Total Pageviews

Monday, May 03, 2010

Ilang Sidelight sa Gawad Urian 2010


Kumpara n’ung isang taon, mas maagang ginanap ang Gawad Urian ngayong taong ito (Abril 29). Mula sa CCP, lumipat naman sila sa Cine Adarna ng UP Diliman. Hindi ko alam kung may kinalaman ito na ang YCC, ang resident group of critics ng UP, ay tila yata mamahinga na ang pakpak sa paglipad. Kung bakit, wala akong ideya.

Kahit na umambon sa pagsapit ng gabi n’ung Huwebes na ‘yun, may ilang celebrity pa rin ang sumugod sa teatro ng UPFI upang parangalan ang mga natatanging aspetong pampelikula mula sa disenyo ng tunog hanggang sa pinakamahusay na pelikula ng taon.

Narito ang mga sidelight:

1. Kamukha ng inaasahan, maaga talagang dumarating sa venue ang mga Manunuri. At katulad ng mas inaasahan, naka-barong Tagalog pa rin sila;

2. Hindi nakakagulat na si Butch Francisco muli ang nag-host. This time, si Gelli de Belen naman ang kanyang co-host na isang magandang ideya. Sa taong ito, hindi pa rin nawawala ang estilo ni Butch na gulatin ang manonood sa paniniwalang nakukuha ng audience ang kanyang kakaibang wit. Sa isa sa mga pinaka-awkward na pagkakataon, habang pababa ng entablo ang nanalong si Linda Casimiro sa Pinakamahusay na Dulang Pampelikula, tinanong ito ni Butch mula sa mikropono. “Kayo ho ba ‘yung dating nagtatrabaho kay Bibsy Carballo?” Gusto ko sanang tumayo at balaan ang Manunuri. “Sir, wala ho kayo sa backstage.” Sa isa namang pagkakataon, sinabihan n'ya ang isang artista, sa mikropono rin, na "Ibinoto kita.";

3. Scene-stealer talaga si Eugene Domingo, sa harap man o likod ng tabing. S’ya ang nag-anunsyo ng Pinakamahusay na Pangalawang Aktres. Pagbungad pa lang n’ya, humirit agad. “Sabi sa akin, pumunta raw ako sa yellow marker eh apat ang dilaw rito.” Nagtawanan ang audience. Umadlib si Gelli at lumabas mula sa backstage. “Eugene, dito o!” Matapos mabanggit ang nanalo (si Marissa Sue Prado para sa pelikulang “Himpapawid”), nagkunyari itong nagpapahabol ng trophy pero sa kalaunan ay ibinigay rin. Speechless ang baguhang aktres. “Ganito pala ang pakiramdam!”, sambit n’ya. Sumingit si Eugene, “Hindi ko alam!” Nagtawanan ang mga manonood. Nasabi na lang ni Marissa, “Hindi ko na alam ang sasabihin ko.” Sinagot ito ni Eugene na parang “Ah, mag-thank you ka na lang tapos bumaba ka na.” Mas malakas ang tawanan ng mga tao;

4. Nakakagulat na nominado ang pelikulang “Anacbanua” sa screenplay. Koleksyon kasi ito ng mga imahe at tulang Panggalatok. Walang flow ng kuwento. Gusto kong mabasa ang screenplay kung meron man. Sa cinematography, hindi ako magrereklamo dahil napakaganda ng visual nito;

5. Hindi nasungkit ni Coco Martin ang Pinakamahusay na Pangunahing Aktor. Napunta ito kay Lou Veloso. Sa tingin ko, baka matagalan nang manalo si Coco dahil nakapokus ito ngayaon sa telebisyon. Pero hindi lang ‘yan. Mahirap naman talaga ‘yung transition na ‘pinakita n’ya sa “Kinatay”. Mahusay rin naman si Lou sa “Colorum”. Kaya lang, kung effort ang pag-uusapan, mas gusto ko ang ginawa ni Coco. Base sa reaksyon ng ilang manonood sa teatro, sikat na nga ang tinaguriang King of Pinoy Indie Cinema. Maraming humaharang dito upang magpa-picture. Natapos ang parangal nang hindi ko man lang ito nakitaan ng pagkainis o panghihinayang;

6. Sentimental choice ang pagkapanalo nina Rustica Carpio at Anita Linda ng Pinakamahusay na Pangunahing Aktres para sa “Lola”. Kung tatanggalin ito, tingin ko, mahirap patumbahin ang ginawa ni Osang sa “Wanted: Border”;

7. Hindi masyadong pinansin ng Urian ang mga entry ng Cinema One Originals ngayong taong ito. Maliban kay Osang, wala nang iba pang nominado sa kahit anong pelikulang ‘pinalabas sa festival na ‘yan. Ironically, ipapalabas ang awards night sa Cinema One;

8. Nang banggitin ang pangalan ni Vilma Santos bilang nominado sa Pinakamahusay na Pangunahing Aktres para sa “In My Life”, d’un ko lang naramdaman ang presensya ng kanyang mga Vilmanians;

9. Pinakamalakas yata ang palakpak ko nang manalo sa Pinakamahusay na Maikling Pelikula ang “To Siomai Love” ni Remton Zuasola ng Cebu. Para sa akin, s’ya ang next big thing ng Pinoy indie at marami s’yang lalamuning filmmaker sa Metro Manila;

10. Suki na yata si Cooky Chua sa intermission number sa Urian. N’ung isang taon ay kasali rin s’ya. Para sa taong ito, dalawang beses s’yang kumanta. Una, kasama si Gloc-9 at ikalawa, ang pag-awit ng nanalong theme song mula sa “The Arrival”. Ang ilan pa sa mga nag-perform ay sina Mark Bautista, Christian Bautista at Rachel Alejandro;

11. Ikinampanya ni Armida Siguion-Reyna sa kanyang acceptance speech (bilang Natatanging Gawad Urian) si Erap. Ito lang daw ang taong hindi nagpapatalo sa kanya at hindi n’ya talaga matalo-talo;

12. Three in a row na pala ni Dante Mendoza sa Pinakamahusay na Direksyon ("Tirador", "Serbis" at "Kinatay") at sa ikatlong pagkakataon ay absent s'ya. Ang kanyang batang anak na babae ang tumanggap ng award. Binasa nito ang mahabang acceptance speech at, sa isang pagkabagot, nasabi na lang nito na "Whatever."; at

13. Mukhang well distributed sa mga pelikula ang mga gawad ngayong taong ito. Meron para sa “Engkwentro”, meron din para sa “Kinatay” at “Lola” ni Dante Mendoza, sa “The Arrival” (Pinakanatatanging Musika) at sa “Himpapawid”. Parang gustong sabihin na lahat dapat ay masaya.

May ilan pang mga picture dito.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...