Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Thursday, May 21, 2009
Brockamania 2009
Nandito ang mga pics.
Kagaya ni Moe, nag-uubos lang din ako ng VL hanggang sa katapusan ng buwan na ‘to. Sa paniniwalang may isa pa akong paid vacation (para maangas ang dating), na sa katunayan ay may naibangko pa pala akong lima, nagpaalam na ako sa bosing na hindi ako papasok noong Miyerkules.
Ang master plan ko lang naman sa araw na ‘yun ay manood ng isang rare film ni Lino Brocka sa Mag:Net sa Katipunan, sa pugad ng mga magigiting na Atenista (at Miriamista rin?), sa kahabaan ng C5. May side trip pa sanang isang movie sa Megamall o Galleria, ‘yung “Litsonero” ni Lore Reyes, pero nakatulugan ko na lang dahil sa kaka-blog n’ung umaga.
Saktong 3:30pm, nag-taxi na ako papuntang Katipunan. Commute sana kaso, ‘yun nga, nakapag-siesta ako nang ‘di oras. Dumating ako ng pasado 4pm. Bagito kasi ako sa lugar na ‘yun kaya gumapang kami ni manong driver sa paghahanap ng Mag:Net (isang what-the-hell na hirit para kina Jaejay at Topeng: mabuti pa ang totoong magnet, madaling mahagilap). Anyway, sinabihan ako ng mga babaeng nakaitim (na t-shirt) sa loob ng bar na 5:30pm pa raw mag-uumpisa ang pelikula. Moving forward, 5:30pm na raw. Fine. Nagpalipas na lang ako sa tabi-tabi, feeling Ivy Leaguer at kumuha ng snapshot ng lansangan.
Bumalik ako sa bar ng mga 5pm na. In-explore ko na lang ‘yung second floor para naman ‘di na ako mailang. Pag-akyat mo pa lang sa hagdan, mararamdaman mo na ang artsy vibes sa bawat kanto. Merong mga paskil ng kung anu-anong film-related events at ang mga lamesa ay artwork by itself. Doon ko na naabutang ibaba ang telon at paandarin ang player para ma-test ang kopya ng movie. Um-order ako ng napakasarap na longganisang Lucban burger (yes!) in creamy wasabi sauce with pomme fritz. Buti na lang alam ko ang fritz (hehehe). Around P200 ang nagastos ko d’yan kasama na ‘yung P50 na entrance fee na may isang basong punch.
Kopya mula sa Cinema One ang pinalabas nilang “Angela Markado”. I was informed na rare ‘yung kopya nito kaya ito ang pinili ko sa 26 na obrang kasali sa Brockamania. Isang Carlo J. Caparas material ‘yung film na in-adapt ni Pete Lacaba. Tungkol ito sa isang waitress, si Hilda Koronel, na ginahasa ng limang maton kabilang sina Rez Cortez, Ruel Vernal at Johnny Delgado. Ano namang kalaban-laban ni Hilda r’yan? Syempre, wala s’yang nagawa kundi isuko ang kanyang puri. Pero nakuha n’yang makatakas nang s’ya ay ibenta sa isang casa. Nilagyan din pala s’ya ng tattoo sa likod na nakamarka ang limang pangalan ng kanyang rapist. Huwag n’yo na nang itanong kung bakit nag-iwan pa sila ng ebidensya pero by now, alam n’yo na siguro kung bakit ganun ang title. Tulad ng inaasahan ay isa-isang naitumba ni Hilda ang mga kontrabida sa tulong ng isang lanseta.
Hindi syempre r’yan natapos ang Brocka experience ko. Sa gabi ay rakrakan naman kabilang ang mga bandang Live Tilapia, Purplechickens, Los Chupacabras at ang The Brockas. D’un ko na yata nakita ang pinakamalaking gathering ng makikinis na filmmaker at critic. Sila na siguro ang mga kabilang sa upper echelon na tinatawag. Wala akong kainuman n’un kaya mag-isa kong pinabagsak ang tatlong below zero na San Mig Light. Namulutan ako ng baby squid tempura with squid ink sauce. Sarap! Mabuti na lang at sa kaliwa ko ay busy si Roxlee sa pagbebenta ng kanyang graphic novel na “Cesar Asar in the Planet of the Noses”. May rekoleksyon din ako sa kanya dahil ang kuya ko ay nag-contribute ng ideya para sa comic strip n’ya sa Manila Bulletin n’ung 80’s. Malaking bagay sa akin n’un ang makita ang pangalan ng kuya ko sa ilalim ni Cesar Asar. Bumili ako ng libro at nagpapirma na rin.
Hindi ako masyadong nagbabad. Hindi pa man yata sumasapit ang 18th death anniversary ni Brocka (May 21) ay lumarga na ako. Pero kakaiba ‘yung set ng The Brockas bago ako mag-bill out. Gumawa sila ng montage ng mga pelikula ni Brocka at nilapatan nila ng live music. Heaven sa isang film addict ‘yung number. Sinayawan pa ito ng isang patron na nakamaskara ng malaking mukha ni Brocka habang kumakain ng saging. Nagkaroon pala ng pasahan ng saging sa hindi ko maipaliwanag na dahilan. Pero nakisaging na rin ako, bakit hindi. Masaya at malaya ‘yung gabi. Hindi man ako ganap na naging bahagi n’ung espasyo ay enjoy na rin naman. Sabi nga ni Tado bago sila mag-perform, at gusto ko lang ulitin, “Mabuhay ang pagkamatay ni Brocka! Kung hindi s’ya namatay ay wala tayong lahat dito.”
No comments:
Post a Comment