Total Pageviews

Saturday, August 01, 2009

Mga Kamalayan at Alaala ng Cinemalaya 2009


Tinuldukan na ang Cinemalaya last weekend at isang taon na naman ang hihintayin para sa susunod. Parang ambilis ng isang linggo para sa isang film festival pero ganun talaga. Merong hangganan, merong dulo. At kailangang mag-move on. To effectively do this, memories must be kept somewhere so that along the way, it wouldn’t be that sad.

Maraming ‘pinakita ang mga entries this year. Naghubad ang mga baguhang filmmakers at nagpakita pa ng kaluluwa. Hindi man kasing igting o kasing giting ng Cinemalaya 2007 (absent akosa Pinas last year), marami silang ipinamanang kamalayan at alaala. Heto ang sampung mga eksenang hanggang ngayon ay ayaw akong iwanan:

1. Ang manunulat sa “Colorum” na matapos makatagpo ng matandang karakter ni Lou Veloso ay pinili pa ring magpakamatay. Ang POV ay nasa likod ng isang cliff at parang malapit nang gumabi pero hindi poetic ang sunset. Ipinakitang tumalon ang manunulat. Cut to the sea. Sa kalmadong dagat ay umahon ang isang bigo na tapusin ang kanyang buhay. Nang makitang muli ng manunulat ang langit, ipinakita na overflowing ang kaligayahan sa kanyang mukha. Ganitong ganito siguro ako kapag nakakanood ng isang magandang pelikula;

2. Binisita ng bidang nagbibinata sa “Nerseri” ang kanyang kuya sa isang rehab. Tahimik ang eksena at simple lang ang anggulo. Pinakitang kumakain ang kuya at pakonti-konting nakikipag-usap. Sa kapayakang ito, ramdam na ramdam ang pagkalungkot ng dalawa. Sa isang beat ay dinampot ng mas nakakabata ang tissue at ipinahid sa bibig ng kanyang kuya. I was reminded of one scene in the film “Finding Neverland” where Johnny Depp is seen talking to a kid. Sinabi ni Mr. Depp na sa ganitong pagkakataon ay dapat daw tinatandaan dahil ito ang magse-separate ng innocence sa maturity;

3. Sa “Boy”, allegedly romantic ang love scene sa pagitan ng “Young Boy” at “Interpretative Dancer” na ikinahon ng camera sa isang aquarium na well lighted at maraming isda. Habang merong nagse-sex sa kalahati ng frame sa ibaba, sa itaas naman ay merong mga isdang nagpapasikot-sikot. It enhances the dreamy/fantasy aspect that the scene requires;

4. Nadurog yata ako r’un sa eksenang tumulo ang luha ni Jaclyn Jose sa “Nerseri”. Nangyari ito matapos ipakita through a tight shot na sinusundot ni Ms. Jose ang ilang “seedling” ng orchids mula sa isang bote at inilatag ang ilan sa lamesa. Magandang metaphor para sa isang inang pinapasan ang dilemma ng mga anak na may samu’t saring problema;

5. ‘Yung pagsasadula ng tribe ritual sa “Mangatyanan” ay memorable din. Ang gumanap na ama sa ritual ay may issue sa kanyang anak na, as part of the staging, ay itinaling parang kambing sa isang kahoy. Ang bidang babae sa pelikula, na nagko-cover ng ritual bilang photographer, ay may issue rin sa kanyang amang umaabuso n’ung s’ya ay bata pa. Sa ritual, mula sa kung saan ay pinalo ng ama ang ulo ng kanyang anak. Cut to the facial expression of the female lead character. Ang galing!;

6. Statement ang huling eksena sa “Baseco Bakal Boys” kung saan ang bidang batang lalake ay ‘pinakitang lumalangoy papunta sa isang tunnel na parang walang dulo. Ang buong araw n’ya ay naubos sa paghahanap sa kaibigang hindi na nakitang lumutang sa dagat matapos ang isang metal diving session. Kakarampot lang ang kanilang kinita at ang kanyang ipon ay ibinigay n’ya sa kanyang mga magulang upang merong makain. The ending scene leads to the film’s vision to impart that in poverty, death is sometimes a relief;

7. Simple lang ‘yung eksena sa “Nerseri” sa isang sementeryo na merong dalawang bata na naglalaro ng football. Nothing special really. Pero kapag naisip mong ginagawa nilang escape ang sementeryo upang makalayo sa “ingay” ng kanilang buhay, dito na nagiging malalim. For instance, ang bidang batang lalaki ay nalulunod sa responsibilidad na alagaan ang mga elder sibling. Marami pang eksena na pabalik-balik sa sementeryo ang nasabing character upang huminga at mag-regain ng lakas;

8. Bago matapos ang pelikulang “Dinig Sana Kita”, ipinakita ang reunion ng deaf character/dancer played by Rome Mallari at ang kanyang ina na umiwan sa kanya n’ung bata pa. Sa halip na mag-resort sa madramang eksena ang pagtatagpo, isinadula na lang ito by showing the mother, also a dancer, perform on stage. Talking about subtlety;

9. Artsy para sa akin ‘yung pagkaka-frame ng death scene ni Osang sa “Aurora”. Muted ang kulay at halos ‘yung pagkapula lang ng dugo ang naka-highlight. In contrast ang dead body sa buhay na buhay na agos ng ilog. Parang andaming gustong sabihin ng shot tungkol sa journey na kinaharap n’ya sa gubat; at

10. Gripping. ‘Yan ang conclusion ko sa huling sequence sa “Engkwentro”. Inubos ng bidang karakter, si Felix Roco, ang ilang oras ng kanyang buhay para ibuhol ang mga issues sa paligid n’ya bago n’ya ito iwanan. Ang balita kasi ay s’ya na ang nakatakdang itumba ng mga vigilante dahil isa s’yang social dirt. Isa sa mga multo na kanyang kinaharap ay ang tungkol sa kanyang nakababatang kapatid na nais n’yang ilihis sa landas na kanyang pinasok. Sa matinding desire to settle things up, kailangang lumabas ng bida sa kanyang teritoryo. This is where tragedy strikes him. Ang dalawang gunshot sa dulo ng pelikula ay pumasok sa aking sistema. Tingin ko, may dalawang bullet na nagtatago sa ilalim ng utak ko ngayon. Hindi naman siguro masyadong halata na “Engkwentro” ang personal favorite ko sa mga entries this year.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...