The Arrival
Direksyon: Erik Matti
Iskrip: Erik Matti
Mga Nagsiganap: Dwight Gaston, atbp.
ISTORYA
Isang bachelor sa kanyang nag-uumpisang dapit-hapon ang kumawala sa kanyang nakakabagot na buhay at sinunod ang isang udyok. Iniwan n’ya ang kanyang trabaho at sinubukang hanapin ang babae na madalas magpakita sa kanyang panaginip kahit walang kasiguraduhan ng kanyang patutunguhan. Natagpuan n’ya ang kanyang sarili sa isang malayong bayan sa Negros at doon n’ya sinubukang simulan ulit ang panibagong yugto ng kanyang buhay. Dito na n’ya nakilala ang ilang karakter na nagpabago ng direksyon sa kanyang buhay.
NAKARATING NAMAN
Inasahan ko talaga ang visual delight ng isang Erik Matti film. Ang ganda-ganda ng rehistro ng mga imahe sa pelikulang ito, mula pag-iilaw hanggang sa mga anggulo at production design. Halimbawa, naihatid nang maayos ng cinematography ang malamlam at walang laman na buhay ng bidang lalaki. Napaka-cold ng treatment at sinabayan pa ng mahusay na editing upang magmukhang routinary ang lahat.
Pero hindi ito CGI movie kamukha ng “Exodus” o maging “Pedro Penduko”. Siguro ay umabot din sa pagkakataon na naghahanap ako ng mas realistic na atake, lalo na sa bahaging unti-unting nabubuksan na ng bida ang hamon ng kanyang panaginip. Pero madali na itong patawarin.
Walang sikat na artista sa pelikula at nakatulong naman ito para maiparating nang maayos ang isang payak subalit hindi mababaw na materyal. Unang beses yata ito para kay Erik Matti na magsulat ng iskrip at ayon sa kwento n’ya, mukhang mabisa ang pakikinig n’ya sa mga daldalan ng kanyang mga kaibigan at kakilala na “ninakawan” n’ya ng istorya.
KONKLUSYON
Ang unang tumatak sa isip ko matapos kong mapanood ang pelikula ay ganito siguro ang produkto kung gagawa si Erik Matti ng pelikula na walang kompromiso. Litaw na litaw ang indie feel ng pelikula at wala ito, ni katiting, na maghangad ng mas maraming manonood o pagsang-ayon. Pero hindi naman tahasang inabandona ni Matti ang manonood. May koneksyon pa rin sa pagitan ng mga manonood at ang mga karakter sa pelikula at sa katunayan ay tila nakikipagbulungan lang ang direktor ng mga bagay na personal, mga bagay na hindi mo masasabi sa pelikulang pinrodyus ng malalaking production. Kung susumahin, ang nakarating sa aking bulong ay malakas naman at malinaw.
No comments:
Post a Comment