Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Thursday, August 06, 2009
Si Tita Beth
Tinext ko si Tita Beth kagabi. Nagulat s’ya. Na-surprise. ‘Yan ang ‘saktong text n’ya, na-surprise s’ya. Ako rin naman, hindi pa rin ako sanay na nandito na nga s’ya sa Pinas. Wala na yata s’yang planong bumalik sa Germany. Kinumusta ko kung anong dinner nila sa Calauag na sinagot naman n’ya ng “yanong sarap na pansit bihon”.
Three years ago, nakilala ko si Tita Beth through our highschool alumni Yahoo group. Taga-Batch ’65 s’ya at koboy na koboy. Dahil na rin nasa Utrecht (Netherlands) ako n’un at s’ya naman ay naninirahang kasama ang pamilya sa Munich, isang weekend ay nakipag-EB ako.
Patpatin s’yang babae, siguro ay hanggang balikat ko, nakasalamin at may konting puti na ang buhok. Hindi na siguro kinailangan ng mahabang kilatisan o pakiramdaman. Nagkasundo kami agad. Ayun, ipinasyal n’ya ako sa downtown Munich (taga-Dachau talaga sila) at sa Salzburg sa Austria kasama ang anak na si Hiyas (na puwedeng ihanay kay Nicole Scherzinger) at kasintahan nitong isang Korean. Karaniwang inuubos namin ang oras sa pagbibiyahe sa train sa kwentuhan at daldalan. Halos narating na yata namin ang lahat ng dulo ng family tree ng mga angkan sa aming bayan sa Lopez. Sa kanilang bahay na rin ako nakitulog at nakikain. Doon ko na nakilala ang kanyang mister na si Tito Rainer, isang German na mahilig sa birdwatching.
Naulit pa ng dalawang beses ang pagbisita ko sa Munich. Kahit si Tito Rainer ay nagugulat na nagkakasya ako sa isang weekend na pamamasyal habang tinitiis ang mahabang trip sa night train. Isa na siguro sa memorable naming adventure sa mga pagbisitang ito ay ang paghahanap ng puntod ng direktor na si Rainer Werner Fassbinder. Sa kabila ng malakas na buhos ng ulan, hindi talaga s’ya tumigil sa paghahanap ng nawawalang kapilya dahil alam n’yang gustong gusto ko itong makita. Hindi rin nawala ang pagtitiwala n’ya sa akin, sa kakayanan ko sa aking karera at sa naiibang talent sa Amazing Race (hindi s’ya makapaniwalang naikot ko ang Deutsches Museum sa loob ng isang oras!). Sa pag-aalaga ni Tita Beth at sa lahat-lahat, para na rin akong nakatisod ng pangalawang nanay sa Europa.
Nag-decide si Tita Beth (at Tito Rainer) na mag-stay na lang sa Pilipinas matapos ang matagal na pananatili sa Germany. Kung hindi ako nagkakamali, base sa edad ni Hiyas, ay halos 20 taon siyang “hindi Pilipino”. Malamang ay binili nila ‘yung pangarap ni Tita Beth na isang bahay na malapit sa isang beach sa Calauag.
At dito na niya itinuloy ang naunsyaming pagka-Pinoy. Nakakagulat lang na merong taong sobrang sabik maging local muli. Kokonti lang siguro ang mga kababayan nating binibigyan pa ng option ang bumalik sa Pilipinas matapos ang matagal na pamamalagi sa ibang bansa sa paghahanap ng kaginhawahan. Sino ba naman ang nais balikan ang isang lugar na walang kasiguraduhan at ang bukas ay aandap-andap ang liwanag?
Sa aming pagpapalitan ng text, tinanong n’ya kung pasado na raw ba ang kanyang Pinoy text lingo. Sabi ko ay pasadong pasado. Baka nga mas Pinoy pa s’ya sa iba. Nagpaalam s’ya agad dahil manonood pa raw s’ya ng “Tayong Dalawa”. Muli ay ibinandera n’ya ang kanyang pagiging “in”. Sumagot na lang ako na sana ay bumait na si Ramon.
No comments:
Post a Comment