Pariah Paraiso
Produksyon: Cultural Center of the Philippines, Tanghalang Pilipino at Writers Bloc, Inc.
Mga Direktor: Vince Tañada (“Isagani”), Issa Manalo Lopez (“Balunbalunan, Bingibingihan”) at Riki Benedicto (“Bakit Wala Nang Nagtatagpo sa Philcoa Oberpas”)
Mga Mandudula: Alexis Dorola Yasuda (“Isagani”), Debbie Ann Tan (“Balunbalunan, Bingibingihan”) at Carlo Pacolor Garcia (“Bakit Wala Nang Nagtatagpo sa Philcoa Oberpas”)
Mga Nagsiganap: John San Antonio, Kierwin Larena, Bembol Roco, Missy Maramara, Paul Jake Paule, Jonathan Tadioan, Russel Legaspi, Mayen Estañero, Paolo Rodriguez, Crispin Pineda, Michael Ian Lomongo, Kat Castillo at Kat de Leon.
ISTORYA
Ang tema ng set ay ang mga sakit o baho ng lipunan: ang drug addict sa “Isagani”, ang puta ng “Balunbalunan, Bingibingihan” at ang perya ng mga vendor, isnatser at pulis sa “Bakit Wala Nang Nagtatagpo sa Philcoa Oberpas”.
PINAGHALONG BALAT SA TINALUPAN
Sa tatlo, pinakatumatak sa akin ang effort na ipinakita ng “Balunbalunan, Bingibingihan”. Nailatag na agad sa mga manonood, sa iskrip pa lang, ang pagiging abstract ng tema. Ang pangalan ng mga karakter na Gilbeys, Brandy at Whiskey ay ilan lamang sa pagpapatunay na lumubay ang playwright sa mababaw na layer. Hindi rin ito nagturo ng daliri kung demonyo ba ang prostitusyon o mas demonyo sa inaakala. Ang stage set, na nagpaalala sa akin ng “Dogville” ni Lars von Trier, ay isa pang piraso ng jigsaw puzzle na kailangang mapansin. Ang paulit-ulit na pagsusulat ni Brandy sa sahig gamit ang chalk ay isang mungkahi ng kontrol sa kung anumang bayan-bayanan sila nabibilang. Ito ring kontrol na ito ang puhunan ng mag-asawang Gilbeys at Brandy upang manipulahin ang mga kustomer upang patuloy na mabuhay at magmahal. Ito ring kontrol na ito ang hinamon ng pagdating ni Whiskey at napagtagumpayan. Walang itulak-kabigin sa tatlong nagsiganap. Unang beses kong mapanood si Missy Maramara (na kadalasan kong napapanood sa mga produksyon ng Tanghalang Ateneo) sa ganitong role at kanya itong napanindigan nang punung-puno ng tapang. Si Bembol Roco, katulad ng inaasahan, ay kaaya-ayang mapanood sa maliliit na produksyon kamukha nito. Napansin n’yo bang ilang ulit n’yang nakakalimutan ang kanyang linya at napakasuwabe ng kanyang pagkakasalo rito? Si Paul Jake Paule naman ay isang epitome ng mga karakter na unang ginampanan ni Neil Ryan Sese (Dulaang UP).
Sa kabilang dako, ang effort ng “Isagani” ay nangingibabaw rin lalong lalo na sa direksyon. Maganda ang pagkaka-block ng dalawang artistang tumutulay sa nakaraan at sa kasalukuyang estado. Napiga rin nang husto ang dalawang aktor na sina John San Antonio at Kierwin Larena (na minsan ay parang si Lourd de Veyra kung maglitanya ng mga salita) upang maipakita ang nuances ng kanilang koneksyon, mula sa nangangatog na kamay hanggang sa pagbirit ng isang awit ni Beyonce. Isang outline ng imahe ng poon ang nakaharang sa harapan ng entablado, isang statement na ang lahat ng kaganapan ay pagsalamin sa ating sarili kung bakit tayo ganito o hindi ganito. Magugustuhan ko sana ang iskrip kung hindi nito harap-harapang sinasabi kung ano ang nangyayari lalong lalo na sa huling bahagi ng dula.
Hindi ako masyadong nakuha ng “Bakit Wala Nang Nagtatagpo sa Philcoa Oberpas” subalit naibigay naman nito ang gustong sabihin. Tungkol ito sa mga taong pasikut-sikot at liku-liko na nagtatagpo at nagkakasalungat sa overpass ng Philcoa, isang cultural melting pot na maaaring isang maliit na diorama ng ating bansa. Sa isang eksena, nagkasama-sama ang dalawang couple. Ang dalawang lalake ay nakasuot ng kulay asul samantalang nakapula naman ang dalawang babae.
KONKLUSYON
Ang pagkakaroon ng isang set ng mga dula tungkol sa mga marurungis na daga ng lipunan ay isa nang verdict. Binigyan ng entablado at spotlight ang mga bagay na hindi dapat malayang nasisikatan ng araw. Marahil ay gustong ipakita sa manonood na hindi lahat ng pagkabulok ay may hangganan kamukha ng pakikibaka ni Isagani sa kanyang sariling nakaraan. Ang mag-asawang Gilbeys at Brandy ay patuloy na magmamahalan sa kabila ng pagtalikod man o pagharap sa kaayusan ng lipunan. Sa dulo, ang mga tauhan sa perya ng Philcoa oberpas ay sama-samang kumakain sa kakatiting na pag-asa. Kamukha nila, mataas lang din ang paghahangad nating ituloy ang buhay, nakatayo man o gumagapang.
No comments:
Post a Comment