Total Pageviews

Sunday, June 27, 2010

VLF 6 – Set C: Sa Loob ng Confession Booth

Pecado Mortal
Produksyon: Cultural Center of the Philippines, Tanghalang Pilipino at Writers Bloc, Inc.
Mga Direktor: Floy Quintos (“Suor Clara”), Hazel R. Gutierez (“Package Counter”) at Paolo O’Hara (“Matyag”)
Mga Mandudula: Floy Quintos (“Suor Clara”), Isa Borlaza (“Package Counter”) at Maynard G. Manansala, U Z. Eliserio at Chuckberry J. Pascual (“Matyag”)
Mga Nagsiganap: Frances Makil-Ignacio, Ronan Capinding, Yong Tapang, Randy Villarama, atbp.

ISTORYA

Tinutumbok naman ng set na ito ang isa sa masugid at paborito nating topic: kasalanan. Isang reimagining ng karakter ni Jose Rizal mula sa kanyang sikat na mga nobela ang “Suor Clara”. Ipinakitang kumakatok na sa dapit-hapon ng kanyang buhay si Maria Clara at kasabay ng pagsalubong ito ay ang pagpinid sa kanilang relasyon ni Padre Salvi. Nagkuwento naman ang “Package Counter” ng isang malagim na pagkakadiskubre ng dalawang supermarket staff sa isang bag na naglalaman ng bunga ng aborsyon. Ang “Matyag” ay nagbigay-buhay sa isang mapaghamong relasyon ng isang ama at ang kanyang anak na batang babae.

IMORTAL

Ang una kong naisip sa panonood ng “Suor Clara” ay ang ideya na nagkasala ito sa deconstruction ng isang sagradong obra. Binasag nito ang imahen ng isang dalagang Pilipina na mayumi. Kung matatandaan sa “El Filibusterismo”, may ilang pahina na naglitanya ng pagpanaw ni Maria Clara. Sinasabi lang ng dula na hindi ito totoo at nabuhay pa nang matagal ang kanyang karakter. Isa itong radikal na materyal na makabuluhang naisiwalat ang naging papel ni Maria Clara, na isa nang mother superior sa isang kumbento, sa paparating na himagsikan. Sa dulo, ang paggamit ng katawan ng karakter bilang object of desire sa mga taong nangangailangan nito, katulad nina Padre Salvi at isang katipunerong nagngangalang Venancio na parehong mga “panauhin” sa silid ni Suor Clara, ay inahalintulad sa isang pagkabayani na kamukha ng pagkakabaril ni Rizal sa Bagumbayan. Dito ko na nasabi na mali ang aking unang naisip. At iba na sigurong usapan ang mahusay na pagkakaganap ni Frances Makil-Ignacio sa pangunahing tauhan. Hinding hindi ko makakalimutan ang kanyang mukhang magkasabay na umaasa at nagbibigay-tuldok sa pag-asa habang ang ilaw ng entablado ay unti-unting pumapanaw.

Promising ang pagkakasulat ng “Package Counter”. Ang pinaalala naman nito sa akin ay ‘yung ilang mga premyadong dula sa Palanca n’ung 80’s, mga temang hinugot mula sa isang eksenang pamilyar at sinahugan ng mas malalim na bendeta. Kung tutuusin, hindi pa masyadong buo ang pagkakalahad. Hindi masyadong nahabi ang koneksyon ng dalawang karakter na nagpapalitan ng pananaw sa pagiging disiplinado at hindi, at sa pagliko ng kuwento sa dulo. Hindi rin ganap ang characterization dito upang maging mas mapalapit ang manonood sa dalawang bida. Subalit litaw naman ang intensyon, ang gustong sabihin ng sumulat at mukhang nahagip naman ito ng audience.

Ayoko mang sabihin pero hindi ko nagustuhan ang “Matyag”. Wala akong problema sa twist nito sa dulo, naiintindihan ko ang pagiging dark nito at kung anumang mapagparayang aral ang gusto nitong ibahagi. Ang iskip na isinulat ng tatlong mandudula ay malinaw namang nakapaglahad kahit na binaliktad ko na ang lahat at natagpuan ang ilang bahid ng mga temang paboritong tahakin ng mahusay na si Layeta Bucoy (isa sa mga dahilan kung bakit ang Virgin Labfest ay nananatili pa ring kaabang-abang makalipas ang limang taon). Ang hindi ko nakuha ay ang pagkakasali ni Randy Villarama sa dula bilang isang ama na malibog at mapaglinlang sa asawang nasa ibang bansa. Para sa akin, bagama’t nakuha n’ya ang aura ng isang may maamong mukha, bilang contrast sa marungis na karakter, hindi n’ya nagampanan ang hinihinging kumplikasyon ng isang amang naninimbang sa kung anong moral at hindi. Hindi ko rin nakuha ang pagkakaroon ng gimik sa audio-visual. Sa halip na nakatulong ay naging pabigat pa para sa akin ang dalawang telebisyon na nagpapakita ng mga eksena ng mag-ama habang nagrerekord ng video para sa inang OFW.

KONKLUSYON

Nagmistulang confession booth ang Tanghalang Huseng Batute sa mga nagliliparang pangungumpisal ng tatlong dula. Sa mababang layer, mabigat ang mga kasalanang nasaksihan ng mga manonood na sa dulo ay nagmistulang Diyos sa mga parusang ipapataw sa mga nagkasala. Pero ano ba talaga ang timbang ng mga kasalanang ito? Gaano ba ito kalalim? Gaano ba kalaki ang kalayaang idinulot nito upang makapagbigay-daan sa mas makabuluhang paghatol? Ang mga karakter sa Set C ay walang ipinagkaiba sa mga manonood. Lahat ay nagkakasala at lahat ay gumagawa ng paraan upang hanapan ito ng silbi at pansariling redemption.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...