Total Pageviews

Saturday, November 07, 2009

Biyaheng Langit


Biyaheng Lupa
Direksyon: Armando “Bing” Lao
Iskrip: Armando “Bing” Lao
Mga Nagsiganap: Allan Paule, Jaclyn Jose, Eugene Domingo, Coco Martin, atbp.

ISTORYA

Unang una, concept-driven ang pelikula. Ganitong halimbawa ang tipong mahirap isulat ang synopsis dahil hindi na masyadong mahalaga kung ano ang itinakbo ng buhay ng mga karakter dito. Kung hindi man mahirap isulat ay napakaiksi lang ng pwedeng sabihin tungkol sa istorya nito.

Isang bus mula Maynila ang bumabyahe papuntang Legazpi (ayon sa signboard na nakalagay sa harapan). Lulan nito ang iba’t ibang pasahero at ang kanila-kanilang bagahe, literal at figurative. May ilang sumakay sa daan, may ilang bumaba, may ilang umabot hanggang dulo, may ilang bumalik. Umandar ang pelikula at nabuhay sa pagsara at pagbukas ng pinto. Dito na makikitang habang nasa loob ng bus ay “nagsasalita” ang isip ng mga pasahero. Nawala ang mga speaking line na kadalasang napapanood sa isang “normal” na pelikula. At dito na nakikipag-usap ang mga karakter sa mga manonood.

ANG BUHAY SA LIKOD NG GULONG

Hindi ganun kadaling pasanin ang trip ng pelikula lalo na para sa mga manonood na nasanay sa Hollywood, Star Cinema o maging sa mga pelikulang isinulat na dati ni Bing Lao. Ibang iba ang “Biyaheng Lupa”. Bagong bago. Maliban sa mga sadyang tsismoso na nais makinig sa mga kuwento ng mga karakter, limitado ang maaaring maka-relate sa pelikula. Isa na ako rito.

Kinakailangan ang sensibility ng isang biyahero upang madaling masakyan ang konsepto. Hindi bago sa akin ang mahabang biyahe sa bus katulad ng madalas kong gawin kapag umuuwi sa Lopez, Quezon (na ang sementeryo ay ginamit sa pelikula). Totoong nakakabagot ang biyahe para sa isang baguhan. At sa aspetong ito ay mas makabuluhan ang English title ng pelikula na “Soliloquy”. Ang lima o apat na oras na pagkakaupo sa bus ay magtutulak talaga sa ‘yong magmuni sa sariling buhay habang nakatingin sa mga puno, dagat o kalsadang binabagtas, mag-isip ng kuwento ng mga kapwa pasahero o matulog. Napangiti ako sa isang eksena kung saan isinalang sa player ang isang videoke piece at nagpasahang “kumanta” ang mga pasahero. Sa totoo lang ay naisip ko na rin ang gan’ung sequence sa isa sa aking mga pag-uwi. Walang ganitong luxury ang sinumang hindi pa nakakaranas ng gan'un kahabang biyahe.

Bagamat kahanga-hanga ang pag-devise ng material at ang posibilidad na maging pelikula ang ganito kataas ang lipad na konsepto, si Bing Lao bilang direktor ay parang sanggol na gumagapang pa. Sa tingin ko, marami pa s’yang iinuming gatas upang lumutang ang kanyang tikas sa aspetong ito. Halimbawa, sa tingin ko, mayroon pang mas magandang anggulo, o mas fluid, sa mga eksena sa loob ng bus. Ang eksena rin, halimbawa, ni Coco Martin na umiiyak ay tila walang kontrol para sa kanyang karakter na sa isang eksena ay nanapak ng bading (Andoy Ranay) sa CR. Hindi ko rin masyadong maipaliwanag ang mga pasaherong maagang bumababa para sa isang bus na papuntang Legazpi. Kadalasan, biyaheng Lucena o Guinayangan lang ang sasakyan mo para sa mga short trip.

Dala na rin marahil ng pagiging concept-driven ng pelikula, natabunan na nito ang iba pang aspeto. Maliban sa direction, halos hindi na rin mapupuna kung gaano man kahusay sina Jaclyn Jose, Angel Aquino, Eugene Domingo, Shamaine Buencamino, Julio Diaz, Archie Adamos at maging ang baguhang si Carlo Guevarra na gumanap bilang pipi. Ganito rin ang masasabi ko sa sound design o cinematography.

KONKLUSYON

Noteworthy ang pagiging fresh ng pelikula. Hindi pa yata ako naka-hitchhike sa ganitong klaseng biyahe, lokal man, indie o world cinema. Naalala ko ang ilang komento tungkol sa “Bringing Out the Dead” dati ni Martin Scorsese. Medyo bago rin ang konsepto ng pelikula at n’ung panahong ipinalabas ito sa sinehan ay hinulaang hindi pa ito matatanggap ng manonood. Kinakailangang gumugol muna ng taon bago ito tuluyang maunawaan. Ganitong ganito ang konklusyon ko sa “Biyaheng Lupa”. Hindi ako magugulat kung sooner or later ay gagamitin itong template sa isa pang bagong material.

Base sa directorial debut na ito ni Bing Lao, hindi ko alam kung ano ang susunod n’yang ipapakita. Concept-driven kaya ulit? Kung oo, paano n’ya maa-outdo ang pelikulang ito na tingin ko ay kalabisan na ng kanyang sarili bilang manunulat ang kanyang naibuhos? Pipiliin n’ya kayang tumahak sa daan na mas lilitaw ang kanyang papaging direktor, kamukha ng ginawa ni Chris Martinez sa “100” at Jun Lana sa “Roxxxanne”? Kahit ano pa man, si Bing Lao ‘yan. S’ya na ibinalik ang Pilipinas sa mapa ng world cinema. S’ya na kahit ano pa mang biyahe o kibot o utot ay susuportahan ko. Biyaheng lupa o biyaheng langit, sasakay ako.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...