Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Total Pageviews
Tuesday, September 16, 2008
KNGP: Kapatiran Ng Gumagalang Postcard
Noong kalagitnaan ng Hulyo, napag-usapan namin ng mga dating katrabaho sa kliyente sa Netherlands ang pagsasabuhay ng postcard sending. Nabuksan ang usapin nang mabanggit ko na kahit noong nasa Belfast pa ako, circa 2005, ay nagpapadala na ako ng postcard sa ilang kaibigan at kamag-anak (sa ngayon ay meron akong 20 na regular na pinapadalhan). Nakuha ko naman ang ideya sa aking kapatid sa New Zealand, na sa tuwing may bagong “buwan” s’yang nadadaungan ay hindi mawawala ang isang postcard sa aming pintuan.
Sa itinagal ng diskusyon, merong isang nagmungkahi na masaya sigurong ibalik ‘yung pakiramdam na makakatanggap ka ng isang postcard na merong selyo at pinaglaanan ng oras at pursige para maipadala ito. ‘Yung darating ka sa iyong apartment na merong naghihintay na maliit na parihabang piraso na nakapangalan sa iyo. Isa ito sigurong pamatid-uhaw sa nakakalason na kawalan ng komunikasyon sa kabila ng nag-uusbungang celfone network tower at 3G technology.
Dito dumating ang ilang kamalayan: baka bilang tao ay meron tayong kailangang balikan para maituwid ang anumang semantic noice pollution meron ang mundong ito. Di ba’t ganun ‘yun kapag naligaw ka? Kinakailangan mong balikan ‘yung isang kanto kung saan ka nagkamali at subukang tahakin ang ibang daan para sa kaalwanan.
Ang Kapatiran Ng Gumagalang Postcard o KNGP ang ilan sa mga subok sa pagbalik na ito. Isang postcard ng monumento ni Rizal sa Luneta ang napagdiskitahan naming gamitin para mamasyal sa kung nasaan man ang apat na kasapi ng KNGP (kabilang na ako). Ilalagay namin sa likod ng postcard ang lugar na kanyang narating, kung kelan at isang salita na nais mong sabihin. Ilalakip ito sa isang sobre kasama ng isa pang postcard na personal mong gustong ipadala sa papadalhan. Sa sandali na ito’y matanggap, maaari mong itago ang ikalawang postcard at ang sobre nito na nagtataglay ng selyo.
Idinagdag ko na lang ang pagkuha ng larawan kasama si “Rizal” sa kung saan ko isinulat ang log entry at ang pagbati sa ikalawang postcard. Sa kaso ko, ako ang ikalawang nakatanggap at natanggap ko ang sobre habang ako ay nasa Frankfort, Kentucky. Wala nang hihigit pa sa pagkakataon na makuhaan ng larawan si Rizal katabi ng State Capitol ng Kentucky. Sa kasalukuyan ay nakarating na sa Netherlands si Rizal, tumambay sa San Francisco, California at tila naglalakbay na ngayon patungong Barcelona at sa kalaunan ay sa South Australia naman. Maabutan n’ya kaya rito sina Piolo at Angel?
Nawa’y mas malayo at mas malawak pa ang marating ni Rizal. Sana’y malayo at malawak din ang marating ng karanasang ito. Kung papalarin, maging bukas sana ang pagkakataong ito sa kung sinumang nais merong marating.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment