Wednesday, February 17, 2010

Mga Bohemian ng New York

Rent
Produksyon: 9 Works Theatrical
Direktor: Robbie Guevarra
Libretto at Musika: Jonathan Larson
Mga Nagsiganap: Gian Magdangal, Carla Guevarra, OJ Mariano, atbp.

ISTORYA

Tungkol sa pagkakaibigan, pag-ibig, buhay at kamatayan ng isang grupo ng mga bohemian sa New York ang musical na ito. Ang panahon ay 90’s at ang mga isyung kinakaharap ay, unang-una, bahay na matutulugan at AIDS. Ang dalawang central character dito ay sina Roger (Gian Magdangal), isang budding songwriter, at si Mark (Fred Lo), isang budding filmmaker. Si Roger ay may malungkot na nakaraan sa kanyang ex-girlfriend at ngayon ay hinahamon ng bagong pag-asa at pag-ibig kasama si Mimi (Cara Barredo), isang striptease dancer. Si Mark naman ay dating boyfriend ng artist/performer na si Maureen (Carla Guevarra) na ngayon ay girlfriend ng lawyer na si Joanne (Jenny Villegas). Si Collins (OJ Mariano), sa kanyang pagbisita sa mga kaibigang sina Roger at Mark, ay natagpuan si Angel (Job Bautista) at umusbong ang isang pagmamahalan.

525, 600 MINUTES

Wala namang masyadong iniba sa staging na ito ng bagong theater company na 9 Works Theatrical. Ganitong ganito rin ang staging na napanood ko sa ginawa nina Calvin Millado (Roger), JM Rodriguez (Mark), Monique Wilson (Maureen), Ricci Chan (Angel) at Michael de Mesa (Collins) para sa New Voice noong 1999. Ito rin ang bersyon na ginamit sa pelikula ni Chris Columbus maliban sa pagtanggal sa mga sung-through na speaking lines (kabilang na ‘yung mga nakakaaliw na voice mail).

Hindi ko masyadong matandaan kung nagkaroon dati ng maikling introduksyon sa umpisa ng dula. Inilagay ni Mark ang audience sa not-so-distant-past sa pamamagitan ng pagsasalarawan ng kanyang paligid bago pa kantahin ang unang kanta. Ginawa siguro ito upang harapin ang isyu na ang dula raw ay nilamon na ng panahon. Nagustuhan ko rin ang gimik (malamang, ng direktor) sa dulo na nagsasabing maliwanag ang bukas, isang panimula para sa bagong 525, 600 minutes.

Mas elaborate din ang set ngayon kaysa sa set ng New Voice. Mas mukhang set ng isang musical ‘yung ginawa ng 9 Works Theatrical samantalang mas mukhang concert stage ‘yung dati. Na-optimize nang todo ang gimik sa audio-visual subalit, kamukha ng ilang lokal na pagtatanghal, hindi suwabe ang microphone.

Since character-driver ang dula, mas mainam sigurong isa-isahin na lang ang mga nagsiganap. Si Gian Magdangal bilang Roger ay tila nangangapa pa sa kanyang pagiging lead. Mahirap dumepende sa kanyang interpretation bilang isang malungkot na songwriter pero maganda ang kanyang rendition sa mga kanta. Sakto lang naman ang ipinakita ni Fred Lo. Hindi nakaw-eksena at hindi rin naman natabunan. Para sa akin, si Mark bilang aspiring filmmaker ay nand’un lang upang i-document ang buhay ng kanyang mga kaibigan. Promising si OJ Mariano rito bilang isang aktor at isang musical stage performer. Aabangan ko ang mga susunod n’yang gagawin. Mas umangat ang pagiging aktor ni Job Bautista kaysa pagiging performer. Naitawid n’ya nang maayos ‘yung kahinaan ng character at punong puno ng puso ang kanyang bersyon. Unfair sabihin pero para sa akin, hindi n’ya napantayan ang energy at New Yorker aura ni Ricci Chan, partikular na sa kantang “Today 4 U”. Sa lahat, paborito ko sa mga nagsiganap sina Carla Guevarra (nilamon n’ya nang buong buo ang auditorium sa “Over the Moon”) at Jenny Villegas (consistent at impressive ang vocal range at acting level).

KONKLUSYON

Pinatunayan ng pinakabagong pagtatanghal ng “Rent” na universal ang kaakibat na tema. Bata o matanda, mahilig sa teatro o hindi, madaling makaakit ang repertoire at simpleng plot nito. Lahat yata ng mga kanta rito ay radio-friendly kabilang na ang “Seasons of Love” na patuloy na naghahamon kung paano ba dapat inuusisa at pinapahalagahan ang buhay. Ilan ito sa mga perks ng panonood ng dula, isang kahinaan na magtutulak sa ‘yo upang kalimutan ang anumang pagkukulang ng direktor at performer ng bagong produksyon.

Naisip ko lang, kung magde-demand talaga ang dula, hindi ito maa-appreciate ng sinumang hindi nakaranas magmahal, maiwanan, masaktan at magmahal muli. Hindi rin ito mae-enjoy ng taong hindi nakuhang magbahagi ng panahon sa kaibigan. Siguro ay ganito rin ang demand ng buhay at dapat tandaan na ang lahat ng bagay ay hiram lang. Hindi natin ito mababayaran at sa dulo ay isosoli natin ito sa pinaghiraman. Sa kakarampot na panahon na ito, ang buhay, ayon sa “Rent” ay kailangang sukatin sa pag-ibig.

No comments:

Post a Comment