Total Pageviews

Tuesday, February 12, 2008

Tatlong Dula, Maraming Hilik

"SKIN DEEP" ng PETA

Muntik ko nang hindi maumpisahan ang dulang ito. Dasal ako ng dasal habang nasa taxi at napapamura na rin yata ako na ikinikibit-balikat lang ni manong driver. Eksaktong umuugong ang "Lupang Hinirang" n'ung kinukuha ko ang ticket ko at nagbabayad ng P110 na pamasahe. Nakakahiya sa aking mga officemates na sina Cat at Ge (na tila hindi naman inalintana kung late ba ako o hindi dahil kahit sila lang ay sapat na para sa 'sanlibo't isang dula). Sa madali't sabi ay naumpisahan namin ang musical. Tumalakay ito ng ilang usapin ukol sa plastic surgery, reality show at sekswalidad. Naihalo nang maayos ang material na isang dark comedy sa mga radio-friendly na piyesa nina Vincent de Jesus at Lucien Letaba. Madaling masundan ang mga awit o aria na makapal sa melody. May ilang katunog ang areglo at komposisyon ng mga awit mula sa "Zsazsa Zaturnnah" pero puwede na itong palampasin. Sa mga mumunting istorya ng mga karakter dito, nangingibabaw ang pagbabagong anyo ng isang misis na merong closet queen na mister mula sa pagiging Plain Jane hanggang sa pagiging isang ganap na lalake. Napaka-disturbing at mapaghamon sa moralidad. May kakaibang lungkot din ang istorya ng isang matrona na matapos ang pagkarami-raming retoke ay nais nang bumalik sa kanyang una at totoong anyo. Sa mga gumanap, stand-out si Mae Bayot na kapatid ni Lani Misalucha. Malinaw ang delivery at in character ang kanyang atake sa mga kanta. Mahusay rin ang timing n'ya sa comedy at epektibo s'ya sa mga madramang eksena. Hindi na kailangang sabihin pa pero hindi pa ako nagkakamali ng akala sa mga performance ni Robert Seña (maliban sa isang guesting dati sa concert ni Lea Salonga na nagmukha s'yang parang lasing). Ang iba ay may kanya-kanyang moment at wala namang ibang kapuna-puna (positibo man o negatibo). Ang mga dulang katulad ng "Skin Deep" ay tila isang dighay matapos ang isang masaganang paglamon: maingay, unethical at mabaho subalit mapagpalaya.

"HAKBANG SA HAKBANG" ng Tanghalang Ateneo

Isa itong Filipino translation ng dula ni Shakespeare na "Measure for Measure" sa panulat at direksyon ni Ron Capinding (kung hindi ako nagkakamali at lingid sa kaalaman ng nakararami, s'ya ang nagbitiw ng sikat na linyang "Jollibee Hongkong" para sa isang commercial n'ung mid-90's). Sa isang silid sa Gonzaga Building sa Ateneo ginawa ang pagtatanghal. Payak ang disenyo. Ang makikita sa gitna ng silid ay isang platform na may ilang baytang. Hinayaang tumagos ang sikat ng araw sa mga bintana at wala nang kung anu-ano pang palabok. Naalala ko lang na ganito siguro ang mga unang pagtatanghal ni Shakespeare sa mga palengke sa England noong unang panahon. Ang mga gumanap ay walang pangalan sa mundo ng local theater. Wala pa. Darating ang araw na ang mga bagitong mukhang nagsiganap sa dula ay ang mga susunod na Neil Ryan Sese at Irma Adlawan. Nakatulong ang Director's Notes sa program para lalo kong magustuhan ang dula. Ang pagsasalin pa lang, ayon kay G. Capinding, ay madugo na. Kinakailangan daw manatili ang porma, estilo at libog ni Shakespeare. Sa kalahatan, matino ang buong dula. Tumalakay ito sa pag-ibig at pagtatago ng sarili, na kung iisa-isahin ay madalas talakayin ng sumulat. Nai-deliver din nang maayos ang mga pagkahaba-habang linya. Malikot ang blocking at nakakatanggal ng antok ang ilang disco segment. Sa mga nagsiganap n'ung araw na 'yun (February 2), nagustuhan ko ang gumanap bilang Angelo na isang kontrabida. Tingin ko, sa mga kasabayan n'ya, s'ya ang nagmistulang hindi baguhan. May porma na ang kanyang pag-arte at kontrolado ang body language. Nakakaaliw rin kung paano nag-materialize ang libog na gustong ipahatid ng dula at kung paano ito binigyang anyo ng mga totoy at nene sa platform. Lumabas ako ng Ateneo lulan ng isang tricycle na may ngiti sa labi.

"HAMLET" ng Repertory Philippines

Ayon sa program, unang beses daw itong isasadula ng Repertory Philippines. Medyo nakakapagtaka. Siguro marahil ay piling pili lang ang mga tema na gusto nilang ipalabas at ang "Hamlet" ay isang tragedy. Sa pakulong ito ng Rep, sinubukan nilang i-deconstruct ang mga karakter na naka-tights. Sina Hamlet at ang buong hukbo ay tila na sa isang disyerto at pang-"Waterworld" o "Mad Max" ang kasuotan. Tinanggal na rin nila ang English accent pero nanatili ang orihinal na berso. Nakakabawas naman ito ng antok maliban kay Dr. Ricky Abad (na isang hurado para sa Aliw Awards?) na hindi ko sinasadyang makatabi. Sa unang 20 minuto pa lang ay naghihilik na s'ya na ikinabungisngis ng ilan sa paligid, hilik na climactic at hindi demure na hilik. Siniguro ko na lang na hindi ako ang pagbibintangan ng tao. Sa puntong ito ay natitiyak ko nang hindi nominado ang mga aktor sa dula o maging ang dula mismo para sa susunod na Aliw Awards. Malamang ay siniko s'ya ng kanyang katabing si Ms. Cora Llamas upang magising na hindi rin binigo ang sensibilidad ko. Nagkomento s'ya na hindi raw nakakatakot ang multo sa dula at wala raw emotional bonding ang ensemble (teka, di ba maraming monologues sa "Hamlet", bakit kailangan ng bonding?). Kinakabahan ako sa trahedyang kanyang isusulat para sa Philippine Daily Inquirer. Sa kabila ng lahat ng kabaliwan at bangungot, natapos ko naman ang dula. Mahuhusay ang mga gumanap pero parang nakulangan pa rin ako. Hindi ko alam kung bakit. Baka sakaling makuha ko ang sagot kapag nakatulog na ako nang mahimbing.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...