Legally Blonde, the Musical
Produksyon: Atlantis Productions
Direktor: Chari Arespacochaga
Libretto: Heather Hach
Musika at Titik: Laurence O’Keefe at Nell Benjamin
Mga Nagsiganap: Nikki Gil, Nyoy Volante, Guji Lorenzana, Jett Pangan, Geneva Cruz, Cris Villonco, Jinky Llamanzares, Calvin Millado, atbp.
ISTORYA
Kung napanood n’yo ‘yung original film material, ganito rin ang plot ng musical adaptation. N’ung na-dump ng kanyang kasintahan (Guji Lorenzana) si Elle Woods (Nikki Gil) dahil sa kanyang “breeding”, pinili ng bida na subukang pumasok sa Harvard Law. Ito’y upang patunayan sa kanyang dating kasintahan na isang law student na hindi s’ya mahinang klase ng babae. Dito n’ya nakilala sina Emmet Forrest (Nyoy Volante), ang fiancee ng kanyang dating kasintahan na si Viviene Kensington (Cris Villonco), si Professor Callahan (Jett Pangan), ang parloristang si Paulette Bonafonte (Jinky Llamanzares) at ang delivery guy na si Kyle (Calvin Millado). Ang unang kaso na nahawakan ni Elle bilang apprentice ni Professor Callahan, at bilang isang pandayan ng kanyang redemption, ay tungkol sa isang fitness video superstar na si Brooke Wyndham (Geneva Cruz).
PINK
Akala ko, hindi ko maa-appreciate ‘yung musical adaptation. Nasisimplehan kasi ako sa material. Parang marami pang ibang pelikula na mas makabuluhang isadula. Pero ito rin siguro ang maganda sa musical. Kumuha sila ng isang naisalang nang obra, na subok na at pumatok sa masa, at pinagpraktisan na lang lagyan ng musika. Ang challenge na lang dito ay kung anong chunk mula sa pelikula ang dapat i-highlight upang makuha pa rin nila ang kiliti ng manonood. At nagawa naman ito nang maayos.
Malaking bagay ang set of songs dito. Lahat yata ay radio friendly, tugmang tugma sa pagiging pop lit ng naunang material. Para lang akong nakikinig ng top 40 hits. Halo-halo rin ang genre depende sa hinihingi ng eksena. May pagka-R&B ang “Serious” na break-up song duet nina Nikki Gil at Guji Lorenzana. Ang “Chip on my Shoulder” naman ni Jett Pangan ay napaka-basic ng mold, isang representation kung gaano kaseryoso at ka-passionate ang professor sa kanyang ginagawa. May pagkarebelde naman a la Pink ang awit na “Whipped into Shape” ni Geneva Cruz at ang mga babae sa kulungan. Hindi ko rin makakalimutan ‘yung “There! Right There!” na makulit na nagtatanong kung “gay or European”.
Hindi ko masyadong makita as dumb looking blonde si Nikki Gil bilang Elle. Tingin ko, medyo intelligent ang kanyang personality at hindi naman masyadong naipakita sa stage ang kanyang “breeding”. Pero mahusay s’yang musical performer. Napakalinis ng kanyang pagkakakanta at hindi ako magdadalawang-isip na ulitin ang musical para lang sa kanya. Mahusay rin si Nyoy Volante pero naisip ko na may ibang walang masyadong pangalan ang puwedeng gumawa ng kanyang role. O siguro ay mas umangat lang para sa akin ang karakter at rendition ng kanyang karibal na si Guji Lorenzana (na huli akong ginulat sa rock opera/ballet na “Tales of the Manuvu”). Katulad ng inaasahan, nagamit nina Jett Pangan, Jinky Llamanzares at Calvin Millado ang kanilang exposure sa dula. Naging meaty ang staging dahil sa kanila. Si Cris Villonco ay pinatunayan din na nasa dugo n’ya ang ganitong klaseng artistry. Sa kanya ako pinaka-confident na hindi papalya ang performance kahit na kasali rin s’ya bilang isa sa mga kabarkada ni Elle sa umpisa bago pa maging bitch bilang Viviene. Bigay-todo naman si Geneva Cruz sa kanyang pagkakaganap. At some point, sumasakto ito sa hinihingi ng karakter pero may pagkakataon na kailangan n’yang huminahon. Hinding hindi ko makakalimutan ‘yung number kung saan kumakanta s’ya habang nagi-skipping rope.
May kakaiba ring charm ang set design na binuhay ni Mio Infante. Hindi ko alam kung paano n’ya nagagawa, kahit sa mga lumang produksyon, kung paano n’ya napapalaki ang scale nito. Naglipana ang mga higanteng libro na nagsilbing dingding, pinto at kung ano pa. Sa ganitong vision, ang tila mababaw na materyal ay naging mas malalim sa inaasahan. Ang malaking problema ko lang sa staging ng musical, o maging sa ibang produksyon, ay ang sound. Maraming beses na hindi gumagana ang lapel mic ng mga artista. Ang unang sequence ni Nyoy Volante ay walang lumalabas na tunog. Sa kanyang pagbalik sa backstage, marahil ay pinalitan ang kanyang audio dahil narinig ng audience ang kanyang panandaling pag-test nito habang may ibang nagtatanghal sa stage. Sana dumating ang araw na maperpekto natin ang aspetong ito dahil sayang naman ang effort ng mga performer at iba pang technical staff.
KONKLUSYON
Gusto ko sanang sabihin na may malaking silver lining ang musical tungkol sa paggawa ng mga bagay na magpapakita ng ating totoong sarili kung hindi man tungkol sa pagtulak sa kung ano pang kaya nating ibigay o ipakita. Gusto ko sanang i-highlight ‘yan sa rebyung ito pero parang ang mas matatandaan ko sa musical na ito ay ang music. Marahil ay nakita na rin naman ito ng musikero o librettist sa umpisa, na ‘yung values na ibinenta sa pelikula ay pinagkatiwala nang alam na ng manonood. Ang effort na lang talaga ay para makapagbigay ng isang klase ng entertainment sa pamamagitan ng musika. Sa aspetong ito, gumradweyt sa akin ang “Legally Blonde, the Musical” ng may mataas na marka.
Ang larawan ay kinuha mula rito.
No comments:
Post a Comment