Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Sunday, March 22, 2009
Pakiramdam
Sinabi dati ni Ricky Lee na kung gusto mo raw maging mahusay na manunulat, kailangang 'wag mong takasan ang isang sitwasyon na magpapaantig sa 'yong pakiramdam. Halimbawa, may nakita ka raw pulubi sa kalye, kailangan mong indahin ang anumang emosyon na sasanib sa 'yo. Itong emosyon na ito ang bibigyan mong buhay sa iyong mga isusulat.
Ang mga bata sa Missionaries of Charity sa Tayuman ay isang pagpapatunay na may mga nakatago pa palang emosyon sa katawan ko na wala pang anyo. Pinilit kong abalahin ang sarili ko sa ibang bagay katulad ng pagbubuhat ng tubig at pag-aayos ng mga ipapakain na arroz caldo sa mga bata. Ayoko kasi sana munang indahin ang mga dapat indahin kahit na ang iba sa mga kasama ko ay ginagawa na ito (sa playground, sa hallway, atbp.). Pero sa sandaling hinablot na ang kamay ko ng isang babaeng tsikiting na tinawag akong kuya ay hindi na ako nakatakas. Naramdaman ko ang kanilang pananabik. Pilit nilang ninamnam ang mga sandaling merong humahawak sa kanila, merong nag-aaruga, merong kalaro at merong nagpapakain. Gusto ko sanang isumpa ang sinumang mga magulang na may lakas ng loob na talikuran ang tungkulin sa kanilang mga anak pero wala na itong kapangyarihan na ibalik ang nagawa na. Sa isang hapon na iyon ng Sabado, naintindihan ko na ang desisyon ng ilang mga kaibigan sa hindi pagkakaroon ng anak. Binigyan na rin ako ng ideya sa mga pwede ko pang magawa pagdating ng dapit-hapon.
Hindi ko alam kung sinong dapat pasalamatan pero maraming salamat sa kakaibang biyahe na iyon sa Tayuman. Ang layo ng aking narating.
No comments:
Post a Comment