Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Total Pageviews
Saturday, February 13, 2010
Ang Aking Sampung Pinakamahusay na Pelikulang Pinoy para sa 2009
Sumigla ang industriya nang yanigin ang buong mundo ng pagkapanalo ni Dante Mendoza bilang pinakamahusay na direktor sa Cannes n’ung isang taon. Sa kabila ng paunang ugong ng pagkakasama sa listahan ng mga finalist ang “Serbis” n’ung 2008, gumawa pa rin ng ingay ang magandang balitang ito sa magkakasalungat na paraan.
Una, hindi lahat ay nagustuhan ang “Kinatay”. Nanguna na r’yan ang batikang Amerikanong kritiko na si Roger Ebert. Hindi raw karapat-dapat ang pelikula. Maging sa lokal na kalakaran ay hindi rin nakaligtas ang obra ni Dante. May nagsabi na hindi raw naman talaga ang direktor ang nagdala n’ung materyal kundi ang manunulat nito na si Bing Lao. Ilan lang ‘yan sa mga alon na bumandera kasabay ng pagpupunyagi ng ilang panatiko ni Dante.
Sa kabilang dako, naging mas matunog ang ating mga pelikula sa larangan ng World Cinema. Ito siguro ‘yung sinasabi na “There’s no such thing as a bad publicity”. At ito na rin marahil ang vision ni Lino Brocka na nadiskaril kasabay ng kanyang pagpanaw. Tinapik ng “Kinatay” ang mga nagtutulog-tulugang manonood at matining na nagbantay sa kung anuman ang mga pinagkakaabalahan natin, indie man o mainstream. Hindi ko makalimutan ang pagkakalathala sa isang foreign publication ng isang artikulo tungkol sa kaganapan sa Cinemalaya n’ung isang taon. Nakatutok na sila sa atin at isa itong magandang balita.
Hindi pa masasabing ibinalik ng 2009 ang Golden Age ng Philippine Cinema. Marami pa ring nagkalat na basura. Halimbawa, naglipana ang ilang sex oriented movie na nagpapanggap na matinong indie film. Hindi naman ito bago. Nariyan din ang mga rom-com mula sa malalaking producer na walang ibang intensyon kundi bigyan ng trabaho ang kanilang mga contract star at pagkakitaan ito. Struggle pa rin sa iba ang paggawa ng matinong pelikula at sa tingin ko ay hindi natin ito mabibigyang-lunas sa lalong madaling panahon.
Gan’un pa man, heto ang sampung pelikulang Pinoy na sa tingin ko ay nararapat iangat at bigyan ng papuri kahit man lang sa blog na ito:
10. DED NA SI LOLO (Soxy Topacio)
Ngayon ko na lang yata ulit nakita si Roderick Paulate na isinabuhay ang mga role na ginawa n’ya n’ung late 80’s hanggang early 90’s. Pero hindi uminog sa kanya ang pagkagusto ko sa comedy na ito. Comedy ito at natawa ako. Natawa ako sa mga magkakapatid na sabay-sabay hinihimatay. Natawa ako sa pagiging dark nito habang nililitanya ang mga pamahiing Pinoy tungkol sa burol. Natawa ako kina Gina Alajar, Manilyn Reynes at Elizabeth Oropesa kahit hindi sila nagpapatawa. Natawa ako sa pagiging natural ng execution habang inilalabas ang kabaong mula sa bintana. Ang eksena sa dulo tungkol sa apo na handang makita ang multo ng namatay na lolo ay may kurot sa puso.
9. BONSAI (Borgy Torre)
Hindi ako masyadong nanonood ng short film natin dahil madalas na naiiwanan ako sa ere. Hindi ko alam kung bakit pero nagkaroon ako ng impresyon na karaniwan itong artsy at napapagpalit ang kaiklian ng pagkukwento sa pagiging malalim. Ang short film na ito ang isa sa mga exception. Nakapagbahagi ang pelikula ng isang simpleng love story sa pagitan ng isang “bigatin” at ang kapit-bahay na babae. Wala itong idinaan sa pagiging makata at tinapyas lahat ng simbolismong aangkla pailalim. Diretsong ikinuwento, diretsong tinapos, diretsong tumagos sa balat kamukha ng mga barbed wire na ibinalot sa sarili ng ating protagonist.
8. AGATON & MINDY (Peque Gallaga)
Mga dalawa o tatlong taon yata ang pinalipas ni Peque Gallaga bago ginawa ang pelikulang ito. Isang malaking pagtalon sa panahon n’ya noon sa Regal na halos kabi-kabila ang proyekto mula drama, horror, fantasy, sex-oriented at maging coming of age. Ang matagal na absence ay kitang kita sa kanyang entry na ito sa Sine Direk (isang project na inilunsad para sa mga kasapi ng DGPI). May pahapyaw ng “Romeo & Juliet” ni Shakespeare ang pamagat at hindi ito nagtago sa pretensyon. Ang dalawang star-crossed lovers sa pelikula ay pinaghiwalay ng pader sa pagitan ng mayaman at mahirap. Kung iisipin, mukha itong pangkaraniwang Pinoy melodrama pero hindi ito nanahan lang. Maging ang larangan ng performing arts ay magaang naisiwalat (na hindi nakakagulat dahil sa theater nag-umpisa ang direktor). Ang atake sa trahedya sa indie film na ito ang isa na sigurong pinakamalungkot at pinakatahimik na pagsasabiswal ng kasawian sa kasaysayan ng pelikulang Pinoy.
7. LUPANG HINARANG (Ditsi Carolino)
Ito ang kauna-unahang Ditsi Carolino documentary na napanood ko at isa itong magandang introduksyon sa kanyang body of work. Tumalakay ang dokyu sa malungkot at walang kamatayang kalagayan ng mga magsasakang Pilipino na nakikipaglaban sa kanilang lupain. Ang unang bahagi ay tungkol sa isang protest walk mula Masbate hanggang Maynila samantalang ang ikalawa ay tungkol sa hunger strike na tumagal ng higit sa isang buwan. Sa parehong dilemma, pasensyosong nagamit ang una at pinakamahalagang tungkulin ng isang filmmaker, ang magpakita ng buhay. Marami-rami na ring documentary, o maging feature film, ang tumalakay sa kakuriputan ng hustisya sa Pilipinas at halimbawa ito ng epektibong pamamahayag sa pinakanakakahawang paraan. Ang mga paalalang kamukha ng documentary na ito ay isang matibay na konsiderasyon sa pagpili ng mga iluluklok sa gobyerno.
6. MANGATYANAN (Jerrold Tarog)
Mataas ang promise na iniwan ng “Confessional” ni Jerrold Tarog sa Cinema One Originals noong 2007 at hindi s’ya napahiya sa kanyang pangalawang pelikula. Kung anong bilis at lamig ng unang pelikula ay mabagal at punong puno naman ng puso ang ikalawa. Sapat lamang na bansagan ng direktor ang serye na ito na Camera Trilogy upang bigyang diin ang konsepto ng pagdo-document ng buhay sa pelikula. Emosyonal na nilakbay nito ang napakaselang usapin tungkol sa incest at sexual abuse na buong buhay na tinahak ng isang babaeng photographer. Ang paggamit bilang metaphor ng isang tribal ceremony na napaglipasan na ng panahon ay may malalim na pakay. Ito ang nagpatingkad sa therapy na hinihintay ng central character sa kanyang pagtawid. Hindi madaling makalimutan ang sikolohikal na resolusyon sa dulo na maaari lamang mabuo ng isang writer-filmmaker na parehong nag-iisip at nakikiramdam. Naging instrumento rin ang pelikula sa pagbibigay-daan sa industriya ng isa sa mga mahuhusay na aktres na dapat abangan: si Che Ramos.
5. INDEPENDENCIA (Raya Martin)
Mas nauna kong napanood ang Cannes-decorated na pelikulang ito kaysa sa ibang mga obra ng direktor katulad ng “Maicling Pelicula Nañg Ysañg Indio Nacional” o maging ang isa pang concept-driven na “Next Attraction”. Mahaba ang pila nang ipalabas ito nang libre sa French Film Festival sa Shang Cineplex at isa ako sa mapalad na nakapasok sa sinehan. Mahirap isalarawan kung anong meron sa pelikula, tungkol ba saan ito (maliban sa clue sa pamagat) at kung ano ang plot dahil wala namang itong intensyon na magkuwento nang diretso at eksakto. Ito na siguro ang tatak ng mga pelikula ni Raya Martin, parang dagat na kailangan mo lang hintayin na umalon sa iyo at sakyan ito. Nasa audience na ang luxury kung sisirin ito o hindi. Ang rehistro sa screen ng mga sinaunang damit at ang mga mukha nina Tetchie Agbayani, Alessandra de Rossi at Sid Lucero gamit ang pekeng backdrop ng isang kubo at rainforest ay hindi matatawaran.
4. KINATAY (Dante Mendoza)
Para sa akin, sa pelikulang ito naging ganap ang pedestal na kinalalagyan ng tambalang Dante Mendoza at Bing Lao bilang direktor at manunulat (puwede ring Dante Mendoza at Coco Martin bilang direktor at aktor). Flawless na naibigay sa manonood ang pakiramdam ng pagkakasaksi ng isang krimen mula sa perspektibo ng isang criminology student. Sa mas malalim na pagmuni, puwede itong isang perspektibo ng isang Pilipino na itinulak ng kalagayang socio-economic ng bansa upang mapasubo sa madilim at marahas na bangin para mabuhay. Walang masyadong ‘pinakitang sensibilidad ng isang Pinoy film dito pero hindi naman ito nakakandado. Madali itong maabot dahil sa inilatag nitong premise tungkol sa karahasan at korupsyon na araw-araw na yatang nasisinghot ng pangkaraniwang Pilipino. Napantayan ni Dante Mendoza ang kanyang husay sa “Serbis”. Si Bing Lao ay hindi masyadong visible dito subalit sa ilang eksena ay lutang ang kanyang estilo. Para kay Coco Martin, sa pelikulang ito naselyuhan ang nosyon na siya ay isa sa pinakamahusay na aktor ng kanyang panahon.
3. BAKAL BOYS (Ralston Jover)
Sa Pilipinas, mahirap pulsuhan ang isang pelikulang tumatalakay sa kahirapan. Maaaring maging melodramatic upang gatasan ang bulsa ng audience na mahilig sa ganitong genre. Maaari rin namang maging exploitative dahil nababahiran ito ng intensyon na ibenta ang pelikula sa mga international film festival. Ang unang sabak sa filmmaking ni Ralston Jover ay isang patotoo na maaaring maging sagrado at dalisay ang pelikula sa pagtalakay ng kahirapan sa bansa. Naikuwento n’ya nang makatotohanan ang kalagayan ng mga batang sumisisid ng metal sheet sa port area upang ibenta sa murang halaga. Hindi ito naging preachy at hindi ito tahasang nagturo ng daliri sa mga kinauukulan. May ilang eksena ng pagdadalamhati pero hindi kailanman naging madrama o ultra realist. Kung tutuusin, ang resolusyon sa dulo nito, kahit na malungkot, ay malalim ang nais iparating. Pinatunayan lang na minsan ang kasagutan sa kahirapan upang maibsan ito ay kamatayan.
2. ENGKWENTRO (Pepe Diokno)
Aaminin ko na ang unang tumatak sa akin na appeal ng pelikula ay ang edad ng direktor nito. Nagawa ito ni Pepe Diokno sa gulang na 21 at sapat na ito na maging dahilan ng pagkainggit ng sinumang nagnanais maging filmmaker. Sa kabila nito, ibenenta ang pelikula bilang isang proyekto na merong isang mahabang take. Ibig sabihin, na-tape ito sa isang pasada nang walang cut at bumenta ito sa akin. Tungkol din ito sa kahirapan sa bansa. Tungkol din ito sa karahasan. Trite ang materyal subalit naisalba ito ng estilo upang makakuha ng atensyon at panahon mula sa mga manonood. Extreme ang appreciation dito, puwedeng sobrang magustuhan mo o sobrang isuka mo. Para sa akin, naiakay nang maayos ang punto tungkol sa mga vigilantes na pakawala ng gobyerno upang makontrol ang karahasan. Ang totoong engkwentro sa pelikula ay hindi ang engkwentro sa pagitan ng bidang si Felix Roco at ang hitman ng City Death Squad na ginampanan ni Jim Libiran kundi ang salpukan ng karahasan bilang sagot sa isa pang karahasan.
1. WANTED: BORDER (Ray Gibraltar)
Hindi ko nagustuhan ang unang pelikula ni Ray Gibraltar na “When Timawa Meets Delgado” na tumalakay sa kursong BS Nursing sa Pilipinas at ang mga taong kumukuha nito upang yumaman. Napakapersonal ng pagkakagawa at punong puno ng trip. Ang semi-documentary style ay sinahugan ng ilang interview mula sa mga totoong nursing student. Isang sagot mula sa mga interviewee ang puwedeng gamiting konklusyon sa kung anuman ang gustong sabihin ng buong pelikula. Para sa akin, dinurog nito ang kahabaan ng prusisyon ng pagkukuwento. Malayong malayo ito sa “Wanted: Border”. Hindi pa rin ganun ka-mainstream ang trip pero mas solido na ang pagkukuwento, mas mahusay ang production design at cinematography dahil sa budget at napiga n’ya nang husto ang magandang pag-arte ni Rosanna Roces. Nagulantang ako, sa totoo lang. Hindi ko inaasahan. Maliban sa aspetong teknikal, pahapyaw nitong tinalakay ang masalimuot na kaisipan ng isang karakter na tinortyur ng madilim na nakaraan. Isang pagsubok na hukayin ang sikolohikal na ruta ng isang nilalang. Humantong ito sa malagim na ideya ng paggamit ng katawan ng tao bilang sangkap sa mga lutong-bahay ng isang karinderya. “We are what we eat”, sabi nga.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment