For the record, ang unang pagsasaere ng “Survivor Philippines” ng GMA-7 ang unang Kapusong palabas ang natapos at pinanood ko mula umpisa (maliban siyempre sa mga piling episodes ng “That’s Entertainment” noong araw). Unang una, masugid akong taga-hanga ng “Survivor” ng USA. Mula sa season nila sa Africa, jingle na lang yata ang pahinga kapag nanonood ako ng mga episodes nito. Maging ang aking tatay ay kinunstsaba kong magrekord ng ilang palabas kapag ako’y walang panahon para maabutan ito sa Studio 23 or RPN-9. Ang kauna-unahang “Survivor” ay mapalad ko ring napanood sa isang marathon show. Ang outback season na lang nila ang hindi ko pa nasasaksihan (at ang mga sumunod matapos ang kontrobersyal na “Survivor” na tumalakay sa race o kulay). Siyanga pala, si Lex ang paborito kong “Survivor” dahil napaka-sensible ng kangyang mga binibitawang salita.
Nang dalhin ng Studio 23 sa Pilipinas sina Ethan (“Survivor Africa”), Jenna M (“Survivor Amazon”) at Shi-ann (nakalimutan ko na kung saan pero kasali rin si Rob sa season na ‘yan), hindi ko pinalampas ang pagkakataon na makita sila sa Capones. Ang kaibigan ko noon na nagtatrabaho sa ABS-CBN ay nagpaunlak pa ng isang phone conversation kay Shi-ann.
Minsan din ay nagpabili ako ng “Survivor” t-shirt sa isang kaopisa na nasa kliyente sa USA.
Malaking bahagi ng natutunan ko sa buhay ay napulot ko sa “Survivor”. Sabi nga, “outwit, outplay, outlast”. Di ba’t ‘yan lang naman ang mga mahahalagang gabay sa buhay?
Ikalawa at huling dahilan na lang siguro ang curiosity kung bakit ko pinatulan ang franchise na ito ng GMA-7. Ito’y sa kabila ng pagkakataong mapanood ang premiere episode ng “Kahit Isang Saglit” nina Echo at Carmen Soo (fine, pinanood ko pa rin kapag commercial sa kabila).
Heto ang aking masasabi:
1. Kamukha ng kanyang mga pinaggayahan, nakuha ng GMA-7 ang “feel” ng “Survivor”. Mula sa chant, hanggang sa ilang camera gimmick at ang set-up para sa challenges. Pilit na pilit man ang ilang snapshots, pangit ang quality ng “interview” portion (mas klaro pa ang live coverage ng TV Patrol World sa mga rural area) at maging ang OBB ay hindi kasing exciting ng orihinal pero hindi na masama;
2. Kung ang Pinoy Big Brother ay tinutuya dahil mukhang artistahin ang mga kasali, hinding hindi ito masasabi sa “Survivor Philippines”. Ngayon pa lang, masasabi ko nang walang sisikat sa mga kalahok nito (kung naisin man nilang mag-artista). Kung ganito rin lang, sana ay sinagad na nila sa paglalagay ng medyo “odd-looking” (sangkaterba ang ganito sa orihinal na “Survivor”). Sa kabila nito, isa itong welcome treat para sa mga Kapuso. Kahit papaano, meron na silang babantayan at poprotektahan na reality show sa mga forum at kung ano pa mang online discussion. Isa rin itong buhay na kontradiksyon sa binitiwang salita ni Ms. Wilma Galvante na hindi nila kailangan ng franchise dahil meron na silang “Starstruck”;
3. Nakakairita ang mga side comments ni Paolo Bediones. Minsan, kailangan pa n’yang ulitin ang kung anong pinapakita na sa TV (“hinihingal si ganito, dumating na si ganito, nasa web pa rin si ganito”). Sana’y hayaan na lang ang camera mismo ang magsalita sa mga eksena. Maaari itong magbigay ng maling impresyon kung ang nais nating palabasin sa isang reality show ay tila panonood ng mga isda sa loob ng aquarium. Ang mga comments ni Mr. Bediones ay parang nagsa-suggest ng anggulo na hindi nakikita ng mga manonood. Isa itong malaking pagkakamali;
4. Walang pinapakitang “scoreboard” ang “Survivor Philippines” habang nagaganap ang challenge. Makakatulong ito upang madaling mabantayan ng mga manonood ang performance ng bawat grupo. Sa halip, sinasabi na lang ni Mr. Bediones kung ilan na ang puntos ng kung magkabilang grupo. Hindi ganito ang estilo ng orihinal na “Survivor”;
5. Nagulat ako na itutuloy pala bukas ang susunod na episode. Ibang iba ito sa nakasanayan nang weekly show sa US kung saan hitik na hitik sa excitement at twist ang bawat minuto ng isang oras na episode. Merong konting socio-politics, konting drama at bago ka pa maumay, heto at sasabak naman sila sa reward o immunity challenge. Sa unang episode pa lang ng “Survivor Philippines”, alam ko na ang pagbababad sa socio-politics at drama ang gagawin nila sa mga darating pa. Bago matapos ang palabas, merong ilang minutong itinalaga sa mga kaawa-awang manlalaro habang natutulog sa buhangin habang nagna-narrate si Mr. Bediones ng kanilang kalagayan (“heto ang kanilang unang survival night….”). Kung ito ang pagbabasehan, wala na akong ganang manood pa ng mga darating na episode;
6. Masyado yatang hyper si Mr. Bediones sa pagho-host. Sana ay masabayan man lang ng mga kalahok ang kanyang energy. Wala rin naman akong maisip sa ngayon na puwedeng gumawa ng trabaho n’ya (hmm, si Richard Gomez kaya o si Marc Nelson?). Makakatulong din kung mapapadalas ang kanyang pangungumusta sa mga kalahok bago o matapos ang isang challenge (madalas itong gawin ni Jeff Probst);
7. Hindi naging kapana-panabik ang premiere episode. Siguro ay magpi-pick up ito kapag meron nang immunity challenge at kailangan nang magharap sa tribal council. Nagdududa rin ako na baka hindi makatulong ang pagiging kimi nating mga Pinoy. Sa orihinal na palabas, hindi mapagkakaila na expressive talaga ang mga Kano. Sinasabi nila ang anumang nasa loob ng utak nila. Dito minsan nabubuhay ang adrenalin ko kapag nanonood ako ng “Survivor”;
8. Hinati sa dalawang tribu ang mga kalahok ayon sa kanilang kasarian (as in boys versus girls). Una itong ginawa sa “Survivor Amazon” dahil na rin siguro sa konteksto ng lugar. Sa “Survivor Philippines”, hindi ko ito masyadong maintindihan dahil sa tingin ko ay hindi naman mataas ang gender discrimination sa atin. Mas nanaisin ko pang hinati ang mga players ayon sa kanilang trabaho o socio-economic status. Mas masaya siguro ang rich versus poor na konsepto at mas swak ito sa ating atmospera;
1 comment:
nice:) aus.. comprehensive ung entry mo.. im a fan of survivor also.. also a kapamilya and kabarkada:) basta, reality shows, ok sa kin.. hope to hear more of your reviews soon:) your site is now bookmarked.
Post a Comment