Saturday, May 17, 2008

Pre-Bangkok Thingy: Aliwan Fiesta 2008

100% unedited, ilang larawan dito.

Isang weekend bago ang pinakakaabangang trip sa Bangkok, nag-side trip muna ako sa Aliwan Fiesta n’ung May 3 sa harap ng Aliw Theater sa CCP Complex. Akala ko rati, little-known ‘yung event dahil bihira namang naanunsyo sa mga leading network. Sa Philippine Star ko lang nga nakita pero medyo malabo pa ang ads, walang oras at kung anong activity ang nakahain. Natiyempuhan ko lang ang detalye sa tambalang Balasubas at Balahura habang nakikinig ng radyo sa loob ng banyo.

Kaya n’ung Sabado na ‘yun eh sumugod ako sa CCP. Magko-commute sana ako dahil nagtitipid para sa Bangkok pero minabuti ko nang mag-taxi dahil medyo makulimlim at tila uulan (at umulan nga nang malakas). Sa kabila nito, walang masyadong epekto sa pista na nadatnan ko sa Roxas Boulevard. May ilang naghihintay at may ilang nagliliwaliw sa trade fair mula sa iba’t ibang probinsya.

Sulit na rin ang pagpunta ko. Akalain mo ‘yun, meron din palang matitinong proyekto ang gobyerno (Department of Tourism sa pakikipagtulungan ng Manila Broadcasting Company at ilang FM station katulad ng Love Radio) kamukha ng Aliwan Fiesta. ‘Yun nga lang, hindi masyadong na-optimize ang viewing area para sa publiko (libre ang cultural event na ito). May ilang elevated na upuan pero hindi masyadong naidisenyo nang maayos. Puno ng manonood ang lugar. Suwerte na lang at nakasingit ako sa kanang bahagi ng Aliw. Hindi ko man ganap na nakikita ang mga performers sa harapan, nakikita ko naman sila nang malapit kapag exit na. Malaki ang naitulong ng video display sa may entrance ng Star City.

Ang konsepto, lahat ng mga festival sa buong Pinas ay merong delegado para sa pasinaya. Halimbawa, Sinulog ng Cebu (na tingin ko ay pinakapalaban sa taong ito kung hindi man dahil sila ang defending champion) o Panagbenga ng Baguio o Dinagyang ng Davao. Hindi lang sila magpapakitang gilas, maglalaban-laban pa sila para sa tumataginting na isang milyong piso! Ang second placer ay magkakamit ng kalahating milyon at P300,000 naman para sa pangatlong puwesto. Kabuntot ng street parade ay ang kanilang karosa na may sarili ring pakontes. P300,000 naman ang mapupunta sa grand winner. Nakaupo sa bawat karosa ang naggagandahang binibini mula sa pinanggalingang probinsya. Suot nila ay kakaibang disenyo mula sa kagamitang organic. Hindi ko makalimutan ang isang binibini mula sa Bulacan na pinalamutian ng ‘sangkaterbang green mango sa mukha. Kaysarap pitasin ng mangga! Kahit sila ay merong giyera para sa Binibining Aliwan (nakakaaliw ang title). Hindi na masama para sa isang pautot ng gobyerno. Kung dito mapupunta ang aking tax, mananahimik lang ako tuwing filing ng ITR.

Mga 10pm na siguro nang mag-umpisa ang street dance/parade. Kumain lang ako ng hotdog on stick at uminom ng C2 bago makisiksik sa tao. Unang entry ay mula sa Leyte. Proud na proud ang katabi kong si manang. Asawa n’ya raw ang production designer ng float. Binisaya pa ako sa sobrang kagalakan. Sa totoo lang, breath taking naman talaga ang unang entry. Mahusay at synchronized ang performance na mostly ay mga bata. Inilagak ng unang kalahok ang level sa medyo mataas at hindi ito masyadong naabot ng ilang kalaban maliban na lang sa isa pang entry mula rin sa Leyte na tila mga bubuyog ang performer. Maging ang entry ng Catanauan, Quezon, ay hindi ko masyadong pinanigan. Amateurish ang kanilang entry. Marami pa sigurong kakaining bigas at lambanog. Pero kahit papaano, nagbigay na rin ng pride sa aking dugong Quezon. Maganda rin naman ang ibang entry. Walang itulak-kabigin, sabi nga. Ang mga float ay hindi nagpatalo. Stand-out para sa akin ang entry ng Laoag na isang malaking kalesa na yari sa kinaskas na kawayan. Maganda ang lighting nito at buong buo ang porma. Ang isa pang karapat-dapat manalo ay ang float ng Cebu. Nagmistulang pang-Rose Parade ang kanilang pambato. Isang leon ang nagpupugay sa isang imahen ni Sto Niño at isang giraffe naman ang gumagalaw sa likuran nito. Maganda ang robotics pero kung tutuusin, walang masyadong bearing sa okasyon. Sa effort, ito siguro ang the best.

Hindi magkamaliw ang S60 ko sa buong event. Nakakalungkot lang na naghihingalo ang aking camera kapag gabi dahil walang natural light. Hindi ko rin dinala ang tripod ko. Pero kahit papaano, nagpista ito sa kulay ng mga gumagalaw na imahe. Natapos ang huling entry ng pasado hating-gabi na yata. Bumili ako ng isang itim na hand-woven bracelet mula sa North Cotabato at nagpalipas-uhaw sa tulong ng isang serving ng Zagu. Kalahating oras o mahigit pa ang iginapang ng palabas. Itinanghal din ng gabing ‘yun ang nanalong Binibining Aliwan na nagmula sa Davao. Marami pa ring tao sa lugar. Hindi ko na hinintay kung sino ang nag-uwi ng isang milyong piso. Sabi nga ng isang kakilala, wala na sa pera ‘yan. Pride na lang ‘yan.

No comments:

Post a Comment