Sunday, December 27, 2009

Tatak Nora Aunor

Condemned
Direksyon: Mario O’Hara
Iskrip: Jose Javier Reyes, Mario O’Hara at Frank Rivera
Mga Nagsiganap: Nora Aunor, Dan Alvaro, Gloria Romero, Gina Alajar, Connie Angeles, atbp.

ISTORYA

Naka-package na tila isang thriller ang pelikula. Isang serial killer ang naglilipana sa Metro Manila na merong signature crime sa pamamagitan ng pag-iwan ng rosas sa kanyang biktima. Tinatawag s’yang Boy Rosas. Dito na in-introduce ang mga karakter. Si Nora Aunor (Yolly) ay kapatid ni Dan Alvaro (Efren) na kasalukuyang naninirahan sa breakwater matapos ang isang malagim na krimen sa probinsya. Si Gloria Romero (Connie) ang horny bitch na may money laundering scheme. Anak n’ya si Toby Alejar (Dennis) at boytoy n’ya si Efren. Si Gina Alajar (Mayette) naman, na partner ni Efren, ay isang pokpok sa Ermita kung saan nagtatrabaho rin si Yolly bilang rose vendor. Kabilang din sa cast sina Leni Santos (Mona) bilang kaibigan, kapit-bahay at katrabaho ni Yolly at kapatid ng bulag na si Connie Angeles.

Umikot ang istorya sa pagtugis kay Boy Rosas.

PERA SA BREAKWATER

Ayon sa batikang film critic na si Noel Vera, ang pelikula ay isa sa mga perpektong Pinoy film noir. Sabi sa Wikipedia (http://en.wikipedia.org/wiki/Film_noir):
“film noir is a cinematic term used primarily to describe stylish Hollywood crime dramas, particularly those that emphasize cynical attitudes and sexual motivations.”
Kung ‘yan ang pagbabasehan, pasok na pasok nga ang pelikula sa genre. Isa itong crime drama na nag-introduce sa career ni Dan Alvaro bilang action star at lalong nagpakinang sa umaapaw na talent ni Nora Aunor. Kung “cynical attitudes” at “sexual motivations” naman ang pag-uusapan ay sangkaterba rin sa pelikula. Si Connie ay isang magandang role kay Gloria Romero. Nadala n’ya ang pagiging malibog nito kakambal ng pagiging matriarchal at mapanira. Ang mga magkapatid na Yolly at Efren ay may sarili ring angst, isang representasyon ng mga probinsyano na naghahanap ng lugar sa siyudad. Ang espasyo sa pagitan nina Efren at Mayette ay may sexual tension din na inalog ng turn of events bago matapos ang pelikula.

Pinoy film noir, tama. Pero perpektong Pinoy film noir? Napaisip ako. May isang eksena na hindi ko pa ma-digest. Ito ‘yung isang supposedly erotic scene nina Gloria Romero at Dan Alvaro sa gitna ng mga umiigting na eksena. Pinag-isip lang ako kung para saan ito. Malayo at makapal na ang narating ng kwento n’yan. Nawawala na si Yolly, nagkakagulo na, ang duda kay Connie ay buo na, may ilang karakter na rin ang pinatay at heto ang dalawang karakter, magse-sex. Pero sige na nga, film noir (“sexual motivations”) naman, pwede nang patawarin.

Ang kopya na napanood ko sa Videotheque bilang bahagi ng “3 Klasikong Pelikula ni Nora Aunor: The Silver Anniversary Celebration” na inihanda ng ICON ay hindi pa malinis. Lumalaktaw ang ilang eksena lalo na sa umpisa at minsan ay nadodoble ang frame. Marami ring gasgas ang kopya na halatang na-convert lang mula sa Betamax o VHS copy. Pero sa kabila nito ay nagpapasalamat ako na napanood ko ito sa wakas at natapos nang buo. Kakaibang experience din ang mapanood ang isang Nora film kasama ang mga Noranian. Hindi na ako nagulat na nakakabingi ang palakpakan sa eksena sa dulo. Nakaka-distract lang ang dalawang beses na pagbukas ng pinto ni Nonoy Lauzon (ng Young Critics Circle at isang dakilang Vilmanian) habang pinapalabas ang pelikula. Sabihin na nating buhay na buhay pa rin ang rival nina Nora at Vilma.

Kay Nora Aunor, tama lahat ng kanilang sinasabi. Ang “Condemned” ang maituturing na isa sa mga key film n’ya pagdating sa pagiging “silent actress”, isang Michaelangelo Antonioni character (as opposed kay Vilma na isa namang Fellini sa pagiging hysterical). Gamit na gamit ang kanyang mga mata rito. Kitang kita sa tight shot ang sindak, ang takot at pagkabalisa. Sumabog lahat ang mga emosyong ito sa eksena sa breakwater kasabay ng pagtapon ng limpak-limpak na salapi. Nakakatuwa rin na wala rito ang stagey accent na madalas maging basehan ng spoof at katatawanan.

KONKLUSYON

Kinakailangang mapanood ng mas maraming Pinoy ang mga pelikulang kamukha ng “Condemned”. Ang pagiging film noir nito ay malaking bagay dahil bihira na tayong gumawa ng ganitong genre. Kung mabigat para sa ilan ang “film noir”, madali pa rin namang maabot ang pelikula sa entertainment value nito. Pero kahit saan man tingnan, isa lang ang sigurado ako, ang pelikula ay isa sa mga dahilan kung bakit tinaguriang Superstar si Nora Aunor.

No comments:

Post a Comment