Total Pageviews

Monday, June 21, 2010

Penitensya ng Isang Preso

Ranchero
Direksyon/Iskrip: Michael Christian Cardoz
Mga Nagsiganap: Archi Adamos, Garry Lim, atbp.

ISTORYA

Tinalakay ng pelikula ang huling araw ni Ricardo (Archi Adamos) bilang isang ranchero (cook) sa isang kulungan sa Rizal. Nag-umpisa ito sa tila matamlay na araw, kapiling ang mga kakosa (isa rito si Garry Lim), at nagtapos naman sa isang kabaliktaran.

MGA ANINONG PASIKUT-SIKOT

Real-time ang atake ng pelikula. Mula paggising hanggang sa pag-ihi sa isang seldang nagsisiksikan ay sinundan ng kamera ang karakter ni Ricardo. Ipinakita ang mga taong nasa paligid n’ya, kabilang ang isang banatilyo na bagong salta at ang paring nagmimisa sa nasabing kulungan. Kung gaano kakitid ang lugar, ganito rin ipininid ng lense ang mga taong gumagalaw sa loob ng hawla. Minsan ay nakakabagot ang mga mahahabang cut ng pelikula, isang statement lang na ang huling araw ni Ricardo, gaano man ito kaimportante, ay tila salat sa mga kaganapan. Ang dulo naman ay tinadtad ng maiikling cut upang magpakita ng gilas at magpapusok sa adrenaline.

Hindi nagkwento ng iba pang kwento ang pelikula. Natapos ito na hindi masyadong nagpapakita sa kung sino talaga ang mga preso, anuman ang kasalanan nila o kung makatarungan bang nakakulong sila. Tila mga aninong pasikut-sikot na nagtatagpo, naglalakad, nagluluto, nagdarasal at naglalaro ng basketball. Absent din ang mga pokpok, ang mga bading na rumarampa at ang mga baguhang ginagahasa. Kung iba siguro ang sumulat, malamang ikinahon pa nito ang backstory ng mga tao sa likod ng rehas. Marahil ay sapat nang mabuo sa isipan ng mga manonood na ang mga zombie sa loob ng mga selda ay may nagawang pagkakamali na kailangang itama.

Halata sa nasabing pelikula na naka-focus ang direktor sa kanyang subject. Malinaw ang kanyang vision sa kung anumang patutunguhan ng dula at kung paano mabibigyan ng saysay ang isang mapagparayang araw. Malinis ang pagkakalahad at tinanggal ang anumang balakid na maaaring magpagulo sa pagkukwento. Ang mga nagsiganap na sina Archi Adamos, Garry Lim at ang mga extra na totoong preso ay eksakto sa danyos na hinihingi mula sa kanila. Maging ang iba pang aspetong teknikal kamukha ng tunog, sinematograpiya at musical score ay nagmumuni sa tinutumbok ng direksyon.

KONKLUSYON

Katulad ng tubig na isinasahog sa isang kawa ng adobong manok, si Ricardo ay isang Kristiyanong imahe ng pagsasakripisyo ng mga taong nasa paligid niya. Isa s’yang angkla na humihigop sa anumang puwersang bumabalot sa mga anino roon. Ang kanyang huling araw ay isang selebrasyon dapat ng kanyang pag-akyat sa langit subalit napunta sa pagkapako sa krus, isang purgatoryo na nagsilbing buod sa katagalan ng kanyang impiyerno. Mapalad ang mga tayong nanonood ng pelikulang ito mula sa labas ng rehas. Kahit papaano ay nakakahinga tayo ng mas kaaya-ayang hangin at mas nakakakain tayo nang sapat at tama sa oras. Kahit papaano ay kontrolado natin ang sarili nating paglaya.

Halaw ang larawan mula rito.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...