Total Pageviews

Sunday, February 21, 2010

Ang Kapalaran ng Tatlong Mariya

Tatlong Mariya
Produksyon: Tanghalang Pilipino
Direktor: Loy Arcenas
Mandudula: Rody Vera (halaw mula sa “Three Sisters” ni Anton Chekhov)
Mga Nagsiganap: Dolly De Leon-Gutierrez, Mailes Kanapi, Angeli Bayani, Riki Benedicto, Mario O’Hara, Nonie Buencamino, Dennis Marasigan, atbp.

ISTORYA

Panahon ng Martial Law noong 70’s kaya’t napilitang manirahan ang magkakapatid na sina Marilyn (Dolly De Leon-Gutierrez), Finina (Mailes Kanapi), Monette (Angeli Bayani) at Teddy (Riki Benedicto) sa isang bayan sa Northern Luzon. Dito na sila nilamon ng panahon at inuhaw sa pagbabakasaling makabalik ng Maynila.

Si Marilyn na hindi na nakapag-asawa ay isang guro ay napilitang tanggapin ang pagiging principal sa kabila ng tsimis na ito ay nakikiapid sa isang opisyal. Si Finina ay halos ganito rin ang kuwento sa kabila ng katotohanan na s’ya ay asawa ng isang guro. Si Monette ay sumubok tanggapin ang inaasahang kapalaran subalit hinamon ito ng isang trahedya. Ang bunsong si Teddy naman ay tuluyang nilamon ng sistema at panahon nang pakasalan nito ang dominanteng si Erlinda (Che Ramos).

Ang mga kuwentong ito ng paghihintay ay nasaksihan at sinalamin ng ilang mga bisita at kasambahay katulad nina Doc Elpidio (Mario O’Hara), Ricardo (Nonie Buencamino) at Isidro (Dennis Marasigan).

PAGHIHINTAY KAY GODOT

Unang una, nagulat ako na iginiya kami ng mga usher ng CCP papunta sa harapan ng Little Theater. Nagmarunong pa ako na pasukin ang ilang pintuan sa lugar kung saan kadalasang nakaupo ang audience pero talaga palang nasa stage mismo ang isang makeshift na stadium. Hubad na hubad ang makintab na stage, wala ni isang props na nakakalat. Nagmistula itong isang boxing ring kung saan ang mga manonood ay nasa apat na side ng arena. Nang ipakita ang epilogo at nang dumilim ang stage, nagkaroon ng “dingding” ang dalawang bahagi at inilagay nang pakonti-konti ang props na dining table, isang coffee table sa ‘di kalayuan at isang maliit na piano. Ang naging epekto ay tila nakikiboso na ang mga manonood sa mga kaganapan sa loob ng isang bahay.

Hanggang ngayon, hindi ko pa rin makalimutan ‘yung kakaibang karanasan na ‘yun. Itinaas ni Loy Arcenas ang antas ng stage play appreciation sa kakaibang paraan na medyo bago sa panlasa ng Pinoy theater crowd. Nagkaroon na rin ng ganitong epekto ang “Insiang” ng TP dati, sa squatters area pero ang pagka-Big Brother house ng “Tatlong Mariya” ay kakaiba. Sa ganitong set-up, hindi na naging demand para sa mga nagsiganap na pagarbuhin ang kanilang galaw at pananalita. Kahit simpleng galaw o bulong ay mapapakinabangan.

Wala akong masabi o ma-single out sa cast. Ngayon lang yata ako nakanood ng isang dula na gumalaw nang kolektibo ang mga artista nito. Maging ang tendency ni Mailes Kanapi na magkaroon ng sariling mundo ay kontrolado rito at hinihingi ng karakter. Maasahan ang suportang ibinigay nina Mario O’Hara at Nonie Buencamino at hindi naman nagpahuli ang TP ensemble (Paolo O’Hara, Russel Legazpi, Bong Cabrera, Paolo Rodriguez, Jonathan Tadioan at Kathlyn Castillo). Ang pagsalungat sa alon ng karakter ni Che Ramos ay mahusay ring naisabuhay. Minsan ay nakakatawa at minsan ay nakakainis.

Sa kabuuhan, successful naman ang pagkaka-Filipinize ng obra ni Anton Chekov. Hindi masyadong nasagot ang isyu kung bakit hindi sila nakabalik nang Maynila matapos ang ilang taon pero hindi na ito masyadong kapuna-puna. Ang mahalaga ay nakuha nito ang kahabaan ng paghihintay sa wala at ang kabayaran sa pagkabagot na makabalik muli sa lugar na kanilang kinalakihan.

KONKLUSYON

Ang sungay na nilikha ng “displacement” sa dula ay tumubo at walang nagawa ang tatlong Mariya kung hindi salatin ito at tanggapin nang buong buo. Mahirap sigurong masadlak sa ganitong klase ng pagkabalisa. Isang pagpapatunay na ang pinamalungkot daw na maaari mong magawa sa isang tao ay ang ilayo ito sa kanyang mga kamag-anak o kaibigan (sa kaso ng ating mga bida, ang kanilang lugar-kapanangakan).

Hindi man nalulugmok ang ating bayan sa giyera o Martial Law, marami pa ring anyo ang “displacement” ngayon. Isang halimbawa na rito, bagamat hindi tahasan, ay ang mga OFW na kinakailangang mabuhay kahit na malayo sa kanilang pamilya. O ang mga mahihirap na nakatira sa tabi ng riles, na kung hindi dahil sa korupsyon ay tumatamasa na sana ng konting ginhawa sa isang lugar na mas panatag at maalwan. Sigurado ako na ang kanilang paghihintay sa wala ay tinubuan na rin ng sungay.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...