Kadalasang hindi ko ito napapanood marahil siguro sa maaga kong pag-uwi sa Quezon at pananamantala ng long weekend tuwing Holy Week. Kung tutuusin ay malapit lang sa boarding house ang unang tahanan ng senakulong ito (isang plaza sa Sta. Ana).
Ngayong taon, may ilang dahilan kung bakit ko ito pinilit panoorin. Unang una, si Jao Mapa ang gaganap na Hesukristo. Huli ko yatang narinig mula sa kanya ay isang proyekto na ginawa ni Quark Henares, 'yung "A Date with Jao Mapa" (maliban sa isang cameo sa unang pelikula nina Sam Milby at Toni Gonzaga at ang "Super Noypi" n'ung 2006). Kung hindi ako nagkakamali (at hindi ko ikakaila), nakakamangha na n'ung aking kabataan ay may isang aktor na katulad n'ya ang napapagsabay ang showbiz at ang kurso n'ya sa UST. Tila binasag n'ya ang banga ng madumi at maningning na buhay-artista sa Pinas. Marami namang sumunod pa sa mga yapak n'ya kabilang ang nasirang si Rico Yan at iba pa pero hindi lang d'yan nanahan ang kayang ibigay ni Jao. Pinamalas n'ya rin ang isang klase ng intelligent acting sa Pinas na bihirang bihirang masaksihan. Pinakilala n'ya ang isang nag-iisip na karakter (ito'y opinyon ko lamang).
Naging bahagi ako ng paglalahad ng interes ni Jao sa role na Hesukristo. Hindi yata sinasadyang mag-reply to all s'ya sa isang Yahoogroup na tinatambayan ko rin. Nag-iwan ang isang "Joao Mapa" ng kanyang celfone number sa nasabing film group. Kinuha ko ang aking celfone at sinubukang hamunin ang isang sa tingin ko ay nagpapanggap.
Text ko: "Kung ikaw nga si Jao Mapa, anong meaning ng ATGB?"Ikalawa, mas pinalawak ng Tanghalang Sta. Ana ang kanilang audience. Hindi ko alam kung kelan nag-umpisa pero maraming venue na ang kanilang pagtatanghalan kabilang ang Pagsanjan, Laguna at isang bayan sa Cavite. Sa unang leg, pinili nila ang Remedios Circle sa Malate. Dito ako nagkaroon ng interes dahil hindi naman kalayuan ang nasabing lugar (at kailangan ko ring magpahangin lalo na sa panahon ngayon).
Jao: "As Time Goes By"
Ikatlo, sa Miyerkules Santo (bukas/mamaya) pa ako bibiyahe pauwi ng probinsya.
Mula opisina, sumakay na ako ng taxi papuntang Remedios. Inisip ko na ring mag-MRT at LRT para mas mabilis pero naharang na ako ng ilang office work. Sa katunayan, pinahirapan din ako ng paghahanap ng taxi. Pinalad lang na ang isang manong ay uuwi na sa kanyang bahay sa San Andres kaya't wala nang boladas pa, inihatid n'ya ako sa Malate (pumatak ang metro ng P120).
Dumating ako ng ganap na ika-8 ng gabi. Maraming batang naglalaro sa ibaba at itaas ng entablado. Malamlam lang ang mga ilaw sa poste. May kakaibang ingay at amoy. Nasa Malate na nga ako, naisip ko. Ang ilang magsisiganap ay abalang abala sa make-up at ilang last-minute na ensayo. Maging si Jao ay napansin kong inaaral pa ang ilang choreography kasama ang mga senturyon. Pinasya kong mag-quicky dinner muna na naudlot agad dahil magsisimula na ang palabas sa una o dalawang subo ko pa lang ng kanin at liyempo.
Ang "Martir sa Golgota" ay hindi old-fashioned na senakulo. Hindi masyado. Hindi ito kamukha ng Wakefield Passion Play o 'yung mga pinapalabas sa open field sa Boac, Marinduque. May konting "That's Entertainment" ito sa paglalagay ng ilang interpretative dance sa pagitan ng mabibigat na eksena sa buhay ni Hesukristo. Halimbawa, habang nagdarasal si Jao sa Gethsemane ay merong papasok upang kantahin ang "The Prayer" ni Bocelli sa wikang Filipino.
Nilagyan din ng palabok ang pagkukwento. Inumpisahan ang dula sa makabagong panahon na mala-Lola Basyang. Ginawa siguro ito upang tumaas ang relate factor sa masa. Pero hindi rito natapos ang estilo. Dahil nga ginamit ng dula ang pangkasalukuyan, ipinasok na rin ang ilang pangkasalukuyang isyu sa politika at ang araw-araw na pagkakapako sa krus ng pangkaraniwang Pilipino. Isiningit ito sa ilang production number at lyrics (semi-musical ang senakulo). Kinilabutan ako na ang ilang teksto na hindi man diretsong sumumbat kay Gloria ay inawit na tila isang pasyon. Bravo!
Si Jao bilang Hesukristo ay hindi perpekto pero hindi nalalayo sa kagampan. Nagustuhan ko ang angsty na rendisyon n'ya ng Salitang Nagkatawang Tao. May kakaibang engkanto ang delivery n'ya ng beatitudes (kahit na halatang hindi pa n'ya ganap na saulado) at ilang berso. Naiparating din n'ya ang paghihirap, pagpepenitensya (isang bloke ang tinahak ng kanilang "station of the cross") at pagkakaligtas. Maliban kay Jao, nararapat ding bigyang-pansin ang musikang nilikha ni Vincent de Jesus para sa senakulo. May ilang mumunting ginto mula sa buong cast (si Bodgie Pascua bilang San Juan Bautista, ang artistang gumanap na Nicodemus, ang umawit sa huling bahagi na nakaputing robe at iba pa).
Maliban sa buong produksyon, gusto ko ring bigyan ng blog time ang mga batang makukulit at maiingay na nagbigay-buhay sa buong pagtatanghal. Nand'yang nagmumura sila, sumasagot kay Pilato, nangungulit sa aking photo-op at paminsan-minsang namamangha sa mga dugong lumalabas kay Jao. Dahil sa kanila, umuwi akong pawisan, may ngiti sa labi at nahimasmasan.
No comments:
Post a Comment