Saturday, July 24, 2010

Minsan Mayroong Himala

Miracle in Rwanda
Produksyon: Orihinal na ginawa ng TheatreZone sa Naples, Florida
Direktor: Edward Vilga
Mandudula: Leslie Lewis-Sword (halaw mula sa librong “Left to Tell: Discovering God Amidst the Rwanda Holocaust” ni Imaculée Ilibagiza)
Nagsiganap: Leslie Lewis-Sword

ISTORYA

Ang one-woman play na ito ay piniga mula sa memoir ni Imaculée Ilibagiza (Leslie Lewis-Sword) noong mid-90’s sa Rwanda. Isa itong pagsulyap sa madilim na bahagi ng kasaysayan na nag-ugat sa pagbagsak ng sinasakyang eroplano ng Hutu President na si Juvenal Habyarimana. Pinaslang ng mga Hutu ang mga kasapi ng isa pang tribu na Tutsi, isang genocide na umabot sa isang milyon na casualty sa loob lang ng tatlong buwan.

Ang dula ay umikot sa pagtatago ni Imaculée sa isang banyo na may sukat na 3x4 ft kasama ang pito pang kababaihan sa loob ng 90 na araw.

SOLO FLIGHT

Halos bare ang buong stage. Walang anumang props maliban sa mga larawan ng pamilya ni Imaculée na nagsisilbing lakas ng survivor sa oras ng hikahos. Meron ding masking tape na nakadikit sa sahig upang i-visualize ang eksaktong size ng banyo kung saan nagtago ang walong babae. Maliban dito, si Leslie Lewis-Sword na ang solo flight na nagdala ng dula.

Inumpisahan ni Ms. Lewis-Sword sa current condition ni Imaculée kung saan tila isa s’yang speaker sa mga manonood na nagbabahagi ng karanasan sa English language. S’ya rin ang gumanap na tatay, pastor na kanyang pinakiusapan na pagtaguan, kanyang mga kasamahan sa banyo at maging ang leader ng Hutu tribe na pabalik-balik na bumibisita sa bahay ng pastor upang maghanap ng kasapi ng Tutsi. Maayos ang transition mula sa isang character hanggang sa panibago. Ang isang halimbawa ng kahusayan nito ay mula sa maingay at tila sumasayaw pang mandarambong na Hutu papunta sa karakter na tahimik at takot na takot na si Imaculée. May isang pagkakataon din na tatlong karakter ang naghati sa isang eksena.

Lutang na lutang ang pagiging Christian ng tema. Mukhang ito naman talaga ang gustong tumbukin ng dula at libro. Sa gitna ng kalbaryo, ipinakita ang taimtim at mabusising pagdarasal ni Imaculée ng rosaryo. Binigyan ng highlight ang bahagi ng “Our Father” tungkol sa pagpapatawad sa mga kaaway at ang kahirapan na sambitin ito para sa mga pumaslang sa pamilya ng survivor. Matapos ang 90 araw na pagdurusa, matapang na hinarap ni Imaculée ang isa sa mga Hutu at kanya itong pinatawad. Ayon sa dula, ito ang totoong himala sa Rwanda. Binigyan ito ng visualization sa pagtanggal ng masking tape sa sahig. Ito naman, para sa akin, ang pinaka-affecting na bahagi ng dula.

Ang isa pa sigurong alas ng pagtatanghal ay ang affiliation ni Ms. Lewis-Sword kay Imaculée. Halatang halata ang sinseridad ng pagsasadula sa kung anumang paghihirap at pagpapatawad ang kinaharap ng mga tao sa Rwanda noong 90’s. Sa Q&A na bahagi, matapos ang pagtatanghal, naikuwento ni Ms. Lewis-Sword ang kanyang pagpunta sa Rwanda na nagbunsod sa kanya upang umampon ng dalawang bata mula sa nasabing bansa. Dito pa lang ay hindi na mako-contest ang puso at intensyon ng pagtatanghal.

KONKLUSYON

Kung isa-summarize ang dula (o maging ang memoir), iisa lang naman ang gustong sabihin sa audience nito. Ang kasaysayan ay marahas minsan hindi lang sa bayan kundi sa mga tao na rin. At hindi rin maiikaila na ang karahasan ay maaring sa ibang bagay magmula. Sa mata nito, ayon sa dula, mabigat na sandata ang spiritual na pananampalataya. Kung tutuusin, wala namang sinabi na ang pagiging Katoliko ni Imaculée ang nagligtas sa kanya kundi ang kanyang paniniwala sa Diyos at ang pananampalatayang mabubuhay s’ya upang magkuwento sa ibang tao. Ang mga awareness play na katulad ng “Miracle in Rwanda” ay magamit sana ng mga nakanood nito, na sa aking impression ay kabilang sa A-B crowd noong gabing ‘yun, bilang isang paalala na ang mga ganitong opresyon kahit hindi kasing-dramatic ay naririyan lang sa tabi. At minsan, masyadong maluho ang maging spiritual.

Ang larawan ay kinuha mula rito.

No comments:

Post a Comment