1. Kailangan ng tapang ang pagharap sa katotohanan.
Malalaman mong oras na para harapin ang katotohanan kapag masyado nang masakit. Kapag masakit pa lang, pwede pang palampasin. Pero kapag masyado ka nang basag, panahon na para batukan ang sarili at hilahin sa pagkakalugmok. Mahirap bumangon pero mas mahirap ‘yung nakaratay ka na nga ay pinapatay ka pa. Sa mga ganitong pagkakataon, isipin mo ang maaari pang masamang mangyari kung ipagpapatuloy ang pagkaratay. Isipin ang sarili. Maging selfish, maging demonyo. Ito ang magsisilbing drive sa pagharap ng katotohanan, isang pagharap na nakakapaso at maaari mong ikamatay. Ito ang ginawa ng gamo-gamo sa isang kwento ni Rizal. Sa sobrang pagkamangha sa katotohanan ng apoy, nasunog ang kanyang pakpak. Pero happy ending para sa akin ang kwentong ‘yan dahil buong tapang at walang hunos-dili na hinarap ng gamo-gamo ang isang bagay na maganda.
2. In Denial ka sa maikling panahon.
Ito marahil ang hang-over kung nalasing ka na nang sobra. Halos lango ka na sa mga nainom mo at hindi mo ito kasalanan. Ganun talagang mag-react ang sistema mo. Para sa akin, ito ang pinakamahirap na bunga ng paghihiwalay, 'yung makalimutan mo ang wisyo mo at maisalang ka sa isang mundo na halos ikaw lang ang diyos. Make or break ang estadong ito. Maaaring hindi lang katinuan mo ang mawala, baka buong pagkatao mo ay patayin nito (at buhayin sa ibang anyo). Dito ka magtatanong kung saan ka nagkamali. At hindi mo aamining nagkamali ka dahil ija-justify mo ang mga masasayang ala-ala na naisalpak mo sa katawan mo. Dito ka aasa. Dito ka magmamakaawa. Dito ka mabibigo.
3. Na magiging OK ka rin pagdating ng panahon.
Na matapos bigyang tuldok ang isang relasyon ay magiging masaya ka rin at tatawanan mo na lang ang mga katangahan mo. Pero bakit ba nauso ang katagang “pinana ni Kupido”? Dahil ba alam na ng nakaisip nito na ang paghugot ng palaso ay isang masakit na proseso? Napakamasokista naman natin na ang pagpana pala ay isang masayang bagay. Na ito ay isang pambihirang karanasan na dapat abangan sa tuwing sasapit ang kabilugan ng buwan. Sa kabila ng konteksto, nakalimutan natin ang sugat na maaaring ibigay ng pagkapana. Karaniwan, kapag dinala ka sa ospital, unang unang gagawin sa ‘yo ay huhugutin ang palaso, pahihintuin ang pagdanak ng dugo, lilinisin ang sugat at tatahiin. Maaaring natutulog ka habang ginagawa ang operasyon at magigising ka na lang na may konting hapdi. Totoo marahil na magiging OK ka pagdating ng panahon pero alam naman natin na ang lahat ng sugat ay may iniiwang peklat sa katawan.
1 comment:
No mention of any "Wine Night" concept?
Post a Comment