Monday, September 22, 2008

Isang Open-Letter para kay G. Quark Henares

Dearest Direk Quark,

Unang-una at malayong-malayo sa gusto kong ikuwento talaga sa ‘yo, babatiin muna kita ng isang malutong na congratulations para sa panganganak ng pinaka-cool na teleserye sa buong mundo, ang “Rakista” ng TV5. Dahil dito ay na-refresh ang aking TV viewing habit. Maraming salamat sa inyo ni Diego Castro sa pagkakaroon ng ganitong palabas.

Noong nakaraang Miyerkules, September 17, nanood ako ng una kong Cine Europa para sa 2008. Ito ‘yung “Vitus” ng Switzerland na tumalakay sa isang child prodigy. Hindi ako sigurado kung papatok sa ‘yo ang tema at filmmaking nito, pero hindi naman ‘yan ang sadya ng open-letter ko. Pagkatapos kong manood ng sine, kinakailangan kong i-taxi ang Phi Bar sa Metrowalk para ma-rekindle ang buhay-gimikero ko kasama ang Cueshé. Bad trip ako noong araw na ‘yun kaya di na masamang mabisita man lang ang banda (na ang alam kong parating may space sa puso mo, hehehe).

Second set na ang naabutan ko. Pagkaupo na pagkaupo ko sa puwesto ng mga roadies na sina Nonoy at Brian, napansin na agad ng banda ang presence ko. Sa ikatlong kanta (at ikalawang bote ng San Mig Light) nila kinanta ang paborito kong i-request na “The Remedy” ni Jason Mraz. Alam kong walang masyadong ikakabuti ‘yung cover nila n’ung number na ‘yun (imagine, medyo kailangang mag-rap ni Jay) pero guilty pleasure lang sa part ko. Masarap kasing marinig ‘yung kanta kapag problemado ka at gusto mong pumunta sa buwan kahit sandali lang. Kumbaga sa inuman ay isang masarap na pulutan ang “The Remedy”. Bago ito inawit ay casual na dinedicate ni Jay ang kanta sa akin. “Para sa isang taong nand’yan parati, kay Manny. Ayun s’ya, nakaputi na parang pari.”

Bago pa ang dedication portion na ‘yan ay kakuntsaba ko na si Mike na sa second set pa nila kakantahin ang request ko. Alam nilang manonood pa ako ng sine. At alam nilang alam kong hindi ako mapapahiya sa request na ‘yun dahil ilang ulit na rin nila akong natanggihan.

Pero merong masayang nangyari sa set na ‘yun. Nanibago ako n’ung una pero naaliw na rin. Ibang iba na ang kilala kong Cueshé. Nawala ang focus sa perfection at napaka-informal ng pagkanta at pakiki-interact. Ngayon ko lang sila nakitang ganun ka-relax kumausap sa tao. Maging ang mga kanta ay bago rin. Mas mukhang trip-trip lang ‘to, mas bangag (o mas baboy) pa sa mga gig sa Saguijo. May ilang kanta na hindi natatapos, may ilan namang nadudugtungan ng kakulitan. Pati ang areglo ng mga orig nilang kanta ay bago ang timpla. Isa rito ‘yung “Stay” nila na may tunog “Elisi” na ng Rivermaya. Nag-evolve.

Sa nasabing set din nalasing si Fritz. Hindi ko alam kung ilan na ang nainom n’yang alkohol pero nakilala naman n’ya ako mula sa crowd. Isang beses ay sumugod s’ya sa mic at minura ang kanilang dating manager (na bading). Masaya ang ad lib na ginawa ni Mike. Mula sa drums ay tila inawat n’ya si Fritz at nag-apologize sa tao. Kasunod ay isang mas masidhing pagmumura. “Oo nga, p***ng inang baklang ‘yun!” Nagtatawanan lang ang mga nakakaalam ng buong kuwento. Higit dito, nand’yang humiga si Fritz sa sahig, sumuray at nanatiling naggigitara habang nakangiti lang na kinokonsinte ng mga kabanda n’ya. Kapansin-pansin ng gabing ‘yun ang mas tight na rapport ng banda. Hindi sila dating ganito ka-fluid.

Direk, gusto lang sabihin nitong open-letter ko na sana ay nasaksihan mo ang gig na ‘yun (their best gig EVER!). Na sana ay nakitawa at nakisabay ka rin sa trip nilang ‘yun. Kahit papaano, magandang entry rin ito sa “Truly, Madly, Craziiiiiiily” mo sa isang magazine. Mas dadami siguro ang kaaway mo kapag nand’un ka dahil tiyak na mare-realize mo na kahit gapatak ay may dugong rakista sila. Nalango ang banda n’un. At sa pagkalangong ito sila gumagapang pabalik sa kanilang crib. Isa itong magandang entry sa discriminating na history ng Pinoy rock scene.

Buweno, hindi ko na masyadong sasayangin ang oras mo. Alam kong busy ka sa maraming raket (kabilang na ang “Rakista”). Sana’y makarating sa ‘yo ang open-letter na ‘to dahil pihadong merong mabubuksan sa ‘yo at sa ibang tao.

Maraming salamat at hanggang sa muli.

Gumagalang,
Manny

No comments:

Post a Comment