Pagpasensyahan ang aking munting tribute sa blog na Apendiks.
Habang nagpapatila ng ulan slash nag-aabang ng balita kung passable na ang daan papuntang Quezon, heto at dinalaw ako ng isang alaala. Alas-tres na ng umaga (sa generation ngayon na wala nang alam sa Spanish, 3am ang ibig sabihin n’yan) nang multuhin ako ng isang munting bagay na nilamon na ng kabihasnan. Huli ko yatang nahawakan ito n’ung nasa Grade 4 pa ako. Pwede ring Grade 2 o Grade 3, kaya lang ay memorable sa akin ang taon na ‘yan sa grade school kaya ‘yun na lang ang default ko kapag gustong sariwain ang kabataan. My gulay, ganito na pala talaga ako ka-dinosaur (Kat Santos, masaya ka na? Hehehe)!
Ang tinutukoy ko ay ‘yung palabunutan (sa amin, ito ay “pabunutan”, nakaltas na ang “la”) na merong premyong pera. Isa itong yari sa karton na mas malaki ng isa’t kalahating pulgada sa standard size na coupon bond. Kung hahatiin mo crosswise (parang test paper lang), ang itaas na bahagi nito ay isang movie poster ng karaniwang kakapalabas pa lang sa mga sinehan o ‘yung medyo mainit-init pa sa takilya. Ang natatandaan ko mostly ay mga pelikula ni Lito Lapid o Chuck Norris o ‘yung mga tipo ng “Palabra de Honor” ni Danny Zialcita o “Working Girls” ni Ishmael Bernal. Ang nasabing movie poster ay nilagyan ng iba’t ibang laki ng hugis na bilog. Sa loob nito ay may dalawang figure: ang winning number at ang halaga ng premyo. Mas malaki ang bilog, mas malaki ang premyo para mas makaagaw ng atensyon. Ang buong imahen ng itaas na bahagi ng palabunutan ay nagmumukhang comic strip minsan dahil sa mga bilog na parang thought bubble.
Ang ibabang bahagi ay ang mga binubunot mismo. Kasing laki lang ito ng kuko sa hinlalaki at masinsin itong nakahanay sa isang 6x13 (estimate lang) na pagkakaayos. Gawa lang ito sa papel pero hindi ‘yung pangkaraniwang papel na madaling masira. Ito ang s’yang nagsisilbing ticket para sa mga premyo. Sa likod nito ay nakatago ang numerong iyong hahanapan ng katumbas sa itaas na bahagi ng palabunutan. Kung wala ay sa susunod na baon ka na lang bumawi.
Hindi ko na masyadong matandaan ang halaga ng nasabing palabunutan o kung magkano ang isang bunot. Ang sigurado lang ako ay puwedeng bawiin ang puhunan sa pinakamalaking premyo kung mabebenta lahat ng ticket. Lugi ka kung sa umpisa pa lang ay napanalunan na agad ang jackpot. Pero dito na papasok ang pagka-strategic mo. Siyempre, kailangan mong isikreto na meron nang nanalo para marami pa rin ang umasa at bumunot.
Kung hindi ako nagkakamali ay sinubukan ko ring maging businessman noon sa palabunutan. Hindi na lang masyadong malinaw sa akin ngayon kung kumita ba ako o sadyang naaliw lang sa movie poster sa palabunutan. Noon pa man ay sureball na ako isang bagay: mahilig ako sa sine.
Wala lang. Nakakatuwa lang isipin na ang klase ng kaligayahan noon ay napakababaw. Hindi nakakagulat na hindi na na-preserve ang gan’ung pop culture. Marahil ay kasabay ng pag-unlad ng isang lahi ang pag-unlad din sa kalidad ng kaligayahan ng tao. Sigurado ako na at this age ay wala nang makaka-appreciate ng ganyang klaseng libangan kahit pa bayaran mo ng P500 para magnegosyo ng palabunutan.
1 comment:
Ang naalala ko naman e yung palabunutan na nasa labas ng elementary school namin dati. Me numero yun, tapos pwede kang manalo ng itik, teks, o kaya e magic crystal (yung mabangong bato na nilalagay sa bulak para daw "manganak"). Nauubos ang baon ko kakataya diyan. Never ako nanalo ng itik. My official break-in to gambling. Haha..
Post a Comment