Total Pageviews

Wednesday, September 30, 2009

Bata, Bata, Paano Ka Ginawa?


Spring Awakening
Produksyon: Atlantis Productions
Direktor: Chari Arepacochaga
Libretto at Titik: Steven Sater (hango sa akda ni Frank Wedekind)
Musika: Duncan Sheik
Mga Nagsiganap: Joaquin Valdes, Kelly Lati, Nar Cabico, Miguel Mendoza, Sitti, Nicco Manalo, atbp.

ISTORYA

Ini-market ang musical bilang for adults only, na kesyo may hubaran daw at explicit ang mga eksena. Naka-deliver naman ang dula sa promo na ganito dahil meron talagang hubaran, lamasan, kadyutan at torrid kissing na ikinagulat ng ilan. Pero nakakalungkot isipin na ang mga Tony-winning plays kamukha ng “Spring Awakening” ay dudumugin lang ng tao sa ganitong pang-akit (proof ang opening night na halos full house). Ang dula, para sa akin, ay mas orgasmic sa inaasahan.

Nagbukas ang telon sa teenager na si Wendla (Kelly Lati) na nangungulit sa kanyang ina at nagtatanong kung paano s’ya nabuo at ‘pinanganak. Dahil ang dula ay isinapanahon noong turn of the century sa isang lugar sa Germany, hindi na bago na hesitant ang nanay sa pagsasabi ng totoo sa kanyang anak. Sa halip na magkaroon ng Sex 101 sa pagitan ng ina at anak, pinili ng ina ang lumihis at sinabing ang isang bata ay nabubuo lamang mula sa pagpapakasal.

Ang eksena sa umpisa ang nagsilbing mitsa sa kung anumang sexual tension na nais ilahad ng dula sa iba’t ibang hugis at porma nito. Isinalamin ito sa mga kaibigan ni Wendla at sa mga classmate ng kanyang si Melchior (Joaquin Valdes). Si Moritz (Nicco Manalo), halimbawa, ay tila stirred sa mga ideology ni Melchior. Hindi masyadong malinaw ang tension sa kanya pero sa dulo ay nasukol s’ya sa pressure mula sa school at sa tahanan. Si Georg (Miguel Mendoza) naman ay pahapyaw na nagsiwalat ng pagnanasa sa kanyang piano teacher. Sa isang dako, ang magkaibigang sina Ernst (Nar Cabico) at Hanschen (JC Santos) ay sabay namang “nagdalaga”. Ang lahat ng ito ay magkakasunod na tumitiktak at sa anumang sandali ay handang sumabog at sumambulat sa isang lipunang makitid at ipokrito. Nagkaroon ng dagundong sa dulo nang magbunga ang pagtatalik nina Melchior at Wendla. Dito hinarap ni Wendla ang kanyang ina upang sabihin na wala naman silang ibang ginawa ni Melchior kundi ang umibig. Ang kapalaran ng dalawang mangingibig ay nag-umpisang prumusisyon sa isang madilim na daan.

SEMI-CHARMED NA BUHAY

Na-hook ako sa first 15 minutes ng play. Naisawalat kasi agad ang gustong tumbukin ng dula (sexual tension) at hindi na ito nagpaligoy-ligoy pa. Hindi ito umalpas sa tema at hindi rin ito nanlata kahit na hindi suwabe ang paglalatag ng mga karakter. Ang mga babae, halimbawa, ay tila walang masyadong issue kumpara sa mga lalaki. Wala na rin itong ibang tinalakay pa, walang masyadong historical commentary at kung anu-ano pang sahog. Tumutok ito sa dalawang mahalagang bahagi ng lipunan, ang pamilya at eskuwelahan, ang epekto nito sa mga karakter, at hindi na tumalon pa sa iba.

Well-appreciated ko ang tila guerilla-style na pagkakadirek. Walang malalaking set o props na ginamit at nakasalalay ang lahat sa kalkuladong blocking. At nagamit ang kapayakan na ito sa pinaka-optimized na paraan, considering na musical ito at nangangailangan minsan ng magarbong musical number. Naisip ko lang na madali sigurong i-tour ang dula dahil wala namang masyadong kailangang i-recreate.

Kapatid siguro ng direksyon ang ilang choreography na tatak-Dexter Santos (direktor ng “Lulu” ng DUP na halaw rin sa dalawang akda ni Frank Wedekind). Ang pag-anod ng galaw laban sa tempo ng musika ay isang statement ng kinasasadlakan ng mga karakter.

Maliit lang ang stage na lalong pinaliit ng kuwadradong platform sa gitna. Idagdag pa na ang magkabilang bahagi ng entablado ay okupado ng ilang manonood. Dito nagmistulang Big Brother House ang pagtatanghal kung saan ang crowd ay ginawang mamboboso sa mga paghuhubad, figuratively at literally, ng mga karakter. Sa ilang instance, kapag kumakanta ang mga karakter ay humuhugot sila ng microphone at sumasaere sa mga telebisyon sa stage ang kanilang mga mukha. Parang isang musical variety show ang atake. Parang lalong sinasabing panoorin sila.

Maging ang music ay hinubaran din. Ang orchestration, though itinanghal with a live band, ay hindi kasing engrande ng ibang musical. Para ka lang nanonood/nakikinig ng isang gig sa isang bar sa Katipunan. At dito nagkaroon ng matinding kapit ang melody ng mga hinabing kanta ni Duncan Sheik. Dito nagkaroon ng contemporary feel ang musical na marahil ay nagsa-suggest na ang mga awit ng mga karakter ay awit pa rin ng ilang kabataan ngayon lalo na sa mga bansang nananatiling lugmok sa kamalayang sekswal. Sa katunayan, ang ating bansa ay patuloy na nakikisagupa na maipasa ang Reproductive Health Bill na layuning magbigay kaalaman sa family planning o sex in general. Paano pa kaya ang ilang bansa na nakasukob sa sagradong relihiyon at ‘yung may mataas na antas ng gender discrimination?

Sa lahat, ang napuna kong pinakabaog ay ang singing. Hindi masyadong nabigyan ng mas maraming kanta si Nar Cabico na isang revelation sa “Zsazsa Zaturnnah, Ze Muzical” at umawit ng theme song sa bagong pelikula ni Aureus Solito na “Boy”. Si Miguel Mendoza ay kinapos ng nota sa isang solo spot. Ang falsetto ng mga awit ni Duncan Sheik ay hindi rin masyadong magandang pakinggan kapag inaawit na ng mga aktor. Hindi ko alam kung sinasadya ito o talagang gumagapang lang sila. Sa ilang bilang ay lumutang naman sina Joaquin Valdes at Kelly Lati, samantalang iniwan akong nagtataka kung bakit sumubok sa mundo ng teatro si Sitti (na binigyan ng isang napaka-disturbed na karakter).

KONKLUSYON

Hindi perpekto ang “Spring Awakening”. Hindi rin ito overwhelming na pagkatapos ilatag ang telon ay mabibingi ka sa palakpakan at papuri. Pero may malaking silver lining ang materyal at ito ay ang music ni Duncan Sheik. Hindi ako mananawang ulitin ang dula para lang dito. O mas mainam, bumili ng OST at ikumpara ang original cast sa Manila cast at paulit-ulit na patugtugin.

Maliban dito, naisip ko rin na siguro, may kakaibang magic ang sex n’ung unang panahon. Noong hindi pa laganap ang mga “manual” kamukha ng porn o Youtube videos, noong taboo pa ang makipaghalikan o maging ang makipag-holding hands. Siguro ay totoo ang spark na sinasabi ng iba. Siguro ay may kakaibang kilig kapag ang sex ay hindi mental o moral kundi isang emotional na bagay. Ito at ilan pa ang kamunduhang ipinamulat sa akin ng “Spring Awakening”.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...