ".ngunit 'di simple ang buhay, katulad ng sining".
Meron namang kuwento ang pelikula. Tungkol ito sa isang makata na nangimbayan at bumalik matapos ang ilang panahon. Ang kanyang pagbabalik ay pagsalubong sa bagyong sumalanta sa Kabikulan. Dito n'ya sinubukang busisiin ang kanyang pinagmulan at mga bagay na nagdudugtong dito at sa kasalukuyan. Pero katulad ni Dr. Jose Rizal, pinatay s'ya ng paglalakbay na ito.
Kung tutuusin, kung hindi artsy si Lav, makaka-deliver pa rin s'ya ng mga eksenang papatok sa masa. 'Yung kwentuhan ng mga dating magkakaibigan, kahit na nakababad ang eksena, ay may kakaibang relate factor. Ang confrontation ng makata at sa nakaraan ng kanyang ina kasama ang "mental hospital attendant" ay pang-melodrama. Ang love scene ay pwedeng maging erotic at poetic nang sabay. Wala nga lang masyadong comedy.
Makalipas ang apat na oras at kalahati ay pinatawan kami ng 30 minutong pagitan. Dito na ako sumabad ng kain at nagbaon ng ilang mangorind na binili ko sa malapit na Holland Hopia store. Nakausap ko rin ang ilang cineaste d'un at nakakwentuhan ng kung anu-ano. Halimbawa, sinabi ko kay kay Alexis Tioseco na magara ang suot n'yang Sampaguita Pictures shirt. Sa tindahan daw ni Raymond Lee n'ya ito nabili sa halagang P250. Gusto ko mang sugurin ang tindahan, nagsara na raw ito. Nakausap ko si "Noriel" na nangangarap makapagdirehe ng isang pelikula pagdating ng panahon. Napanood na raw n'ya ang unang kalahati ng pelikula n'ung nakaraang linggo at plano n'yang tapusin ang laban (na hindi n'ya nagawa dahil may lakad pa raw s'ya ng alas-diyes ng gabi).
Ang sumunod na pagpapalabas ay sisiw na lamang. Hindi na ako masyadong natutukso sa mga throw pillows na nasa harapan ko. Tumutuka-tuka pa rin ako sa ilang eksena pero inisip ko na lang na galing ako sa isang mahabang biyahe kamukha ng direct flight mula Maynila hanggang Amsterdam. Nakaka-jetlag ang pelikula, sa totoo lang.
Lumabas ako ng bar matapos ang end credits. Ang pangakong Q&A ni Lav ay hindi natuloy. Personal na lang daw s'yang tanungin sa ibaba ng screening room. Pinili kong langhapin na lang ang sariwang hangin sa labas hindi dahil mas mainam ito kundi para hindi mawala ang enkanto ng mga imaheng napanood ko. Kung ganito kasaya ang mamatay, pipiliin kong araw-araw pumanaw.
No comments:
Post a Comment