Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Total Pageviews
Wednesday, April 23, 2008
Tatlo, Dalawa, Isa
I. Kenyo sa Robinson's Galleria
Masyadong mainit mamalagi sa kuwarto kaya wala nang pagdadalawang-isip pa, bitbit ang CD ng Kenyo at Canon S60, kinaladkad ko ang sarili ko sa Robinson's Galleria n'ung Sabado ng hapon. Hindi masyadong matrapik kahit na nag-jeep at bus lang ako papunta sa mall. Masyadong napaaga ang dating ko kaya nanood muna ako ng sine ("Street Kings"). Paglabas ko ng Cinema 10 (at elevator), 'sakto lang na nag-uumpisa nang magpapasok ng tao sa isang improvised na concert venue sa food court area. N'ung una, akala ko'y haharangin ako dahil ang lamesa na nagsisilbing entrance ay may ilang CD na ibinebenta. Sinabi ko sa bantay na may kopya na ako at nakalusot naman (unusual ito at hindi kamukha ng experience ko sa mall show at CD signing dati ni Michael Buble sa Podium kung saan binraso ng Astro Plus ang pagiging ekslusibo ng event). Karaniwang maikli at payak lamang ang mga mall show (o mall tour ng isang banda o artist). Hindi ito naiiba sa ginawa ng Kenyo. Kinanta lang nila ang ilang tracks sa CD (na koleksyon ng mga sikat na 80's song) at mga lumang crowd-pleaser katulad ng "Pinoy Ako" at "Yakap sa Dilim" ng Apo. Nabanggit ng banda, bago awitin ang "Your Eyes", na nakuha nila ang inspirasyon na isaplaka ang kanta matapos mapanood ang isang number sa "That's Entertainment" ni kuya Germs noon. Aliw na aliw raw sila sa portion kung saan ang mga fans ay nagsasabit ng sampaguita sa kanilang idolo na halos hindi na makakita. Sinundan ang mini concert ng meet-and-greet at CD signing. Hindi ako nakapagtanong nang matino sa dami ng ilang bata at female fans na nagnanais makakuha ng Friendster picture kasama ang banda. Heto pala ang ilang ebidensya.
II. Milagros Dancehall Collective Album Launch sa Saguijo
Matapos ang quicky dinner with Hongkong Style Noodles at isang fried penoy, sumakay na ako ng bus na "Ayala / Leveriza" mula sa Robinson's Galleria patungong Saguijo. Niyaya lang ako ng officemate ko para sa album launch ng isang bagong reggae band. Wala akong ideya kung anong dapat asahan. Basta ang alam ko ay malapit lang ang Saguijo sa apartment. Dumating ako sa bar ng 7pm. Merong entrance fee na P1. Ika-25 ako sa parokyano ayon sa aking tiket. May nakalaang libreng CD para sa unang 20 na darating at naawa na lang siguro sa akin ang isang band member kaya't nakapag-uwi rin ako ng kopya ko sa halagang P1. Walang masyadong tao sa lugar maliban sa ilang DJ para sa live broadcast ng Doobie Nights ng Jam 88.3fm at ilang fans o kakilala. Sa ganitong pagkakataon ay mas masarap mag-photo-op kesa uminom ng serbesa (at mas matipid!). Tulad ng inaasahan, kung hindi nila ginawa ang magandang cover ng "This Girl is Mine" nina Michael Jackson at Paul McCartney, wala akong alam sa repertoire ng Milagros Dancehall Collective (o sa reggae mismo). Nagkataon lang na masarap sa tenga ang reggae, nakakaindak at melodious (wala na akong pakialam kung anuman ang content ng mga kanta pero may hinala ako na ang ilan dito ay punong-puno ng seduction). Heto naman ang ilang kuha ko mula sa album launch.
III. "Altar Boyz" ng Repertory Philippines sa Greenbelt Onstage
Kinabukasan (Linggo), matapos magpagupit sa Bepo's sa A-Venue (20% off pa rin sila hanggang katapusan ng Abril), nag-jeep naman ako papuntang Greenbelt area. Lalo yatang umiinit ang tag-init ngayong taong ito. Mula Greenbelt 4 ay binaybay ko naman ang ilang al fresco restaurants papuntang Greenbelt 1. Mukhang pagod ang unang babaeng kumausap sa akin mula sa Rep. Kung pagod din ako n'ung mga sandaling 'yun, baka inabot ako ng kasungitan. Hindi kami masyadong magkaintindihan tungkol sa seating arrangement at kung alin ang free seating at hindi. Sinalo na lamang s'ya ng katabi n'ya sa kaliwa. Kalahating oras bago mag-umpisa ang palabas, sumaglit muna ako sa maliit at isa sa mga naunang stall ng Jamaican Pie. Quicky lunch. Maliit lang kung tutuosin ang produksyon ng Rep ng "Altar Boyz". Ginawang devise ng sumulat ng musical ang isang world tour concert ng isang sikat na Catholic (at isang Jew) na boyband. Ang stage ay nag-mistulang isang concert stage at walang ibang karakter maliban sa limang miyembro ng boyband (isang lider na mala-Justine Timberlake ang packaging, isang Mexican na parody para sa mga Latino superstar katulad ni Ricky Martin, isang bading na falsetto, isang bad boy na mala-Robbie Williams at isang tila walang kinabukasan para magkaroon ng solo career). Sinahugan ito ng isang digital soul censor na bumibilang sa mga lost souls mula sa audience. Ito ang nagsilbing bomba ng kwento (hindi nakakagulat na napansin ng mga kritiko ang dula). Radio-friendly naman ang mga kanta at epektibo ang pagiging interactive ng musical. Sa limang nagsiganap, ang miyembro na Mexican ang bumenta sa akin dahil na-sustain n'ya ang karakter hanggang dulo. Si PJ Valerio (ng "Walang Tulugan Master Showman") ay puwede na bilang lider. Pasado na sana s'ya maliban sa isang mataas na chorus ng kanta bago matapos ang dula. Bigla tuloy akong nagduda sa musicality n'ya. Ang gumanap naman ng bad boy ay absuwelto na rin sana. Malinaw ang kanyang mga linya at bigay na bigay ang delivery. 'Yun nga lang, sa kanyang African-American accent, nilinlang s'ya ng kanyang mala-F4 na appearance at dito s'ya pumalya. May kanto ang lyrics ng mga kanta. Hindi ito ganap na wholesome at hindi rin naman ganap na satirical. Naaliw na rin naman ako sa kabuohan. Nakalimutan ko lang na isa itong pagsasadula ng Rep.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment