Pas de Deux
Produksyon: Cultural Center of the Philippines, Tanghalang Pilipino at Writers Bloc, Inc.
Mga Direktor: Tuxqs Rutaquio (“Higit Pa Dito”), Roobak Valle (“Collector’s Item”) at Ed Lacson, Jr. (“Ondoy”)
Mga Mandudula: Allan B. Lopez (“Higit Pa Dito”), Julliene Mendoza (“Collector’s Item”) at Remi Karen M. Velasco. (“Ondoy”)
Mga Nagsiganap: Cris Pasturan, Mailes Kanapi, Lorenz Martinez, George de Jesus, Jojit Lorenzo at Cai Cortez.
ISTORYA
Wala talagang iisang tema ang set na ito. Ayon sa tagapagsalita ng Virgin Labfest na si Rody Vera, ang tatlong dula ay pinamagatang “Pas de Deux” (isang term sa ballet para sa step o sayaw na pandalawahan lang) dahil sa pagkakaroon ng dalawang tauhan. Ang “Higit Pa Dito” ay nagkwento ng isang moving on stage para sa mag-ina. Tinalakay naman ng “Collector’s Item” ang parallel sa pagitan ng pangongolekta ng action figure at mga babae samantalang tumahak naman sa daan ng hindi pagkakasundo (o pagkakasundo) ang “Ondoy” sa gitna ng isang rumaragasang bagyo.
SIGNAL NUMBER 2
Ito na yata ang pinakapaborito kong set sa mga napanood ko dahil kahit payak ang mga tema, naikuwento naman at naipalabas nang malinaw ang gustong sabihin sa audience. Siguro ay mayroon pang kailangang itulak sa “Higit Pa Dito” upang maging mas suwabe ang paglalahad, na tungkol pala ito sa moving on ng isang ina sa tulong ng kanyang anak, subalit hindi naman ito malaking kakulangan.
Ang tatlong dula, kahit na hindi sinasadya, ay sumundot sa kung anumang nakalipas. Ang “Higit Pa Dito” ay nagbukas ng nakaraan ng babae sa kanyang asawa. Hindi masyadong klaro, dahil paulit-ulit na sinasabi ng babae na ayaw na n’ya itong maalala, pero hindi naman malabo na ang nakaraan nito ang dahilan ng kanyang pagiging manic depressive. Binuksan din ng “Collector’s Item” ang nakalipas ng dalawang binata tungkol sa isang babaeng dumaan sa kanilang buhay at kung anong ginawa nito sa kanilang pagkatao. Sa “Ondoy” ay paulit-ulit ding binuksan ng mag-asawa ang nakaraan upang ituro bilang culprit sa kung anumang delubyong kanilang nararanasan sa gitna ng bagyo.
Hindi nagkasya ang “Ondoy” sa pag-urirat ng kahapon. Sinasalamin din ng dalawang karakter ang karamihan sa mga mag-asawang Pinoy na patuloy na iginagapang ang buhay sa kabila ng mapanlinlang na ekonomiya. Kahit na marangal ang ikinabubuhay ng ilang karaniwang tao, may mas mataas na sektor pa rin ng lipunan ang lumpo sa pagharap ng mga problema kamukha ng natural calamity. Walang nagawa ang mag-asawa kundi harapin ang dilim. Ang pagiging buntis ng asawa ay isa ring pain na ang dula ay hindi naman talaga nakatutok lang sa bagyo. Tungkol din ito sa mga problemang marital nang ilan sa mga kababayan natin (mala-Kris Aquino at James Yap). Ang panganay na anak na si Jan-jan ang nalalabing pag-asa ng mag-asawa upang maisalba ang relasyon sa isang puwersa na mas mapanganib pa kesa sa isang super typhoon.
Natuwa ako sa stage set ng tatlong dula. Kahit na payak ang tema ng “Higit Pa Dito” ay pinalaki naman ito ng isang piano na natatakpan ng isang puting tela. Sa dulo, nagamit ang instrumento bilang indikasyon ng kung anumang musika na handa nang harapin ng ina. Ang “Collector’s Item” na siguro ang merong pinakamabusising set sa lahat ng mga entry ngayong taong ito. Sa dalawang bahagi ng “condo unit” ay may dalawang shelf na naglalaman ng malalaking “action figure” bilang paalala sa kung anumang koleksyon meron ang dalawang karakter. Isang yerong bubong lang ang props na ginamit ng “Ondoy” pero ito pa lang ay isa nang ganap na paliwanag sa kung anumang limbo ang kinakaharap ng mag-asawa. Sa isang eksena, ibinato ng lalake ang isang gamit at tila tumama ito sa isang poste ng Meralco at nag-umpisang umapoy.
KONKLUSYON
Mahirap yatang magsulat ng konklusyon kapag walang iisang tema ang set. Maliban sa isang makulit na paalala na ang mga Pinoy ay talentado sa larangan ng teatro, maging sa pagkukuwento man o sa pag-arte, simpleng straight play man o marangyang musical, ‘pinakita ng “Pas de Deux” ang variety ng buhay na puwede nating bigyan ng isa pang klase ng pagkabuhay. Sinasabi lang ng Set B na mahalaga sa pagsasabuhay na ito ang paggunita sa nakaraan, mapait man o matamis, upang makatawid nang matiwasay.
No comments:
Post a Comment