Monday, January 18, 2010

Iba’t Ibang Ballad

Duets
Produksyon: Repertory Philippines
Direktor: Ana Abad Santos
Mandudula: Peter Quilter
Mga Nagsiganap: Joy Virata at Miguel Faustmann

ISTORYA

Hinati ang dula sa apat na maiikling dula. Ang una ay tungkol sa EB ng dalawang senior citizen na sinusubukang makibaka sa pag-ibig. Ikalawa ay isang pares ng bading at ang kanyang ever loyal na assistant na nag-propose na magsama na lang sila. Ikatlo ay isang hamon sa mag-asawang magdi-divorce na tapusin ang lahat sa pinaka-gentle na paraan. At ang panghuli ay tungkol sa magkapatid na kailangang harapin ang gayuma ng pag-ibig.

Walong karakter, dalawang aktor at isang mabilis na pagpapalit ng damit at set.

BLENDING

Kung meron mang example ng concept-driven na play, ito na siguro ‘yun. Kumawala s’ya sa pangkaraniwang materyal na maraming karakter at plantsado na ang mga galaw, characterization at entablado. Isa siguro itong magandang exercise para sa mga beteranong sina Joy Virata at Miguel Faustmann. Parang gusto nilang sabihin na kaya rin nila ang ganitong pagsubok: mabilisang pagpapalit ng damit, iba’t ibang accent at kumplikadong internalization sa magkakaibang karakter. At nagpagbigyan naman nila nang buong-buo ang challenge na ito. Angat para sa akin lahat ang kanilang pagsasabuhay ng isang matanda, ng isang bading, ng isang sensual, ng talunan, ng umiibig, ng sawa na sa pag-ibig at kung anu-ano pa. Hindi ko lang maiikaila na n’ung gabing (January 15, opening night) napanood ko ang dula ay tila masakit yata ang kanang paa ni Miguel Faustmann at kapansin-pansin ito sa kanyang paglalakad.

Pero hindi na rin naman masyadong bago ‘yung exhibitionism n’ung play. Nagawa na rin ‘to ng “The Mystery of Irma Vep”, isang comedy, ni Charles Ludlam. Dalawa rin ang aktor na naghahati sa mahigit na sampung karakter. Mas mabilis ito at kinakailangan ng husay sa timing para mai-deliver nang maayos. Ang ikinaiba ng “Duets” sa napanood kong version ng “Irma Vep” (Repertory Philippines din noon, mga ten years ago na) ay pati set ay nagpapalit ng bihis. Nilikha rin ng set designer nito, si Tuxqs Rutaquio, na ipakita sa audience kung paano magbihis ang mga aktor. Dito naging mas exciting ang experience ng panonood. Kitang kita ang mga gumaganap kung paano sila “magpalaki ng katawan”, maglagay ng wig at mag-ayos sa harap ng salamin.

Maliban sa pagiging show-off n’ung materyal, may iba pa naman itong ibubuga. Substantial ang mga linya at pwedeng gamiting input ng sinumang umiibig, takot umibig o napagod na sa kakaibig. Sa apat na kwentong ipinamalas, pinakanagustuhan ko ‘yung tungkol sa mga future divorcees. Nag-post s’ya ng tanong tungkol sa separation. Magagawa mo ba talagang maghiwalay nang matiwasay o parating galit o sama ng loob ang dulo nito? Nagustuhan ko rin ‘yung tungkol sa magkapatid na magkaiba ang pananaw sa pag-ibig. Ang isang hindi naniniwala sa pag-ibig ay ini-encourage ang kapatid na babaeng walang sawa sa kakaibig (pangatlong beses na itong mag-aasawa).

KONKLUSYON

Magandang mapanood ang dulang ito bilang preparation sa Valentine’s Day. Although mas maraming masayang mukha ang ipinakita, napasadahan naman nito ang maraming issue na kinakaharap ng isang mangingibig. Maganda rin itong mapanood hindi lang dahil sa content nito. Ang theatrics nina Joy Virata at Miguel Faustmann dito ay pagpapatunay lang ng maraming taon ng disiplina at dedikasyon sa local theater industry. Sa panonood ng “Duets”, wala akong nakita ng anumang pananawa mula sa kanila.

No comments:

Post a Comment