Total Pageviews

Thursday, August 27, 2009

Anatomiya ng Isang Krimen


Kinatay
Direksyon: Dante Mendoza
Iskrip: Bing Lao
Sinematograpiya: Odyssey Flores
Paglalapat ng Musika: Teresa Barrozo

ISTORYA

Tumakbo ng halos 24 oras ang paglalahad ng kuwento ng pelikula. Nag-umpisa ang araw ni Peping (Coco Martin), isang criminology student, sa pagpunta sa munisipyo kasama ang kanyang kabiyak (Mercedes Cabral). Ipinakitang inihabilan muna nila sa kapit-bahay ang sanggol na anak bago sumakay ng jeep. Sa daan, isang eksena tungkol sa isang lalake na nais tumalon mula sa mataas na billboard ang kanilang nasaksihan. Lumipad ang POV ng pelikula mula kina Peping at dumapo sa ina ng lalake na nagsusumamo na sana ay bumaba na ang anak.

Ang sumunod na mga eksena ay nakalaan sa pagpapakasal ni Peping sa huwes at sa payak na wedding reception pagkatapos nito, mga eksenang naglalarawan ng galak, liwanag at pag-asa. Kinahapunan ay nasa classroom naman si Peping na walang pakialam sa lecture na binibigay ng teacher tungkol sa crime scene investigation. Sa katunayan, ang buong klase ay wala sa ayos. Dito na pinakitang nakatanggap si Peping ng text mula sa kaibigan tungkol sa operasyon na gaganapin sa gabi.

Nawala ang araw, pumasok ang dilim.

Ang nasabing operasyon pala ay isang sideline ni Peping sa pangongolekta ng kotong. Sa dulo nito ay pinakitang iniabot ni Peping ang bag na naglalaman ng pera sa kanyang kaibigang si Abyong (Jhong Hilario). Dito na nagkaroon ng offer para sa isang next-level operation na hindi tinanggihan ni Peping.

Ang buong gabi na habang lumalalim ay nagiging mas malagim. Isang has-been na pokpok, si Madonna (Maria Isabel Lopez), ang dinukot ng ilang kalalakihan at itinaling parang kakarnehing kambing sa loob ng van kung nasaan din sina Peping at Abyong. Isinagawa ito ng mga aninong nagtatago lang sa mga pangalang Chico, Kap at Sarge na pawang konektado o kasapi sa kapulisan. Ang sumunod ay isang nakakabagot na road trip palabas ng Metro Manila papuntang Bulacan. Ito ay sa kabila ng gising na gising na pagkabalisa ni Peping sa mga bagong kaganapan sa kanyang buhay.

Tinumbok ng van ang isang safehouse na, sa sobrang liblib, kahit sumigaw ang biktima ay walang makakarinig. Ipinakita rin na nagkaroon ng crossroads si Peping kung tatakasan ang nasadlakan o mananatili sa gravitational pull nito. Tila wala s’yang kawala. At dito’y nasaksihan n’ya ang pinakamadilim at pinakamalagim na pagtawid sa kanyang buhay: isang krimen.

Tumakas ang dilim, unti-unting pumasok ang bukang-liwayway.

Nagtapos ang pelikula sa isang epilogue kung saan nakatanim ang mga paa ni Peping sa dalawang magkaibang direksyon. Isusuka ba n’ya ang sistema o magpapalamon s’ya rito? Ang sagot na hindi man tahasang binanggit ay malinaw namang ibinigay.

ANG KRITIKO BILANG SI PEPING

Sa totoo lang, hindi ako pumalakpak agad matapos ipakita ang huling frame. Natameme ako at walang nasabi. Para kasing nakasaksi rin ako, first hand, ng krimen at ganito pala ang pakiramdam. Parang pagbukas ng ilaw ay isa na akong preso.

Maliban siguro sa iilang bahagi na mapapansin ang flaw ng editing (halimbawa, ang pagpasok ni Allan Paule, ang ninong sa kasal, sa sala ng judge ay medyo nabitin), masasabi kong pulido ang pagkakagawa ng pelikula. Wala akong maisip na ibang direktor na Pinoy na maaaring maipalusot ang ganitong antas ng pelikula sa paraang malinis, matalino at hitik sa atensyon. Maging kumpara sa “Serbis” ay naiangat ni Dante Mendoza ang kanyang sarili sa larangan ng paggawa ng pelikula. Mas clear cut ang kanyang vision sa “Kinatay” at halatang determinadong maiparating ang kanyang boses tungkol sa mga sungay ng lipunan. Kung ang hinahanap natin ay pelikulang nakahulagpos sa pantasya ng pangkaraniwang film language (melodrama, romantic comedy, feel good at nakakabobo), ito na siguro ‘yun.

Hindi puwedeng itanggi na ang direksyon ng pelikula ay nakaakbay sa realistic na cinematography nito. Wala akong nakitang peke o pretentious sa pag-iilaw. Maging ang absence ng kinakailangang ilaw (ang kalahati ng pelikula ay naganap sa gabi) ay nagamit nang ayon sa konteksto at nasa riles ng pananaw ng direktor. Dito masusubok kung hanggang saan ang kakayanin ng mga mata na nasanay sa mga pelikulang mainstream.

Nakatulong din ang non-acting mula sa mga artista ng pelikula. Si Coco Martin, sa murang edad, ay wala nang kailangan pang patunayan bilang isang aktor. At hindi s’ya natapilok sa “Kinatay”, bagkus ay lumutang pa. Nadala n’ya ang POV ng manonood nang walang kulang o labis. Kapuri-puri rin ang iba pang mga nagsiganap mula kay Maria Isabel Lopez hanggang kay Mercedes Cabral. Bagamat hindi nakasentro sa kanila ang materyal ay naibigay naman ang kapusyawan ng kulay na hinahanap sa isang itim na obra. Kung tutuusin ay sa aspeto pa lang ng kabawasan, kung hindi man kawalan, ng babaeng bida sa pelikula ay isa nang masasabing paglihis sa mold ng Philippine cinema. Nararapat ding banggitin ang mga pangalan nina Jhong Hilario, Julio Diaz, John Regala at Lauren Novero dahil ni isa ay wala akong nakitang kapuna-puna sa kanilang execution.

Sa kabila ng kahusayan ng mga aspetong nabanggit sa itaas, ang pinakatumatak talaga sa akin ay ang musical score ng pelikula. Wala pa akong napapanood na pelikulang Pinoy na ganito kataas ang sensibilidad pagdating sa paglapat ng musika. Lahat ng naririnig na awit ng manonood ay ayon sa nararamdaman ng central na karakter na si Peping. Kung masaya s’ya, isang novelty/dance song ang maririnig. Kung romantiko (sa loob ng jeep kasama ang kabiyak), isang awit naman ng pagsusumamo mula sa radyo. At sa panahon ng takot, pagkabalisa at pagkasukol, isang nakakapanindig-balahibo na instrumental lang ang maririnig.

KONKLUSYON

Kung tema rin lang ang pag-uusapan, siguro ay mas satisfied ako sa “Serbis”. Para sa akin, sa dami ng mga nakalutang na elemento rito, mas challenging itong gawin. At mas merong puso. Pero siguro ay ganun talaga ang “Kinatay”. Itinuturing niyang patay ang manonood upang buhayin at maging vigilant sa katotohanang ang mundong ito ay hindi ligtas. Ganito rin siguro ang katotohanang nasumpungan ni Peping sa aking paboritong eksena sa pelikula. Sa kanyang pagkaidlip sa loob ng taxi, dahil sa pagod at puyat, ay biglang nagising dahil sumabog ang gulong. Dali-dali n’yang kinapa ang baril sa loob ng kanyang bag hindi lang upang siguraduhin na hindi ito ang pumutok kundi upang tanggapin din sa sarili na ang lahat ay hindi panaginip lang.

PAHABOL

Sa dami ng nais pang makanood, uulitin ng Adobo Magazine ang pagpapalabas ng "Kinatay" sa September 8 (Martes) sa Cinema 2 ng Greenbelt 3. Merong cocktails ng 6pm at 7pm naman ang showing. Tumawag sa 8450218 o 3846566 para sa reservation ng ticket (na sulit sa P300).

1 comment:

Unknown said...

applause! applause! i like it! balanced and well said. :)

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...