Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Total Pageviews
Sunday, July 25, 2010
Mga Pusang Nanunuot sa mga Upuan ng Tanghalang Nicanor Abelardo
Cats
Produksyon: Lunchbox Theatrical Productions at David Atkins Enterprises and Concertus, sa pakikipagtulungan ng The Really Useful Group
Direktor: Jo-Anne Robinson (mula sa orihinal na direksyon ni Trevorr Nunn)
Libretto at Musika: Andrew Lloyd Webber (halaw mula sa “Old Possum’s Book of Practical Cats” ni T.S. Eliot)
Mga Nagsiganap: Lea Salonga, atbp.
ISTORYA
Wala namang istorya talaga ang “Cats”. Dahil hango ito sa isang libro ng mga tula tungkol sa iba’t ibang pusa, ang mga awit ay nagpapakilala ng iba’t ibang karakter. Inilatag ang iba’t ibang tauhan mula kay Old Gumbie Cat, Rum Tum Tugger, kina Mungojerrie at Rumpelteazer, ang theater cat na si Gus hanggang kay Grizabella na isang outcast. Ginamit ang Jellicle Ball, isang regular na gathering ng mga pusa, upang magkita-kita at ipagdiwang ang buhay at kamatayan.
MGA PUSANG GUMAGALA
Una kong narinig ang OST ng musical n’ung highschool pa ako. Ang natatandaan ko, nagandahan ako sa highlight selection ng CD. Ito siguro ang unang encounter ko sa genius na si Andrew Lloyd Webber at ito rin ang nagbigay-daan sa iba pa n’yang klase ng musika mula sa “Phantom of the Opera”, “Evita”, o maging ang “small musical” na “Song and Dance”. Ang mga awit ng “Cats” ay very catchy at melodious halos lahat, kumpara sa ibang story-driven na musical na tahimik at panatag sa umpisa at sumasabog sa gitna o dulo. Ang mapanood ito sa tamang context makalipas ang 18 taon ay isang kakaibang experience. Higit pa sa pagkakaroon ng panibagong buhay ang mga awit, mas nasilip ko na ang kaluluwa ng pagkakaawit.
Kamukha ng “Cinderella” na isinagawa n’ung 2008 (o maging “Miss Saigon” n’ung 2000), on tour din ang imported na produksyon ng “Cats” sa CCP. Ibig sabihin nito, kung anuman ang nakita sa Broadway o West End, ito rin ang naipalabas sa Tanghalang Nicanor Abelardo na ikinatuwa naman ng mga local aficionado. Magara ang stage, mula sa isang steady set sa gitna hanggang sa mga add-ons na sumusulpot habang lumalawig ang kalaliman ng hating-gabi. Kakaiba rin ang mga ilaw na ginamit na nagbigay ng feel na alam mong hindi ito local production. Pero in fairness naman sa ating mga local na theater company, kaya naman natin ng mga ganitong realization. Kulang lang talaga tayo sa budget.
Kung meron man akong hindi makakalimutan sa experience, ito na siguro ‘yung mga “pusang” pagala-gala sa mga pasilyo ng tanghalan. Bahagi ng pagiging interactive ng musical ay ang maraming beses na pakikisalamuha ng mga actor sa mga nanonood (well, at least sa mga nasa orchestra). Nariyang naglalakad sila sa tagiliran bago mag-umpisa ang isang song at minsan naman ay humaharap sila sa tao marahil upang magpahimas na parang alagang pusa. Sa break sa pagitan ng Act 1 at 2, nakuha pa nilang gumapang sa ilalim ng mga upuan, tumalon sa pagitan nito at magpa-picture sa aliw na aliw na mga manonood. Dahil dito, suggestion ko na kung nasa orchestra kayo, subukang pumuslit ng maliit na point-and-shoot camera (o celfone na merong flash) upang mahuli ang mailap na pagkakataon.
Sa umpisa ng Act 2, bonus na lang ang maiksing Filipino translation ng “Memory” na inawit ng isang Australian sa cast. Napag-alaman ko na ang mahusay na si Pete Lacaba pala ang nagsalin nito. Nakakapanibago lang na ang bawat pantig na “Memory” ay ‘pinalitan ng “Liwanag” (dahil siguro mas mahaba kung “ala-ala”) pero pumalakpak ang lahat matapos maliwanagan na ang awit ay inaawit nga sa Filipino.
Hindi ko masasabing sobrang stand-out si Lea Salonga bilang Grizabella. Ang karakter ay nagde-demand ng isang tumatandang glamour girl na marami nang inindang pagsubok at rejection. Hindi ko ito masyadong naramdaman pero lutang naman ang kanyang effort upang isabuhay ito. Siguro ay masyado pa lang s’yang bata talaga para sa nasabing role. Ang ikinagulat ko sa kanya ay ang kanyang rendition ng mga kanta rito. N’ung una, masyadong sweet ang kanyang boses para sa isang outcast subalit sa gitna ng “Memory”, nang tumayo siya mula sa isang pagkakaupo sa sahig, sumambulat ang marahas at mataas na singing range na hindi ko na pa nakikita (o naririnig) sa kanya dati. Sumabay ako sa palakpak ng crowd.
KONKLUSYON
Sa ikalawang pansin, may pagka-indie pala ang “storytelling”, o kawalan nito, ng “Cats”. Walang masyadong kanto ang plot at nakatutok lang ito sa mga tula ng mga pusa. Halimbawa, ang “Rent” ni Jonathan Larson ay marami ring karakter subalit ginawa nitong makapagkuwento tungkol sa buhay at kamatayan. Mukhang naiintindihan naman ng mga creator ng musical ang kahinaang ito. Ang mga tula ni T.S. Eliot ay direktang ginawang awit. At hindi lang basta awit kundi mga awit na nilikha ng musical genius na si Andrew Lloyd Webber. Pero hindi lang nagkasya rito. Ang mga awit ay sinahugan pa ng mga sayaw na nagpapakita ng poesiya ng bawat berso at artistic excellence naman sa bawat performer na nagre-require ng katiting na background sa ballet. Ang overwhelming na stage design ay isa na lang tuldok sa realization na ito.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment