Sunday, February 07, 2010

Si Romeo at ang Pag-ikli ng Salita

Romeo & Bernadette
Produksyon: Repertory Philippines
Direktor: Joy Virata at Rem Zamora
Libretto: Mark Saltzman
Musika: Bruce W. Coyle
Mga Nagsiganap: PJ Valerio, Cris Villonco, atbp.

ISTORYA

Isa itong reimagining ng posibleng sequel sa “Romeo & Juliet” ni Shakespeare. Inumpisahan ang dula sa pagkekwento ng isang New Yorker (Red Concepcion) sa isang babae (Liesl Batucan) na nais n’yang maikama. Ayon sa kuwento, nakaligtas si Romeo (PJ Valerio) mula sa pag-inom ng lason. Ang panahon ay 1960’s at walang inaksayang oras si Romeo upang hanapin ang kanyang Juliet na hindi sinasadyang pinagkamalan si Bernadette (Cris Villonco) na taga-Brooklyn, New York. Dito na lumawak muli ang mundo ng star-crossed lovers nang hindi naging madali ang lahat. Napinid (na naman) sila sa dalawang magkalabang pamilya (parang Capulet at Montague) at ang panahon ay pinupugaran ng karahasan. Si Bernadette na anak ng isang Mafia boss ay nakatakdang nang ikasal. Si Romeo naman ay inampon ng kaaway na angkan ng pamilya ni Bernadette.

THOU HAST

Wala akong masyadong matandaan sa mga kinanta kahit na radio-friendly ang ilan dito. Ang ilang piyesa ay hango sa ilang opera piece at nilagyan lang ng bagong areglo. Bagamat musical comedy ang genre, wala rin akong matandaang eksena na sinuklian ko ng malakas na tawa (pero napangiti naman ako sa ilan). Maging ang set design ni Dennis Lagdameo ay kinalutangan ng maliit na budget.

Kung meron man akong nais purihin dito ay walang iba kundi ang dalawang bida. Nakakatuwa ang effort ni Cris Villonco sa kanyang New York accent. Sustained ito mula umpisa hanggang dulo. Ngayon ko lang s’ya napanood sa ganitong tema at na-pull off naman n’ya. Si PJ Valerio, on the other hand, ay lutang na lutang ang pagka-naive bilang Romeo. Hindi ko masyadong na-appreciate ang kanyang previous works pero rito, nagustuhan ko ang dedikasyon n’ya mula sa pagkanta hanggang sa pag-arte. Hindi ko rin puwedeng isantabi ang presence ni Liesl Batucan. Wala na yatang mahirap para sa kanya. Hawak n’ya sa kanyang palad ang audience kahit na suporta lang ang ibinigay n’ya rito. Si Rem Zamora bilang tenor, fashion designer, pari at kung anu-ano pa ay nagpatingkad din sa texture ng dula. Malaki ang kontribusyon ng kanyang partisipasyon sa dula.

KONKLUSYON

Bilang isang mangingibig ng salita, may napulot naman akong konting wisdom sa “Romeo & Bernadette”. Isinulong nito ang pagkawala ng old English at flowery words pero hindi na masyadong tinalakay kung ano ang dahilan ng disintegration. Siguro ay kabayaran ng pag-unlad ang pag-ikli ng mga salita. Halimbawa ngayon, nabubuhay ang tao sa texting na limitado sa text lingo. Wala na ang panahon ng (wasto at) mahahabang pangungusap. Maging ang old-school blogging sa internet ay unti-unti na ring nilalamon ng micro blogging. Sabi nga ng karakter ni Red Concepcion, “Go straight to the point!”

Pero saan na nga ba tayo dinala ng kaikliang ito? Sa kabila ng magarbong pag-usad sa telecommunication, bakit marami pa ring nasasaktan sa hindi pagkakaunawaan? Baka kailangang ibalik ang mahahabang salita. Baka kailangan ang old English at flowery words. Hindi ako magugulat na dumating ang panahon na hanapin ng tao ang mga katulad ni Romeo. At hindi na ako magugulat kung hindi s’ya mabubuhay mula sa pagkalason.

No comments:

Post a Comment