Banyaga Twinbill
Produksyon: Cultural Center of the Philippines, Tanghalang Pilipino at Writers Bloc, Inc.
Mga Direktor: Yoshi Toshihisa (“Sundan Natin si Eversan”) at Raffy Tejada (“3some”)
Mga Mandudula: Shungiko Uchida (“Sundan Natin si Eversan”) at Joned Suryatmoko (“3some”)
Mga Nagsiganap: Mailes Kanapi, Randy Villarama, Che Ramos, Peewee O’Hara, Roeder Camañag, Karen Gaerlan, Sherwin Ordoñez, atbp.
ISTORYA
Kamukha ng “Pas de Deux”, wala ring iisang tema ang “Banyaga Twinbill”. Mula sa pangalan nito, ang dalawang dula na kasali ay isinulat ng mga manunulat mula sa ibang bansa sa pakikipagtulungan ng Japan Foundation (Manila). Tungkol sa pakikipagsapalaran ng mga OFW ang “Sundan Natin si Eversan”, partikular kina Ligaya, Joy at Che na nais sundan ang yapak ng kauna-unahang Pinay at foreigner na nakapasa sa nursing board sa Japan. Ang “3some” naman ay isang paggunita ng mag-asawa at isa pang lalake sa mga alaala ng isang magulong bahagi ng pro-democracy demonstration sa Indonesia laban sa pamahalaan ni Suharto.
Dilaw at Kayumanggi
Kung set ang usapan, ito na siguro ang pinaka-satisfying na set sa lahat ng mga entry ngayong taong ito. Wala akong nakitang masyadong puna sa pagkaka-stage, mula sa pag-arte, mensahe ng dula, pagkakasulat, pagkakadirek at maging sa set design.
Pareho ring tinalakay ng dalawang dula ang ilang socially relevant na usapin. Sa “Sundan Natin si Eversan”, malayang natahak, sa paraang satirikal, ang kalagayan ng mga Pilipinang nurse na nagnanais na makapasa sa nursing exam upang magkaroon ng mas masaganang buhay. Wala itong ipinagkaiba sa mga kababayan nating overseas worker na handang magpakakuba, bumukaka at umiyak sa kahit anong pagsubok para lang mabigyan ang sariling pamilya sa Pilipinas ng mas magandang kinabukasan. Ang “3some” naman ay matapang na naglitanya ng mga makabuluhang kaganapan sa tatlong estudyante sa panahon ng balisa sa Indonesia. Maaari siguro natin itong ihalintulad sa engkuwentro ng mga aktibista nating estudyante sa panahon ni Marcos, isang panahon na hanggang ngayon ay pinaglalabanan pa rin natin ang mga latak nito.
Bagama’t mabigat ang mga temang sinusundot ng dalawang dula, hindi naman ito mahirap pasanin. Ang pakikipagsapalaran ng mga Pilipinang nurse sa unang dula ay sinahugan ng blocking na malikot at makulit. Eksaheradong ipinakita na ang mga OFW ay handang magpalamas ng dibdib at maghubo ng underwear para lang malampasan ang anumang pagsubok. May mga elementong hindi masyadong Pinoy ang execution (salamat sa direktor nito na isang Hapon), katulad ng paggamit ng isang babaeng naglalakad ng tulog at iba pang animé-inspired na sequence, pero malaki naman ang naging bahagi upang magbigay-aral sa kung anumang art form meron sila at wala tayo. Ang ikalawang dula ay hindi rin humimpil sa political statement lang. Nangyari ang paggunita ng tatlong karakter sa loob ng isang kuwarto bago sila magtalik. Ipinakitang ang paghuhubad ng sarili, kamukha ng sex, ay isang malayang pamamahayag ng saloobin at pagkatao.
Naisalba ni Randy Villarama ang kanyang sarili mula sa "Matyag". Makulit ang kanyang atake bilang isang Hapon na doktor. Hindi rin maiikaila na lumabas ang ibang side ni Mailes Kanapi bilang isa sa mga nurse. Ang film/TV actor na si Sherwin Ordoñez ay mabisang nakapag-deliver ng kanyang karakter subalit pinagtaksilan s'ya ng kanyang physique para sa role na radikal at "bad boy". Nangingibabaw rin sa akin sa set na ito si Karen Gaerlan dahil nadala n'ya nang may conviction ang paghawak sa balls ng kanyang dalawang kapartner sa kama.
KONKLUSYON
Ang Set E ang nagsilbing asin sa mga sahog ng Virgin Labfest ngayong taong ito. Ibinida ang estilo ng pagkakasulat at ang tema na tinalakay sa paraang magagamit natin bilang local audience upang mapaghambing ang kung anong mga nakasanayan na natin at bago sa ating panlasa. Sa kaso ng “Sundan Natin si Eversan”, namulat tayo na puwede palang ganito naman ang execution ng isang kuwentong OFW na madalas nating napapanood at sinasagwan sa mga melodramang paraan. Ang “3some” ay pamilyar sa ating opinyon bilang Pilipino subalit ang paggamit ng mas liberal na instrumento ng sex, mula sa mas konserbatibong bansa katulad ng Indonesia, ay mas nagpakita ng tapang. Sa huli, ipinaalala lang sa atin ng set na ito na sa mundo ng entablado, kahit may iba’t ibang pananaw o hugis, ay maaaring iisa ang kaluluwa.
No comments:
Post a Comment