Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Total Pageviews
Sunday, May 16, 2010
Gusto Ko Lang Ikuwento Kung Paano Ako Bumoto Noong Isang Linggo
Nakita ko sa MOA ‘yung poster ng talk ni Al Gore dito sa Pinas sa June 8. Bigla ko lang naalala ‘yung tatlong bagay na sinabi n’ya na dapat gawin ng isang tao para maging imortal. Una, mag-asawa at magkaanak. Ikalawa, magtanim ng puno. At ikatlo, magsulat ng journal na ginagawa ko na ngayon. So ayun, parang gusto ko namang meron akong naisulat tungkol sa pagboto ko sa kauna-unahang automated elections sa Pinas.
Heto ang sequence:
1. May kasalanan ako sa umpisa. Hindi ko sinunod ang “bayan muna bago ang sarili”. Meron kasing season finale ang The Amazing Race 16 (TAR16). Hindi ako nakasabay sa pagpunta sa presinto ng aking mga magulang. Pero masyado ring maaga nang sila ay umalis (around 7am);
2. Bumalik sina mom and dad ng mga 8am. Nagrereklamo si dad na masyado raw magulo. At hindi na rin nila nakayanan ang init ng araw. Kailangan din n’yang uminom muna ng gamot. Pero nasa pila na sila n’un at babalik na lang pagkatapos. Consequently, hindi natuloy ang pagpapalabas ng TAR16 ng Studio 23 matapos nitong ipakita ang unang bahagi. Hindi ako nakatiis, nangulit ako sa ABS-CBN at nakakuha naman ako ng reply sa Twitter. Pinaboran nila ang pagko-cover ng eleksyon sa pamamagitan ng pagpapalabas ng kung anumang meron sa ANC. Ipapalabas na lang daw ng 7:15pm. Dito ko na naisip ang “bayan muna bago ang sarili” at nahiya ako;
3. Pasado alas-10 ng umaga, sumugod ako sa kainitan at nag-tricycle sa aking high school kung saan ginagawa ang botohan para sa mga taga-Brgy. Talolong. Nakita ko r’un ang aking kaklase at kaibigan (at soon to be a dad) na si Zherwin na tila matagal nang nakapila;
4. Dito ko lang naintindihan kung bakit matagal at mahaba ang pila. Ang dating walo o siyam na presinto n’ung manual na eleksyon ay naging tatlo na lang. Itinalaga ito depende sa dami ng Precinct Count Optical Scan (o PCOS) machine. Madalas kong marinig sa mga palabas sa TV n’ung umaga na ‘yun na ang term dito ay “clustered precinct”;
5. Karamihan sa mga kaibigan ko sa Facebook at Twitter ay naghintay rin nang matagal. Sabi nga ng slogan ni Noynoy, “hindi ka na nag-iisa”;
6. Ang naibigay sa akin na queue number ay 435 mula sa ikatlong clustered precinct na sa aking pagkakaalala ay pinagsamang precinct number 6a, 6b, 7a at 8a. Sa mga nakakita ng number ko n’ung oras na ‘yun, sinasabi nilang lahat na mga 7pm pa ako makakaboto talaga;
7. At 11am, back to homebase. Ganito rin ang ginawa ni Nenen. Kumain, nanood ng TV at natulog lang ako hanggang 3pm;
8. Bumalik si Nenen sa Lopesay (ang aking high school) ng mga 1pm at inumpisahan nang pumila muli. Nasa 400 na rin ang kanyang queue number at sa tulong ng text ay binabalitaan n’ya ako kung anong number na ang bomoboto sa aming clustered precinct. Lumalabas na mas mabilis ang pag-usad ng kanyang pila kesa sa akin;
9. Pinaka-logical na bumalik ako ng mga 4pm n’un. Medyo hindi na masungit ang init ng araw at tingin ko ay tamang tama lang ito para sa aking queue number. Kasalukuyang 385 na ang tinatawag n’un kaya tumambay muna ako sa puwesto ng aking mga kaibigan na sina Jorel at Melea. Nakalibre pa ako ng sweet corn habang naghihintay. Naaliw rin ako sa biglang pagpasok ng isang kamukha (at kadamit) ni Lady Gaga;
10. Mga pasado 5pm na ako n’ung nakaboto talaga. Maayos naman ang pila at walang gulo sa aming presinto. Masaya rin ako nang makita ang isa pang kaklase na si Elvira na nakasuot ng DepEd na polo shirt. Isa s’ya maraming bayaning guro na tumutulong sa eleksyon. Hindi ko s’ya nakitaan ng pagod o stress;
11. Mahaba ang balota at medyo mahirap itong sawayin minsan dahil maiksi lang ang arm ng mga arm chair. Nakatulong naman nang kaunti ang pinagdugtong na folder bilang pantakip dito. Tama si Gibo, maliliit pala ang mga “bilog na hugis itlog” na kailangang itiman. Takot na takot ako na baka magkulang ang pag-itim ko kung hindi man lumabis;
12. May nauna sa akin sa pagsubo ng balota sa PCOS machine. Mag-asawa ito. Inaalalayan ng lalake ang kanyang misis. Tatlong beses nilang isinalang ang balota bago ito makatanggap ng “congratulations”. Kinabahan ako n’ung turn ko na pero wala akong nagawa, one click lang sa akin. Best in shading siguro ako;
13. Sa sobrang tiwala sa akin ng kaklase kong si Elvira ay ako na ang pinaglagay n’ya ng indelible ink. Iniasa na n’ya sa akin kung paano ko gustong dumihan ang hintuturo ko. Tinipid ko ang pagkakataon at hindi na pinaagos ang ink sa tagiliran ng aking kuko;
14. Pumapatak na pitong oras ang ipinalo ng aking pagboto;
15. Hinintay pala ako nina Jorel at Melea at sabay-sabay na kaming umuwi. Dumaan kami sa tulay na naug-og (hanging bridge) na parang mga high school student lang;
16. In general, wala namang aberya ang kauna-unahang automated elections. Nakakapanindig-balahibo minsan ang bilis at accuracy nito. Parang wala ring masyadong balita ng dayaan at mabilis na nag-concede ang mga hindi pinalad na presidentiable. Bibo rin ang mga TV network sa paghahatid ng balita kaya gising na gising ang taumbayan. Nakakaaliw ang hologram war nila, sa totoo lang; at
17. Wala siguro sa 25% ng aking ibinoto ang nanalo. Pero hindi na ito mahalaga. Kampante naman akong nabilang ang aking boses nang maayos. Optimistic ako na matiwasay ang pagkakalatag ng kinabukasan ng eleksyon sa Pilipinas.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment