Monday, June 21, 2010

Ang Makulit na Daan Papuntang Norte

Pendong
Direksyon: Sean Lim
Iskrip: Archie del Mundo
Mga Nagsiganap: Alwyn Uytingco, Felix Roco, Will Devaughn, atbp.

ISTORYA

Inumpisahan ang pelikula sa pagregalo kay Bingo (Alwyn Uytingco) ng isang vintage Volkswagen ng kanyang ina. Nang matapos ang joyride, inamin ng ina na iba pala ang ama ni Bingo at ito ay kasalukuyang nasa Nueva Ecija. Dito pumasada ang isang riot na paglalakbay papuntang norte kasama ang mga matalik na kaibigang sina Jay (Felix Roco) at Calvin (Will Devaughn). Mula sa kahabaan ng daan ay kung anu-anong personalidad at oddity ang kanilang nakasalamuha.

PAGBATOK SA ULO

Ang pagbatok sa ulo sabay sambit ng “pendong” ay isang nausong kalokohan na natutunan ko n’ung dekada ’90. Wala naman itong masyadong logic, talagang gaguhan lang. Ginagawa ito kapag merong nakitang kalbo o kapag merong humarurot na Volkswagen. Meron itong antidote. Kapag nakasaludo ka bago pa man makita ng ibang kasama ang kalbo o Volks ay abswelto ka na. Ilang beses itong ‘pinakita sa pelikula sa tulong ng napakaraming cameo apperance mula kay Joseph Bitangcol, award-winning na stage actor na si Jonathan Tadioan, Enchong Dee, Lara Morena (na puwedeng pumalit sa mga role ni Melanie Marquez), Marife Necesito, ang kakambal ni Felix na si Dominic hanggang kina Garry Lim at Bembol Roco.

Kung hindi ako nagkakamali, produkto ito ng fascination ng manunulat na si Archie del Mundo (isang kasama sa Titus Yahoo Group dati) sa mga bagay na nalilipasan ng panahon at hindi napapansin. Kung tutuusin, hindi na masyadong napapraktis ang kalokohan ng pendungan. Maaaring ang mga kabataan ngayon ay hindi na ito alam at maiinis lang kapag pinauso mo. Kasabay siguro itong naglaho nang maisagawa ang batas na magbabawal sa physical contact sa mga fraternity hazing, isang pagpasok sa era ng awareness sa karapatang hindi tayo basta-basta puwedeng saktan ng ibang tao.

Ang daan para sa tatlong bida ay walang kasing kulit. Halatang enjoy na enjoy ang mga artista habang ginagawa ang pelikula. Makulit din ang mga nakakasalamuha nila katulad ng isang seksing babaeng magnanakaw at ang mga bading na waiter, pulis at stalker. Mistula itong mga karakter na hinugot mula sa play na “Bombita” ni Tony Perez na may kumbinasyon naman ng seksing babae, mga NPA at isang pokpok. Dreamy ang aksidenteng pagkakapadpad nila sa isang event kung saan nagkikita at nagsasama ang mga Volkswagen owner. Mas masaya sana kung sa dulo ito inilagay kung kailan nanganganib nang lamunin ng hallucination at pagkawala ang ating mga bida.

May kakaibang dating ang pinagsamang virgin (Bingo), bingi (Jay) at action star (Calvin) sa isang road trip. Nakakaaliw ang kanilang chemistry at napaniwala akong magkakaibigan talaga sila. Ang napansin ko lang, hindi masyadong nabuo ang mga karakter na gustong ipakita sa likod ng pagiging virgin, bingi at action star. Hindi rin nakatulong ang mga taong nakasalubong nila sa daan upang idiin kung sino nga sila. Lumabas ako ng sinehan na hindi ko pa rin sila kilala. Sa kaso ni Bingo, halimbawa, maliban sa pagiging virgin ay wala na akong nakita. Mabait ba s’yang anak? Ano ang kakulangan n’ya para makitang muli ang kanyang ama? Si Jay na isang bingi, maliban sa pagsabi ni Bingo na walang disiplina ay hindi rin naglitanya ng karakter. Bakit ba s’ya walang disiplina? Bakit s’ya iniiwanan ng mga babae? Sa kaso naman ni Calvin na isang action star, maliban sa hindi ito makapagsalita ng malutong na Tagalog/Filipino at sa pagnanasang maresolba ang sariling issue sa ama, ay wala nang masyadong tinahak ang karakter. Hindi masyadong na-establish ang drive para sa tatlo. Ang duda ko ay kailangang pumreno minsan sa pagsasalita at mabigyan ng kahit isang sequence man lang upang huminga at ipakitang nag-iisip sila, nagdaramdam at nagmumuni.

Nagustuhan ko ang rendition ng tatlong bidang artista, kabilang na ang isang baguhan at Ingleserong si Will Devaughn. Napakanatural ng kanilang pagganap dito at mistulang sineryoso ang kakulitan. Si Felix Roco ay parang dinamita na handang sumabog kahit anong oras (at sumabog nga sa isang confrontation scene). Si Alwyn Uytingco ay maaasahan din sa paghahalo ng pagiging seryoso at kalog. Grandiyoso ang ilang eksena at pagpili ng location, isang pagpapatunay na may matang biswal ang direktor na si Sean Lim. Sinahugan din ng mga magagarang disensyong pamproduksyon kamukha ng mga motorsiklong umaalalay sa bading na stalker (na mala-Bona na ginampanan ni Ate Gay).

KONKLUSYON

May mga literal na paglalakbay na kailangang tahakin upang marating ang patutunguhan. Sa kaso nina Bingo, Jay at Calvin, ang kanilang biyahe sa norte ay isang pagkakataon upang marating ang buhay at mas makilala pa ang sarili. Meron din namang mga paglalakbay na hindi na kailangan ng lumang Volkswagen o anumang sasakyan upang bumiyahe. Ang mahalaga ay mayroong drive at makulit na determinasyon para mainda ang buong trip.

Ang larawan ay halaw mula sa www.pendongmovie.com.

No comments:

Post a Comment