Total Pageviews

Sunday, May 04, 2008

Manood ng "Ploning" Dahil/Hindi Dahil...

(pasintabi, merong spoilers)

DAHIL:

1. Plot-oriented ang pelikula, hindi ito trip-trip lang o too artsy o masturbatory. Dahil dito, maiibigan ito ng mainstream crowd na sukang suka na sa mga pelikulang formula. Ang devise na ginamit ay tila pinagsamang "Malena" at "Sa Pusod ng Dagat". Sa katunayan, halos suporta lang ang binigay ni Juday sa pelikula. Para sa akin, ang central character ay ang batang/binatang si Digo;

2. Ang mga eksenang madrama ay hindi halata pero merong tama. Kung ganito ang hanap ng mainstream, hindi mapapahiya ang "Ploning". Ilan sa mga eksenang ito ay ang batang si Digo na nagnanais maisakay sa motor gamit ang kanyang bagong tsinelas, ang reunion scene sa dulo ay walang dialogue pero nakakaiyak, ang nag-iisang crying scene ni Juday kasama si Tony Mabesa matapos ang paglalaba ng puting damit, atbp;

3. May "mata" ang direktor sa pagdidirek. Hindi s'ya mapapahiya sa mga beteranong direktor ngayon na walang pinapakitang bago. Ang mga katulad ni Dante Nico Garcia ang dapat tinatanggap ng industriya with open arms. Kontrolado rin ang pagpapaarte n'ya sa cast, mula sa mga walang pangalan (ang bata at binatang Digo) at may pangalan (underacting si Juday rito, mahusay si Spanky Manikan bilang Tsuy, epektibo rin si Eugene Domingo bilang baldado at kaabang-abang ang mga eksena ni Mylene Dizon);

4. Maganda ang cinematography pero iniwasan ng mga gumawa na magmukhang travelogue ang pelikula. Unang una, maraming salamat at hindi "Cuyo" ang pamagat ng pelikula. Malaking bagay ito dahil nabigyang kulay 'yung suportang kailangang ibigay ng mga tanawin (dagat, bayan, maliit ng barangay, atbp.) sa mga sala-salabat na mumunting kwento at hiwaga na nagkakabit sa mga residente roon;

5. Pinag-isipan ang pagkakasulat. 'Yun nga lang, nadamay na rin ang halos lahat ng karakter sa katalinuhan. Masyadong matalino si Ploning, ang batang si Digo, si Tony Mabesa, ang tricycle driver na si Ketchup Eusebio, ang karakter ni Mylene Dizon, si Beth Tamayo o maging ang Taiwanese na si Tsuy. Walang masyadong pagkakaiba sa boses at timbang sa pagiging wise ng mga karakter. Tila lahat sila matalino. Puwede itong maging drawback ng pelikula pero ok lang sa akin;

6. May ilang bahagi na hindi ko masyadong maintindihan. Halimbawa, bakit pa pinatagal ni Digo ang kanyang paghahanap kay Ploning? Hindi ba n'ya nami-miss man lang ang kanyang kapatid? Para sa isang batang nawawala, ang una sigurong iisipin n'yan ay ang makabalik sa kanyang tahanan. Hindi ko rin ganap na maintindihan kung bakit masyadong luminous si Juday sa mga eksena n'ya. Ang ganda-ganda n'ya, kahit retro ang suot o basang basa s'ya sa ulan ay maganda pa rin s'ya. Sana medyo nakontrol ang aspetong 'yan. Hindi ito masyadong nakatulong lalo na r'un sa mga eksenang nagiging novelty ang kahit anong involvement ng mga kalalakihan kay Ploning (o hindi ko lang naintindihan 'yung mga eksena sa isang pasinaya). Kung ako, magiging proud pa ako kung si Ploning ang ka-slowdance ko; at

7. Best film siguro ito na kasali si Juday. Pero bilang aktres, mas matimbang pa rin sa akin ang mga ginawa n'ya sa "KKK" o "SSS" dahil at home na at home s'ya sa karakter ng taklesa at modernong babae na pinasok ang buhay may-asawa.

HINDI DAHIL:

1. Rated A ng CEB. paalala: "A" rin ang nakuha dati ng "Mulawin". Ang grade ng CEB ay laban ng producer para bawas-gastos sa tax. Para sa akin, walang kinalaman ang manonood dito;

2. Kapuso o Kapamilya ka (o dahil suwapang at mukhang pera ang Star Cinema). Para sa akin, ang pangit lang sa "Ploning" ay ang publicity na kamukha ng makinaryang ginagamit ng mga big time producer. Ganung-ganun ang mold. Sana kinumusta na lang si Juday sa pinaghugutan ng karakter n'ya at 'yung economics bilang producer o ipakilala 'yung mga artista sa pelikula na wala pang pangalan (para naman makilala man lang ng Philippine Movie Press Club at ma-nominate sa Star Awards for Movies); at

3. May free trip to Palawan for two kapag nanalo ka sa raffle (tatlo ang mananalo!). Dapat yata ay nasa "DAHIL" 'to kaya manood na hanggang May 6.

1 comment:

Anonymous said...

nice post! just clarification, kaya hindi agad hinanap ni digo ang pinanggalingan niya dahil nagkaamnesia sya after niya malunod sa dagat... ang tangi lang niyang naaalala eh ang pangalang 'ploning' na ni sya hindi niya maalala kung sinu un, pero habang tumatanda sya unti unting bumabalik yung alaala niya pero hindi parin ganun kalinaw, since illegal sila sa lugar hindi sila palaging nakakapunta doon, so aun naalala lang niya lahat nung hinanap na niya kung sinu ung ploning sa alaala niya.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...