Fearful dahil baka hindi masyadong matuwa ang mga filmmaker o manunulat na kinamayan ko sa CCP. Fearful baka hindi rin masyadong matuwa 'yung mga kakilala na kapag tinanong ako kung maganda ang isang pelikula ay sinasabi ko lang na "ok naman". The truth is, wala naman akong nakitang sobrang olats sa sampung entries ngayong taong ito. Pero meron akong gustong i-single out:
Best Film: Mangatyanan. Kumpletos rekados kasi. Drama talaga ang genre n'ya na tungkol sa isang babaeng merong madilim na karanasan. Ang nagpaganda sa kanya ay ang allegory ng kadramahang/kadilimang ito sa isang ritual ng isang vanishing tribe sa norte. Merong cultural at social relevance kumbaga. Saktong sakto rin ang ilang aspeto: iskrip, akting, direksyon at sinematograpiya.
Best Director: Pepe Diokno (Engkwentro). Magaling sina Jerrold Tarog at Ana Agabin pero na-impress ako sa batang-bata, 21 years old to be exact, na si Pepe Diokno sa pagtalakay ng isang disturbing na tema tungkol sa mga vigilantes. Hindi man ganap na orig ang estilo, nakita ko naman ang kanyang vision tungkol sa material.
Best Actor: Lou Veloso (Colorum). Masasabi sigurong acting piece talaga ang nakaretong karakter kay G. Veloso. Ang kakaiba lang ay sumubok s'ya sa todo-todong drama na wala nikatiting na idea na anytime ay magbibitiw s'ya ng punchline. Mahirap din ang krus na ibinigay sa kanya: isang dating bilanggo na naghahanap ng pagtanggap bilang isang ama at higit sa lahat, bilang isang individual. Sa konting pagkalamang, hindi ako magugulat kung ang award ay mapupunta sa deaf actor na si Rome Mallari para sa "Dinig Sana Kita". I can say na kung ihahanay lang din naman s'ya sa mga medyo batang aktor sa panahong ito ay hindi s'ya magpapatalo.
Best Actress: Che Ramos (Mangatyanan). May kakaibang vibes ang presensya ni Bb. Ramos sa pelikula. Hindi stagey at hindi sell-out sa madadramang eksena na kinaharap ng isang babaeng inabuso. Sustained ang tamang salita. Kontrolado. Kailangang na industriya ng mga ganitong klaseng artist para mabalanse man lang.
Best Supporting Actor: Jojit Lorenzo (Last Supper # 3). Menacing ang presence ni G. Lorenzo bilang isang simpleng taong-bayan na hindi nagpa-outwit matapos mawalan ng isang Last Supper tapestry. Makita mo pa lang s'ya sa frame ay alam mo nang merong kalbaryong kakaharapin ang lead character na ginampanan ni Joey Paras (na mahusay rin on his own right).
Best Supporting Actress: Glaiza de Castro (Astig). Nakita ko ang pagiging fragile/virginal ng aktres sa pelikula. Naramdaman ko bilang manonood ang dilemma n'ya bago s'ya magpakamatay. S'ya rin supposedly ang mitsa ng paglubog ng isang karakter at pagsabog naman ng isa pa.
Best Screenplay: Colorum. Iskrip pa lang ng pelikula ay buhay na buhay na. Hitik na hitik sa detalye at matalino ang pagkakasulat. Marami ring gustong sabihin ang iskrip kahit na pwedeng i-consider na simpleng road movie lang s'ya. Maraming nasagasaan na sensibilidad, social relevance at moral issues. Gusto ko ring i-note na kung ang screenplay ng "Astig" ang mananalo ay hindi ako magrereklamo.
Best Cinematograpy: Sanglaan. Pwede ko sigurong makalimutan ang lahat ng karakter sa pelikulang ito pero 'yung pagkakailaw at photography n'ung pelikula ay hindi. Nagbigay ito ng contrast sa bland at kalmadong pagtalakay ng mga buhay-buhay sa paligid ng pawnshop. Halos gusto kong umorder ng masarap at mainit na kape sa sequence nina Joem at Ina malapit sa harbor.
Best Editing: Last Supper # 3. Hindi ko masyadong kabisado kung ano ang magandang editing pero sa tingin ko, ang timing ng comedy n'ung pelikula ay attributed lahat sa napakalinis na editing n'ung movie.
Best Sound Design/Production Design: 24k. Nagustuhan ko 'yung pag-capture ng tunog sa outdoors. Hindi man lubos na pwedeng gamitin na batayan, pero may isang eksena sa pelikula na ginamit ang music mula sa isang radyo na swabe ang rendering. Sa production design naman, wala akong nakitang peke (o agaw-eksena) tungkol sa digging na ginamit sa movie.
Best Original Music: Dinig Sana Kita. It's a film about music or utilized mostly with music. Maganda 'yung theme song na ipinadinig ng bidang babae. Engaging at radio friendly na rin.
NETPAC Award: Baseco Bakal Boys. Ito lang yata ang film na napanood ko sa mga entries na selyado ang material sa vision ng writer/direktor nito. Purong puro ang intention at wala akong nakitang ibang dahilan upang gawin ang pelikula kundi magpamulat sa kamalayan ng manonood.
No comments:
Post a Comment