Total Pageviews

Sunday, February 21, 2010

Si Bertolt Brecht at ang Gobyerno

Ang Muntik Nang ‘Di Mapigilang Paghahari ni Arturo Ui
Produksyon: Dulaang UP
Direktor: Alexander Cortez
Pagsasalin: Patrick Valera, Katte Sabate at Joshua So (mula sa “The Resistible Rise of Arturo Ui” ni Bertolt Brecht)
Musika: Diwa De Leon
Mga Nagsiganap: Neil Ryan Sese, atbp.

ISTORYA

Chicago, 1930’s. Kuwento ito ng isang gangster leader, si Arturo Ui (Neil Ryan Sese), na nangangamba sa pagkawala ng simpatiya ng mga taong mahihirap na kanyang binibigyan ng “proteksyon”. Sa pagkabalisa na ito, pumasok sa eksena ang nagbabadyang pagbagsak ng ekonomiya at ang pagkakataong maisalba ito ng mabuting pinuno ng bayan na si Dogsborough. Sinikap ni Arturo na maging sibilisado sa tulong ng isang aktor at sa dahas ng kanyang mga alipores ay puwersadong pinasok ang politika.

PARALELISMO

Sa umpisa pa lang ay may duda na ako kung ano ang totoong puntirya ng dula. Ipinakita sa tulong ng video ang pagkakahalintulad ng buhay nina Arturo Ui at Adolf Hitler. Hindi ako nagkamali na bago matapos ang dula ay pumasada ang mga larawan mula kay Hitler hanggang kay Andal Ampatuan at Gloria Macapagal-Arroyo (na nilagyan ng iconic na bigote na parang hindi pa maiintindihan ng manonood ang pakay). Nais lang iparating na ang mga demonyo ng nakaraan ay heto’t naaamoy pa rin natin. Kung ito ang vision ng produksyon, naniniwala akong naitawid nila nang maayos ang obra ni Brecht.

Na-appreciate ko ang pagsasalin dito. Tingin ko, bagama’t di ko pa nababasa ang orig na materyal, nakuha nito ang essence ng pagkapolitikal at kawalan ng moral. Hinaluan din ito ng Ingles upang mas madaling makarating sa manonood. May ilang pagkakataon na nagmistulang makabago ang pag-uusap at ito, para sa akin, ay isang strength ng dalisay na pagsasalin.

Maganda ang mga komposisyon ni Diwa De Leon dito. May isang solo piece si Givola na nagustuhan ko ang pagka-rock opera. Hindi nga lang ito lumapat sa tema ng dula na pagka-jazzy. Ang ilang choral piece naman ay nagpaalala sa akin ng ilang piyesa ni Ryan Cayabyab sa “Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo”. Hindi masyadong nakatulong na walang sariling mikropono ang karamihan sa cast at paminsan-minsan ay nilalamon ang boses nila ng audio.

Hindi ko pa alam sa ngayon kung nagustuhan ko ang chaotic na set design ni Ohm David. Nakakaaliw ‘yung mga manekin sa may likuran ng entablado at sa ilalin ng platform. Sumisimbolo ito ng kamatayan. Ang itim at puti na pintura sa platform ay isang suhestiyon din na ang mga karakter ay nagpapatintero sa pagitan ng tama at mali. Ang mga ganitong detalye ay mahusay subalit kapag pinagsama-sama na ay iba na ang epekto.

KONKLUSYON

Nais itanong ng dula, unang una, kung ang tigre ba, kapag binihisan, ay magiging isang kuneho. Kung ang climax ng dula ang basis, gusto nitong sabihin na ang kasangsangan ay kailanman hindi matatakpan. Ang kabulukan, kahit na ilagay sa pinakatore, ay hindi magiging simbolo ng kagandahan at pagsibol bagkus ay makakahawa pa sa iba. Gusto ko sanang pagnilayan ito na baka naman ang ilan sa ating mga pinuno ay kuneho sa umpisa at naging tigre na lamang nang mapuwing sa kinang ng kapangyarihan.

Ang ating bansa ay kamukha ng Chicago ni Arturo Ui. Hindi na natin masyadong nalilitis kung ano ang tama at kung ano ang mali. Napapagpalit natin ito na parang nagkamali lang ng naisuot na sapatos. Ang mga halimaw na nakaluklok sa ating gobyerno ay mas lalong umiigting ang lakas dahil sa kahinaan nating ito. Alam ko namang alam natin ang tama sa mali at kung paano itama ang mali. Alam ko namang kahit butlig ay may natitira pa sa ating tapang at galing. Minsan lang ay nakakapagod nang makipaglaban dahil alam mo na sa huli ay hinding hindi ka mananalo.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...