Pink Pestibal
Produksyon: Cultural Center of the Philippines, Tanghalang Pilipino at Writers Bloc, Inc.
Mga Direktor: J. Victor Villareal (“Huling Habilin ng Sirena”), Katte Sabate (“A Fist Full of Sand”) at Paul Santiago (“Carmi Martin”)
Mga Mandudula: Layeta Bucoy (“Huling Habilin ng Sirena”), Arlo de Guzman (“A Fist Full of Sand”) at J. Dennis Teodosio (“Carmi Martin”)
Mga Nagsiganap: Nicco Manalo, Jerald Napoles, Pat Valera, Paul Jake Paule, Ariel Diccion, atbp.
ISTORYA
Katulad ng inaasahan mula sa title ng set, tinalakay naman ng Set D, maliban sa “A Fist Full of Sand” na isang biswal na pagsasadula ng mga tula, ang mga temang may kinalaman sa homosexuality. Ang “Huling Habilin ng Sirena” ay tungkol sa isang bading na karakter na nais isalba ang sarili (at ang mga tao sa paligid n’ya) mula sa pagkakasadlak sa lusak. Tinumbok naman ng “Carmi Martin” ang pagbaliktad ng tadhana sa pagitan ng isang bading na guro at isang callboy sa gitna ng isang mapanlinlang na gabi.
BLACK & WHITE
Ang problema ko sa “Huling Habilin ng Sirena” ay tinaasan ko ang level ng pananabik dahil sa sumulat nito. Kilala ang mandudulang si Layeta Bucoy sa paghahatid ng mga dulang agresibo, malalim, makabuluhan ngunit hindi kailanman naging preachy. Hindi naman ito maiikaila sa kanyang dula para sa festival ngayong taong ito. Mahusay ang kanyang pagkakasulat. Ang panganganak ng lirismo at mitismo sa mga karakter na sina Sarah Jane, Sabiniado at Batotoy ay kumikinang. Rumaragasa rin sa simbolismo ang materyal, mula sa isang mahabang tungkod, sa putaheng ahas hanggang sa mais. Ang kanyang paglalaro ng isip tungkol sa satisfaction ng “pagtira” ni Sabiniado at ang konsepto ng pagkakadonselya ay hindi rin matatawaran. Ibilang pa na ang dula, kahit saang bahagi, ay hindi nangaral kung ano ang tama at kung ano ang mali.
Hindi ko alam kung saan nagkulang ang “Sirena”. Iniisip ko habang pinapanood ito na baka kinapos ang sipa mula sa direksyon, kung bakit hindi naging kapana-panabik ang bawat kembot ng kuwento. Pero baka rin nasa stage set. Masyadong blangko ang entablado upang magmungkahi ng mahika. Ang pag-usbong ng pananim sa dulo ay hindi rin lubusang naipakita nang tahasan. O, baka naman nasa pag-arte.
Wala akong masyadong nakuha sa “A Fist Full of Sand” maliban sa pagiging emo nito. Para sa akin, ang isang one-act play ay isang hamon sa mandudula upang makapagbahagi ng isang ganap na kuwento sa pamamagitan ng isang payak at maikling medium. Hindi na ito kailangang daanin sa kung anu-anong poesiya. Aaminin ko na hindi ako masyadong fan ng mga ganitong atake o porma pero hindi naman ganap ang Virgin Labfest kung walang entry na kamukha nito. Ito rin ang nag-iisang dula sa English at nakadagdag ito sa pagiging odd sa lahat ng entry ngayong taon. Sabihin na lang natin na naisabiswal naman nang maayos ang kung anumang angst na kinikimkim ng makata. Mahalaga ring i-highlight na ang blocking ng dulang ito ay pinag-isipan at pinag-aralan. Nakatulong din ang musika at galaw.
Binalikan ni J. Dennis Teodosio ang tema ng balitaktakan ng wisyo sa pagitan ng mahinang bading na kustomer at isang matikas na callboy. Kung n’ung isang taon ay hinayaan ng kanyang dulang “Salise” na maawa ang audience sa bading at mag-isip mula sa kahinaan nito, dito naman ay binigyan n’ya ng tuldok (kung hindi man exclamation point) ang marahil ay matagal na n’yang agam-agam sa mga ganitong engkuwentro. Tinapos na n’ya ang mahabang daan ng exposition at isiniwalat na n’ya ang kanyang totoong pananaw ukol dito. Magugulat ako kung ganito ulit ang tema ng mandudula sa susunod na taon.
Kamukha ng mga naisulat na ni G. Teodosio, in your face pa rin ang mga eksenang kanyang ipinakita. Hindi ito lumayo sa totoong buhay at wala akong nakitang argumento na naging pretentious o artsy ito. Siguro ay nais n’ya lang sabihin na ang mga simpleng slice of life ay maaaring paghugutan ng mas malalim na pananaw. Pinatunayan naman ito sa pagtutok ng mga manonood, pagtawa sa bawat nakakatawang linya, pagtahimik sa mga eksenang mapusok at mapanugod at pagpalakpak sa inaasahang pagkawagi ng isa sa mga karakter.
Malaki ang bahaging inilaan ng stage set ng “Carmi Martin”. Para sa isang dulang pang-entablado, nagamit nang todo ang kung anumang props meron ito, mula sa malaking kama, sa isang maliit na table at sa pagkain. Malinaw na na-optimize ang konsepto na ang isang dula ay hindi lang nakasasalay sa kung sinumang humihinga (mga aktor) kundi pati na rin sa mga bagay na walang buhay (props).
KONKLUSYON
Ang maganda sa pagiging pink ng set na ito, hindi ko naramdaman na nangampanya ito ng kung ano ang tama at kung ano ang imoral. Wala rin talaga s’yang tinumbok tungkol sa sekswalidad o sa kung anumang kahinaan at pagkamatipuno. Ang lahat ay nakasabit sa buhay, sa pagitan ng ying at yang ng kabutihan at kasamaan at sa see-saw ng pagkakadapa at pagbangon. Muli, consistent na pinatunayan ng Virgin Labfest, sa pamamagitan ng set na ito, na ang buhay na lalanghapin ng manonood paglabas ng Tanghalang Huseng Batute ay isang hangin na kailangang tanggapin, namnamin at ipaglaban.
1 comment:
Touche! Nadale mo, kaibigan. ;-)
Post a Comment