Total Pageviews

Tuesday, October 21, 2008

Weekend Kong Mahal


Bale itinuloy ko lang ‘yung paggising nang maaga n’ung Biyernes kinabukasan. Mas maaga pa nga nang konti dahil kinakailangang nasa harap na ako ng Net Square ng mga 6:30am. Dinibdib ko yata masyado ang pagiging bus marshal sa aming Global Volunteer Days program sa opisina. Tulad ng inaasahan, wala pang masyadong tao n’ung dumating ako. Pero di na rin naman kinailangang maghintay nang matagal at kahit pakonti-konti ay nagsulputan na ang mga volunteers. Sa La Mesa Ecopark kami pumunta para sa tree planting activity r’un.

Medyo madugo ang unang bahagi ng araw. Merong Ecorace na base sa pamosong Amazing Race. Sampung team ang binuo na merong average na sampung miyembro. Nakakulong ang buong team sa loob ng garter habang fini-figure out ang susunod na pit stop. Sa bawat hinto ay merong puzzle piece na kailangang ipunin matapos isagawa ang isang challenge. Nangatog ang tuhod ko sa karera na ‘yan, salamat sa kawalan ng ehersisyo. Mabuti na lang at mas magaan ang pagpupunla n’ung hapon (naglagay ng lupa sa itim na plastic at nagtanim ng halaman dito).

Pasadong ika-3 na ng hapon nang matapos ang activity. Masarap pa sanang matulog sa bus pauwi pero tinatawag na ako ng Cinemanila sa Gateway. Kailangan ko pang bunuin ang tatlong sine na hindi ko dapat mapalampas. Para na rin masagad ko ang aking sarili. Sa awa ng Diyos, napanood ko ang “Noise”, “I’m a Cyborg but it’s OK” and “Night Bus”. Nag-taxi na ako pabalik ng Makati.

Linggo. Maaga rin akong gumising para naman habulin ang misa ng 9am. Mula St. Andrew ay nag-jeep na ako papuntang Glorietta para sa isang pares ng itim na maong at para magpagupit kay Andy sa LuFu Salon sa Goldcrest. Inasikaso ko na rin ang Britney Spears perfume na pina-DHL ni kuya sa isang inaanak sa Ternate, Cavite. Nag-MRT na ako papuntang Gateway para ituloy ang pagsi-Cinemanila ko (“Sita Sings the Blues” at “Adela”). Umalis ako ng cinema area matapos makasalamuha sina Adolf Alix, Maxie Evangelista at ang aktor na si Joem Bascon. MRT ulit pabalik ng Glorietta.

Isang oras bago mag-umpisa ang “Music and Movement” (pictures dito) na free concert nina Billy Crawford, Joanna Ampil at Rowena Villar sa Activity Center ng Glorietta ay nakahanap na ako ng puwesto. Dahil mukhang maghihintay ako nang mas matagal, minabuti kong bumili muna ng Go Nuts Donuts (pastillas de leche siyempre) at back issue ng Esquire na si Mike Myers ang nasa cover para palipasin ang oras.

Masaya ‘yung buong show. Pinagsama ba naman ang tatlong world-class talent. Si Billy Crawford, kung hindi ako nagkakamali ay nag-guest sa isang morning TV show sa Paris n’ung nakadestino ako r’un circa 2003. Si Rowena Villar naman ay nakasama na si Hugh Jackman sa isang musical sa Australia. S’ya rin ang dinamita ng kakatapos lamang na “West Side Story” sa Meralco Theater. Si Joanna Ampil naman ay nakasalamuha ko na sa West End matapos ang isang pagtatanghal ng Les Miz. Nakuha ko na noon pa ang autograph n’ya. Sa ganitong klase ng kumbinasyon umandar ang “Music and “Movement” na ang repertoire ay mula kay Neyo hanggang sa Pussycat Dolls at Mariah Carey. Totoo na “the best things in life are free”.

Tinapos ko ang weekend sa isang oras at kalahati na foot at Swedish massage sa Nuat Thai sa Makati Ave.

2 comments:

itche said...

hi,

san po ung exact location ng Nuat Thai in Makati Ave? We just want to try the massage there also. Nice blog! :-D

Manuel Pangaruy, Jr. said...

Hi, there. Thanks for the comment. It's Nuat Thai no more. It's now called Phaen Boran. I don't know the street name intersecting Makati Ave but it's just beside Kuwago Grill and in front of Ihaw-Ihaw, Kalde-Kaldero, Kawa-Kawali (which is near A. Venue).

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...