Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Tuesday, July 27, 2010
Ang mga Kabayo Bilang Relihiyon
Equus
Produksyon: Repertory Philippines
Direktor: Audie Gemora
Mandudula: Peter Shaffer
Mga Nagsiganap: Marco Manalac, Miguel Faustmann, Roselyn Perez, Jaime del Mundo, Tami Monsod, atbp.
ISTORYA
Isang rare na kaso ang inihain sa isang psychiatrist na si Dr. Martin Dysart (Miguel Faustmann) ng isang empleyado sa korte (Roselyn Perez). Tungkol ito sa isang 17 taong gulang na binata na si Alan Strang (Marco Mañalac) na sa hindi alam na dahilan ay binulag ang anim na kabayo sa isang kuwadra sa isang bayan malapit sa London. Ang dula ay tumalakay sa pag-aaral na isinagawa ng doktor, kabilang ang pakikipag-usap sa mga magulang ng binatilyo (Jaime del Mundo at Tami Monsod) at ilang pananaliksik sa buhay ng subject. Sa dulo ay isang mabigat na katotohanan ang kailangang isiwalat, harapin at lampasan.
HUBAD
Bagama’t isinulat ang dula n’ung 1973, relevant pa rin ang mga tema na tinalakay rito. Tinumbok nito, unang una, ang kahalagahan ng healthy parenting sa mga kabataan, ang tamang pagmamatyag sa kanila at ang pag-anak ng sapat na pag-aaruga. Hindi man tahasang tinukoy na masamang magulang ang mag-asawang Strang at maaaring ang suhestiyon ay baka nga special na bata si Alan, minabuting ipinaalala sa atin ang tamang atensyon na kailangang ibigay sa mga anak. Sa kaso ni Dr. Dysart, ang isang tungkulin ng pampublikong psychiatrist ay isang malaking sumpa. Hindi man n’ya namamalayan sa kanyang propesyon ang risk ng paglabas-masok sa kaisipan ng iba, hinarap din ng mandudula ang mga bagay na kailangang isakripisyo. Si Dr. Dysart, kamukha ng isang sundalong nakikipaglaban sa isang giyera, ay nag-aalay rin ng sarili.
Isa sa mga claim to fame ng dulang ito, kahit na mababaw na konsiderasyon, ay ang pagkakaroon ng frontal nudity ng karakter ni Alan Strang at ang babaeng nagtulak sa kanyang harapin ang bangin ng sekswalidad at relihiyon (sa kaso ng binata, ito ay ang fascination sa mga kabayo). Kung ang tanong ay kung kailangan ito, masasabi ko naman na vital ito sa storytelling upang magkaroon ng diin sa kung anumang sikolohikal na kondisyon ni Alan. Matapang ang paghuhubad ng mga aktor na sina Marco Mañalac at Pheona Barranda (kapatid ng TV anchor na si Phoemela Barranda), isang pagsubok sa tatag ng dedikasyon ng isang artista sa teatro. Hindi ko alam kung saan nakukuha ang gilas ng pagpapakita ng kaluluwa sa isang buhay na audience (na masasabi kong personally ay hindi ko magagawa sa buong buhay ko), ang mahalaga ay nakapagbahagi sila ng sarili at nairaos nila ito nang maayos.
Si Marco Mañalac ay isang baguhan sa theater scene. Ang nakakagulat ay ang kanyang depiksyon ng isang disturbed na lalakeng teenager. Base sa kanyang ipinakita, malayo ang kanyang mararating. Lutang ang pagiging raw ng talento at sa tamang guidance ay mahahasa pa ito. May kakaiba ring presensya ang kanyang paglabas sa bawat eksena. Nai-imagine ko ang struggle na kailangang pantayan ng kanyang alternate na si Red Concepcion sa pagganap ng isang lalake at isang disturbed. Medyo itinaas ko ang expectation sa beteranong si Miguel Faustmann at para sa akin, hindi ko masyadong nakuha ang pagpasok n’ya sa dark side sa dulo. Ang bumubuo ng supporting cast, mula kay Roselyn Perez, Jaime del Mundo, Tami Monsod maging hanggang sa indie filmmaker na si Katski Flores bilang nurse, ay nagbigay ng kinang at timbang na inaasahan.
Ang hindi ako sigurado ay sa direksyon ni Audie Gemora. Specifically, ang paggamit ng device sa anim na nakahubad na aktor bilang representasyon ng matitikas na kabayo ay maaaring magbigay ng maling signal. Tumutulay ito sa pagiging campy (na hindi kailangan) at sa pagiging symbolic sa anumang sexual tension na kinakaharap ni Alan Strang. Pero siguro ay ganito talaga ang orihinal na pagsasadula ng “Equus” sa West End. Hindi rin nakatulong na ang ilang sequence ng doktor ay hindi malikot at theatrically expressive sa inaasahan pero ito ay maliit na bagay lang para pansinin pa. Sa kabuuan, naigapang naman ang dula, considering na ang background ni G. Gemora ay ang pagiging aktor sa musical theater.
KONKLUSYON
Kung meron mang pinakatumatak sa akin na mensahe ng dula, ito na siguro ang sensitibong paghawak sa kanya-kanyang katotohanan. Ang management nito ay isang responsibilidad ng bawat tao na kailangang harapin. Si Dr. Martin Dysart ay nasa ganitong propesyon. Katungkulan n’yang harapin ang mga katotohanan ng ibang tao gaano man ito katuwid o hindi. Ang kritikal n’yang engkwentro sa mundo ng katotohanan ayon kay Alan Strang ay nagsilbing isang laro sa baga upang humarap sa sariling salamin. Isang komentaryo ito ng mandudula na ang mga ganitong uri ng pagharap sa katotohanan ay hindi isang madaling bagay.
Ang larawan ay kinuha mula sa www.repertory.ph.
No comments:
Post a Comment