Monday, April 27, 2009

Isa… Dalawa… Tatlong Pelikula ni Lino Brocka

Nasa CCP ako nitong Sabado, April 25, n’ung ginawa ang isang mini-film festival para kay Lino Brocka. Birth month n’ya kasi sa May. Pero ang pinaka-enticing para sa akin ay ang screening ng kanyang unang feature film na “Wanted: Perfect Mother” na hango sa isang obrang pang-komiks ni Mars Ravelo (“Darna”, “Dyesebel”, “Captain Barbell” at mararami pang iba). Para sa akin, mas maiintindihan ko siguro ang isang direktor kung mapapanood ko ang kanyang unang ginawa.

WANTED: PERFECT MOTHER (1969)

Melodrama at pampamilya ang tema ng pelikulang ito. Mala-Sound of Music. Ito rin ‘yung ni-remake n’ung early 90’s na pinagbidahan ni Regine Velasquez. Ang kaibahan lamang, ‘pinakilala na agad ni Brocka ang “Maria” o “Regine” bago pa man mamatay ang asawa ng lalaking karakter. To be exact, ang bagong governess ay tumira sa bahay ng isang pamilya na may apat na anak (kabilang ang batang si Gina Alajar na naka-boy’s cut at ang cute na cute na si Snooky) habang kumpleto at masaya pa ito.

In-establish na rin ng writer/director na may nabuong pagtitinginan sa pagitan ng governess (si Boots Anson-Roa) at ang among lalaki (si Dante Rivero na siguro ay kasing bata ni Jericho Rosales noon). Pero dahil sa moralidad, pinili ng governess na iwanan ang pamilya sa kabila ng pagtataka ng bidang lalaki tungkol sa kanyang nararamdaman. Dito na rin ako nag-umpisang mag-isip tungkol sa machismo sa pelikula n’ung late 60’s.

At ipinasok na ang trahedya, ang pagkamatay ng asawang babae. Dito na rin nagkaroon ng sense ang paghahanap ng mga naulila para sa isang perfect mother. Nariyang ipagpilitan ng mga bata ang yayang si Caridad Sanchez (na siguro ay katumbas ni Ethel Booba n’ung unang panahon) sa kainosentahan na rin na tila ganun lamang kadaling maghanap ng asawa. Meron ding Miss Mabintog na halos hindi makaalis sa kanyang upuan at ilan pang opurtunista. Tulad ng inaasahan ay nasuplungan din ni Dante Rivero si Boots Anson-Roa and they live happily ever after.

Hindi naman sa malabisang pag-eestima kay Brocka pero kakikitaan mo talaga ng kinang ang pelikulang ito. Meron na s’yang concept ng guerilla filmmaking o observer’s shot (pansinin ang tila nakasunod na camera work sa slide sa playground, atbp.) na evident sa mga indie movies ngayon. Pagdating sa artehan, dito pa lang ay alam mo nang actor’s director si Brocka. Ang mga nagsiganap dito na sina Liza Lorena, Dante Rivero, Boots Anson-Roa, Caridad Sanchez, Snooky at Gina Alajar ay ilan lamang sa pagpapatunay.

Sa forum ay ibinahagi ni Miss Boots kung gaano na lang kinutya ng mga kaibigan sa art scene si Lino Brocka n’ung mabalitaan nilang isang komiks ang kanyang unang bibigyang buhay sa pelikula. Ipinaliwanag ni Brocka na sinisiguro n’ya na kahit simple ang materyal na iibahin n’ya ang atake rito. Nais din daw n’yang ma-develop muna ang kanyang audience at mula rito ay unti-unti n’yang isisingit ang kanyang totoong kaluluwa.

SANTIAGO (1970)

Ito na siguro ang pinakamagandang Fernando Poe Jr. movie na napanood ko. Bakit ba ngayon ko lang ito napanood? Siguro ay dahil nakulong din ako sa kahon ng imahe ng mga pelikula ni FPJ na walang ibang tinalakay kundi ang pagdadalamhati at paghihiganti.

Tungkol sa isang gerilya, si Gonzalo, n’ung panahon ng hapon ang “Santiago” (na isang bayan sa Katagalugan). Dahil sa isang trahedya na hindi sinasadyang kumitil sa buhay ng ilang Pilipino, inatake s’ya ng guilt. Isa sa mga biktimang ito ay ang pipi na si Hilda Koronel na kanyang itinakas sa isa isang fishing village. Bilang paghuhugas-kamay, inalagaan n’ya ang pipi hanggang gumaling ito. Pero hindi ito naging madali kay Gonzalo ang lahat dahil kinutya s’ya ng mga taumbayan tungkol sa kanyang kawalan ng partisipasyon sa mga gerilya. Kalaunan ay dinumog at binugbog s’ya ng mga tao nang malaman na may kinalaman s’ya sa naganap na trahedya. Nang sumugod ang mga Hapon sa bayan at binihag ang mga kababaihan, walang nagawa ang taumbayan kundi humingi ng tulong kay Gonzalo.

Ang huling sampung minuto ng pelikula na siguro ang masasabing usual FPJ film. Pero magarbo ang execution. Merong massacre, merong habulan, merong nasusunog na simbahan at merong sumasabog na tulay. Maliban dito, ang script ni Brocka ang pinakalumutang. Para sa isang FPJ film, matindi ang effort na inilaan n’ya rito para sa characterization, para sa pagiging vulnerable nito at para sa isang materyal tungkol sa self-reflection at atonement.

TUBOG SA GINTO (1971)

Sa tatlong ipinalabas, ito na marahil ang pinaka-unconventional pagdating sa materyal. Tumalakay ang pelikula sa isang kontrobersyal na isyu n’ung panahong iyon, ang homosexuality. Kung ganito lamang kadalisay ang pagtalakay ng mga indie films ngayon ay pihadong marami na rin tayong Lino Brocka.

Tungkol sa isang closet queen, si Eddie Garcia, ang pelikula na hango mula sa istorya ni Mars Ravelo na na-serialize sa Tagalog Komiks. Ang primary plot n’ya ay kung paano n’ya itatago ang kanyang sekswalidad sa kanyang asawang si Lolita Rodriguez at nag-iisang anak na lalaki na si Jay Ilagan. Maayos na sana ang lahat subalit pumasok sa eksena ang mapanglinlang na si Mario O’ Hara (na napaka-demonyo sa pelikulang ito). Sa tulong ng blackmail ay pinerehan n’ya si Eddie Garcia. Pagdating sa dulo ay nalaman na rin ng kanyang pamilya ang katotohanan. Ang napipinto sanang pagtanggap na ito ay sinalubong ng isang trahedya.

Ipinakita naman dito ni Brocka na pwede s’yang maging bold pagdating sa mga materyal na kanyang isinasapelikula. Pinatuyan ito na kahit n’ung 80’s at 90’s ay gumawa s’ya ng mapang-aklas na obra katulad ng “Bayan Ko: Kapit sa Patalim” at “Orapronobis”. Nakakatuwa lang na sa dulo ng pelikula ay pinaalala sa viewers na Lea Productions ang nagbibigay ng “home tradition of wholesome entertainment”. Ito’y sa kabila ng ilang hubaran, halikan at iba pa.

No comments:

Post a Comment