Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Total Pageviews
Sunday, May 04, 2008
Unang Ulan ng Mayo
Sabi sa isang posting sa isang Yahoogroup na kasali ako, hindi raw holiday ang May 1. Meron yata itong politikal na undertone kaya hindi ko na binuklat at binasa pa ang content. Ang iniisip ko lang n'un, galing ako sa dalawang araw na VL n'ung Lunes at Martes, at Miyerkules at Biyernes lang ang mga araw na papasok ako. Masaya pala minsan na hindi kadikit ng weekend ang isang holiday. Mas nakaka-relax.
Ang mga araw na kamukha ng May 1 ay nag-uumpisa hindi dahil sa tunog ng alarm clock kundi dahil sa tindi ng sikat ng araw na tumatagos sa mga kurtina ng aking kuwarto. Hindi ko alam kung ganap na pahinga 'to dahil sa mainit ang init ng tag-init. Walang ibang choice sa umaga kundi bumangon. Ilang sandali pa, bitbit ang aking S60 na may nakasalpak na naghihingalong battery, binaybay ko ang EDSA. Sa SM Megamall ako unang tumigil para sa "Ploning". Papuntang cinema area, nakasalubong ko ang aking kaklase n'ung college na si Viva. Wala pa ring pinagbago ang kanyang sunny disposition at mala-firecracker na kaingayan. Ilang kumustahan lang at palitan ng celfone number at nagpaalam na rin kami. Meron pa yata silang date ng kasama n'ya. Nakita ko rin ang isang katrabaho dati sa bangko. Tinanong ako kung manonood daw ako ng "Ironman". Hay, minsan, ang hirap magsinugaling.
Hindi napuno ang 1pm screening ng "Ploning" sa araw na 'yun. Kung tama ang hinala ko ay hindi aabot sa kalahati ng sinehan ang mga nanood. Sa kabila na ito ng maruming publicity ng pelikula at ang libreng trip to Palawan kapag ticket mo ang nabunot. Nakakalungkot dahil maraming gustong ipakita ang pelikula. Isa rin itong statement kung ano pa rin ang nangingibabaw na taste ng mga Pinoy pagdating sa panonood at pagpili ng pelikula.
Lumabas akong solb. Kung problemado ako sa araw na 'yun, malamang ay napatahan ako ng "Ploning". Ayoko na nga sanang pumunta pa kung saan para ma-absorb ko ang goodness nito. Pero para saan pa at dinala ko ang S60 ko kung hindi naman ako tutuloy sa UP Diliman.
Nag-bus at jeep lang ako papasok ng campus. Kinunan ko ng ilang larawan 'yung signboard ng jeep na may background ng main building. Kinunan ko rin ang Carillon at ang maiitim na ulap sa likod nito na nagbabadya ng isang malakas na ulan. Alas-4 na yata 'yun n'ung bumisita ako sa Chocolate Kiss Cafe na pamoso sa masasarap na cake. 'Yung sampler nila na Chocolate Kiss Suite ang sinubukan ko (maliliit na hiwa ng Dayap Chiffon Cake, Prune Cake at Kahlua Butter Cake yata na lahat ay pasado sa panlasa ko). Isang house blend coffee ang panulak ko. Pumatak ng P110 ang bill. Hindi na masama para sa isang hapon na maginaw at makulimlim. Dito na ako dumiretso sa Cine Adarna ng UP Film Institute na nasa kabila lang ng Bahay ng Alumni.
Bumuhos ang isang napakalakas at nakakabinging ulan. Nagpaulan ako nang konti dahil suwerte raw ang unang ulan ng Mayo. Unang beses ko rin yatang maranasan ang ulan sa UP. Dati-rati ay maaraw ito at nakakapawis ang kahit maikling paglalakad kahit na may ka-HHWW. Sa lobby ng sinehan ay walang masyadong tao maliban sa mga takilyera na nakakaaliw ang huntahan. Wala pa sigurong pito kaming nanood.
Pinabagal ng "Donsol" ang hapon ko. Ilang beses akong humikab at parang mas gusto kong nasa bahay na lang ako, nakahiga at nakikinig sa Love radio. Wala na ang ulan nang matapos ang sine (P80 lamang). Naglakad ako papuntang kanto at pumara ng jeep papuntang Philcoa. D'un na ako sumakay ng bus hanggang "tulay" at kumuha ulit ng isa pang jeep. Wala nang masyadong event sa araw na 'yun. Maaga rin yata akong nakatulog bilang paghahanda sa araw ng trabaho kinabukasan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment