Total Pageviews

Monday, November 30, 2009

Reyna ng Intriga


Maria Stuart
Produksyon: Dulaang UP
Direktor: Tony Mabesa
Mandudula: Friedrich Von Schiller
Mga Nagsiganap: Ana Abad Santos, Shamaine Centenera-Buencamino, atbp.

ISTORYA

Binigyang buhay ng dula ang mga huling araw ni Maria Stuart (Ana Abad Santos), the Queen of Scots, at ilang mga kaganapan na naghatid sa kanyang execution. Ilang mga pamosong karakter ang nakasaksi at naging bahagi ng malungkot na bahaging ito ng kasaysayan ng monarkiya sa England. Kasama na rito si Queen Elizabeth I (Shamaine Centenera-Buencamino), ang pinsan ni Maria Stuart.

TELESERYE NG KAMAHALAN

Sinong magsasabing sa teleserye lang makikita ang madadramang tagpo ng mga bida at kontrabida, mga intriga, plot twists at mga breakdown scene? Noong unang panahon pala ay meron na nito. At baka mas matindi pa ang consequence. Ganito ang mga tagpong maaasahan sa “Maria Stuart”. Siguro ay ginawa talaga ito ng mandudula upang bigyan ng parallelism ang totoong buhay at buhay sa entablado. Maliban siyempre sa pagkakataong makapaglahad ng kapiraso ng kasaysayan.

Walang halong pabulaklak ang pagkakadirek ni Tony Mabesa. Old school kung old school. Kalkulado ang mga blocking at tila walang idinagdag sa orihinal na materyal nito. Hindi ito sinubukang magpakabago upang makaakit ng bagong henerasyon ng theater buff. At ang mga ganitong pagtatanghal ang bihira na nating makita sa ngayon. Sa kabuuan ng dula, ang ilang audio-visual lang sa entablado na ginamit para sa ulan, sa mga puno at detalye ng lugar ang nagsabing reminder na nasa makabagong panahon tayo.

Ang set ni Clint Ramos ay simple lang pero ganitong disenyo ang hinihingi ng dula. Walang mga moving props o mga butas na biglang magsisilbing bintana o hukay. Ang ilang set piece ay inilalagay na lang sa gitna kung kinakailangan. Bare na bare. Sa kabila ng kahungkagan na ito ng produksyon, pinatigkad naman ng mga costume ni Eric Pineda ang entablado. Tila mga santong dinamitan sina Maria Stuart at Queen Elizabeth I dito.

Mahusay ang cast. Maganda ang suportang ibinigay ng bawat karakter na ginampanan ng iba’t ibang personalidad mula sa apat na sulok ng local theater scene. Nariyan si Ron Capinding na madalas makita sa mga dula sa Ateneo. Idagdag pa sina Fonz Deza, Richard Cunanan, Ces Quesada at marami pang iba. Pero ang bituin talaga ng dula ay ang dalawang bida rito na sina Ana Abad Santos at Shamaine Centenera-Buencamino. Sa presence pa lang nila ay sulit na ang ticket sa P250. Bonus na lang ang makita silang nagtatarayan, nagsasagutan, nagsasampalan at nagpapatingkaran ng karakter. Mahusay si Bb. Ana sa kanyang mga eksenang nagpapakita ng grace sa kadiliman ng bahaging iyon ng buhay n’ya. Hindi matatawaran ang kanyang mga eksena kasama si Queen Elizabeth I. Si Bb. Shamaine naman ay may kung anong magic sa bawat paglabas. Ang kanyang imahe sa huling bahagi ng dula na nagpapakita sa kalungkutan na kanyang haharaping mag-isa ay mananatili siguro sa wisyo ko sa mahabang panahon.

Kung tutuusin, ang dalawang mahusay na aktres na ito ng ating panahon ay nagsama na dati sa isang short film na “Behind Closed Door”. Dito ay ginampanan nila ang dalawang lesbian na nagpakasasa sa init ng pangungulila at pagnanasa. Heto at sabay nilang tinanggap, pinangatawanan at pinagtagumpayan ang challenge na ibinigay sa kanila ng dulang “Maria Stuart.

KONKLUSYON

Ang intriga, kahit noon pa, ay nakamamatay. May kakaiba itong lason na tila nanlilinlang sa umpisa at kapag nahulog na sa sapot nito ay mahirap nang makalabas. Siguro ay sa tulak na rin ng pagnanasa sa mga bagay na hindi natin maabot. Dito nagagamit ang intriga bilang alas. Hindi man namamatay ang ilan sa atin sa guillotine dahil sa intriga, nanunuot naman ito sa ating sikolohikal na katawan at nagpapabulok sa ating pagkatao.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...