Ilan sa mga maagang pagkumpuni ko sa aking ala-ala n'ung bata ay isang eksena sa sinehan kung saan sinusundo ako ng aming kasambahay upang mag-abay sa isang kasal. Nasa kalagitnaan ako n'un ng panggagahasa ng pridyeder kay Janice habang nagmamasid naman ang isang William Martinez. Ayaw ko pa sanang umalis pero ano ba ang karaniwang kayang gawin ng isang grade one student? Dahil dito ay nagkaroon na ng pitak ang Metro Manila Film Festival sa aking pagtanda.
Maraming mga imahe ang hindi ko makalimutan: ang mga pulis na nagbabantay ng halimaw sa LRT episode ng "Shake, Rattle and Roll 8", si Gina Alajar na isang zombie ay kumakain ng putik (mula rin sa "Shake...."), si Manilyn Reynes at ang kapayapaan sa kanyang mga mata nang makita ang krus sa likuran, ang mga kakaibang halimaw at goth sa "Salamangkero", ang hipnotismo mula sa sa kakaibang usok na lumalabas sa pagitan ng pinto at sahig sa "Alapaap" ni Tata Esteban, si Ate Guy bilang isang anghel sa "Mga Kuwento ni Lola Basyang", ang scene stealer scene ni Ara Mina sa unang "Mano Po", ang grand slam performance ni Piolo Pascual sa "Dekada '70", ang masikip at mainit na Correctional sa "Bulaklak ng City Jail", ang futuristic wedding nina Ate Vi at Boyet sa "Imortal" (sa Greenbelt Chapel ito nag-shooting), ang kawalan ng Best Picture winner noong 1986, ang pagsibol ng GMA Films sa mga mata ni Cesar Montano bilang bida sa "Jose Rizal" at "Muro Ami", ang hysteria ng "Crying Ladies", ang pagbaha ng luha ni Dawn Zulueta nang namatay ang kanilang unica hija sa isang bangka sa "Kung Mawawala ka Pa", ang CGI ng "Yamashita", ang slow-mo scene ni Melanie Marquez sa "The Untold Story of Melanie Marquez", ang madre na nakapula sa isang episode ng "Shake..." (cute pa si IC Mendoza rito), ang death scene ni Anthony Alonzo sa "Bago Kumalat ang Kamandag", ang marahas na kontrabida role ni Goma sa "Dahas", ang method acting ni Marvin Agustin sa "Kutob", ang nakakaiyak na eksena nina Johnny Delgado at Edu Manzano sa "Tanging Yaman", ang NPA role ni Ate Guy sa "Andrea, Paano ba ang maging Isang Ina" at ang fluent na American English ni Bronson sa "Sakal, Sakali, Saklolo".
Sa kabila ng makukulay na pamana ng mga naunang MMFF, hindi masyadong naging mabunga ang huling festival. Heto ang mga ani ayon sa aking pagkagusto o pagkainis:
DESPERADAS: Amoy Pinipig
Para sa akin, itong "Desperadas" ni Joel Lamangan ang pinaka na-appreciate kong entry para sa MMFF 2007. Isinulat ito ng isang manunulat na hindi bading at hindi babae (ayon sa aking pagkakaalam) at wala akong gustong tumbukin sa aspetong ito. Nakakagulat lang na ang isang kikay film ay isinulat ng isang lalake (si Roy Iglesias) at lumabas na epektibo pa rin. Maayos ang porma ng pagkekwento, hindi episodic at nakaangkla sa tema. Panalo ang mga babaeng karakter dito, hindi sila api at sila ang tunay na nagrereyna. Walang sundot ang pelikulang ito sa lagay ng politika at ekonomiya, walang opresyon o ano pa mang araw-araw mo nang nasisinghot. Walang ka-pressure-pressure kahit na kahit saan mo pa tingnan ay pinagsamang "Sex and the City" ito at "Desperate Housewives". Dito naman nagkulang ang pelikula. Nagmukhang novelty ang mga eksenang kikiliti sana dahil matapang nitong tinalakay ang seksuwallidad ng kababaihan nang walang patumangga. Naging obvious na nagpapatawa lang talaga ang sumulat at ang pagkakadirek. Mas gugustuhin ko ito kung gumawa pa ng effort sa situational comedy ang lumikha. Dito ay mas makaka-relate ang mga Noypi at tuluyang makikisimpatiya sa mga bida. Magagaling ang mga bida. Kahit ang nakakairitang si Ruffa ay nagamit sa tamang liksi ang kaartehan. Si Marian Rivera ay mahusay ring mag-deliver ng mga linya, magaling magbagsak at merong timing. Hindi ko lang maramdaman na naka-internalize ang karakter sa kanya.
SAKAL, SAKALI, SAKLOLO: Fruitcake
Lahat na yata ng sahog para maaliw ang buong pamilya ay isinaksak na sa pelikulang ito. Meron para sa lahat (pagbaha ng luha, travelogue, comedy, hiritan, mga nanay na baliw, mga tatay na sabungero, sosyal na parents, etc.). Nakakalungkot lang na wala na akong nakitang bago ngayon, sinaid na ng naunang installment. Kahit ang mga eksena ni Bronson ay nakakasawa na rin maliban na lang sa huling eksena kung saan tila pinaglilihian na s'ya ng karakter ni Juday. Naisip ko na rin kung papasa ba bilang primer sa pag-aasawa ang pelikulang ito ni Jose Javier Reyes pero mas pinili kong magpakaaliw sa kanyang cameo bilang isang discriminating Pinoy sa Barcelona.
BANAL: Mga Kuwitis na Walang Direksyon
Maganda ang vision ng gumawa ng pelikula. Kahit papaano, masaya na ring isipin na kung ang Pinoy action film ay nasa ganitong direksyon, gaganahan akong pumila kahit pa si Manny Pacquiao ang bida. Nabuo ni Cesar Apolinario bilang direktor ang mundo na gustong ibahagi ng "Banal", isang rollercoaster ride ng mga pulis na pabago-bago ang ideolohiya at ang pagsagip sa isang universal na idea (Katolisismo, Santo Papa). Tila kuwitis ang ilang eksena na nagtatanim ng excitement para abangan kung mababaril ba si Pope o hindi. Kahit ang mga artista ay nakisabay sa energy ng mga gumawa ng pelikula. Si Alfred Vargas ay akting na akting. Gusto ko na s'yang patigilin minsan at sabihing "oo na, masama ka nang tao, gets na namin ang gusto mong iarte" habang si Boyet naman ay idinaan sa pagsigaw-sigaw ang karakter na disiplinadong officer. Si Paolo Contis lang ang bumalanse talaga pero hindi pa rin sapat. Mas kapana-panabik siguro kung si Marvin Agustin kay Contis, si Ricky Davao kay Boyet at si Joem Bascon kay Alfred. Naawa rin ako sa CGI ng pelikula. Hindi ito nakatulong sa ilang eksena. Ang tensyon sa huling bahagi ng pelikula ay mabilis na nanlambot nang umusbong ang CGI. Kailangang paghusayin pa ni G. Apolinaryo ang pagsusulat. Maraming karakter ang masyadong nakakahon, hindi 3D, at lahat sila ay nagpapaliwanag. Sa panahon ngayon, kahit ang mga bad guys sa mga superhero movie mula Hollywood ay binibigyan pa rin ng bida moment sa paglalahad ng konting background sa kanilang pinaggalingan.
BAHAY-KUBO: Ang Halaman ay Sari-sari
Isa ito marahil sa mga kahenyuhan ni Mother Lily. Kailangan n'yang mai-cast ang sangkaterbang talent para sa isang project. Ensemble cast ang tawag sa ganito, kamukha ng mga pelikula ng Regal n'ung 80's. Pero hindi naman nangulelat ang pelikulang ito sa pagbibigay-aliw. May ginto pa rin naman kahit na nagtataka ka kung tila isang pagpupugay yata ito sa filmography ni Maricel Soriano: mula sa mataray na baklang karakter hanggang sa pagiging isang seasoned actress. Hindi ako nagulat kung walang "grade" ang pelikula mula sa Cinema Evaluation Board. Walang masyadong old school na lesson ang gustong iparating ng pelikula. Tungkol ba talaga saan ang movie? Anong mapupulot ko rito? At magsisinungaling ba talaga ako sa DSWD? Medyo new age pa nga kung tutuusin ang mga karakter nina Maria at ni Gloria Romero. Sa mga artista, agaw-eksena si Eugene Domingo. Sa mga bata, gusto ko ang akting ni Shaina Magdayao rito. Nilamon n'ya si Marimar sa isang eksena nang buong buo. Pero siguro, kailangan ding i-consider ang karakter nilang dalawa.
RESIKLO: Ambisyoso
Malayo ang narating ng CGI sa pelikulang ito. Sangkaterba sila at nakakalunod na minsan lalo na't hindi naman realistic ang pagkakalapat sa katumbas nitong "live action". Dito naman magaling sina Chito Rono, Peque Gallaga at Erik Matti, ang tamang pagtitimpla ng totoo at hindi. Si Mark Reyes ay epektibo sigurong cinematographer pero hindi pa ako kumakagat sa kanyang direksyon at pagsusulat. Maayos ang tunog ng pelikula kaya't nararapat na sa THX cinema ito mapanood. Halo-halo rin ang aktingan dito: merong OA (Dingdong Dantes), merong magaling ang timing (Paolo Contis) at merong pwede na (Bong Revilla).
KATAS NG SAUDI: Payak
Maayos ang pagkakagawa ng pelikula, halos perpekto. Pero masyado naman yatang simple para sa beteranong filmmaker at scriptwriter na si Jose Javier Reyes. Masakit na opinyon ito pero sa tingin ko, kahit high school student ay kayang isulat ang "Katas ng Saudi". Sana ay anakan ulit tayo ni Reyes ng mga obrang kamukha ng "Oro, Plata, Mata" at 'yung ilang ginawa n'ya para kay Lino Brocka. Kung hindi ako nagkakamali, ito ang kauna-unahang pelikula ni Jinggoy Estrada na napanood ko. Grade A ang "Katas ng Saudi". Ang duda ko ay dahil sa gintong aral na nais ituro nito sa mga manonood: hindi kayo yayaman sa Pilipinas.
SHAKE, RATTLE and ROLL 9: Kaning-Baboy
Walang bago, walang kakaiba, walang kaabang-abang. Kung meron man akong hindi makalimutan, ito 'yung reaksyon ni Katrina Halili sa ilang palito ng posporo na merong sindi habang dahan-dahang lumulutang sa ere pababa sa puno. Maganda sana ang konsepto ng "Bangungot" episode nina Dennis Trillo pero nagmukhang masyadong malalim.
ENTENG KABISOTE 4: Hamon at Keso de Bola
Kailangan nating i-preserve ang mga pelikulang katulad nito. Kailangan nating ilagay sa time capsule ang isang halimbawa ng formula movie na nagpatingkad sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino n'ung hindi pa uso ang mga indie films. Puwede itong gamitin bilang template. Sa awa ng Diyos, napanood ko ang pelikulang ito ng libre (salamat sa unang limang MMFF entry na napanood ko). Ang natitirang pag-asa ng pelikula ay ang ilang hagikhik na narinig ko sa mga tsikiting na nanood sa sinehan. Kailanman ay nananatiling pleaser ang mga karakter na may super power, mga artistang sa noontime show lang natin madalas mapanood, ilang slapstick comedy at si Bosing Vic. Sariwa pa sa akin ang eksena ni Bangkay habang tahasang ini-spoof si Pepe Smith (na kasali sa "Banal") sabay sambit ng "rak en rol!". Kalabisan naman sigurong sabihin na ang eksena ng mga babaeng aswang sa pangunguna ni Tita Swarding habang nagpapahid ng langis sa katawan ay nagpaalala sa akin ng pelikula ni Ishmael Bernal na "Mga Nunal sa Tubig".
No comments:
Post a Comment