Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Total Pageviews
Wednesday, July 21, 2010
Si Basyang at ang Mahahabang Kuwento ng Cinemalaya 6
Natatandaan ko mula kay Michael de Mesa, na isa sa mga interviewee ng docu ni Ron Bryant na “The Cinema of Celso Ad. Castillo”, na ipinalabas sa Cinemalaya ngayong taon, ang tungkol sa perspektibo ng direktor sa isang film shoot sa gitna ng rumaragasang bagyo. Instead na mag-pack up, pinili ni The Kid na kuhaan ang isang unos. Siguro ay may nakita itong cloud formation na nakahiga sa kulay asul na langit habang ang katotohanan ay sumisipol ang malakas na hangin habang madilim na idinuduyan nito ang ilang puno sa paligid. Ang resulta: opening sequence ng pelikulang “Paradise Inn” (1985).
Kung meron mang kakaiba sa Cinemalaya ngayong taong ito, maliban sa pagbukas ng pinto para sa Directors Showcase, ito na siguro ‘yung pagdalaw ng bagyong Basyang sa Metro Manila. Humagupit ang signal number 2 nito sa kalaliman ng bisperas ng Miyerkules noong July 14. Para sa mga suki ng film festival, ang ibig sabihin nito ay pagtigil ng screening ng kauna-unahang Midnight Treat (“Ang Laro sa Buhay ni Juan” ni Joselito Altarejos) dulot ng black-out. Ibig sabihin lang din nito, isa na namang pakikipagsaparan sa pag-uwi sa kanya-kanyang bahay.
Sa mga tumingin sa bagyong Basyang na parang isang maaliwalas lang na panahon, heto ang ilang mahahabang kuwento:
KUWENTO # 1: Hindi ganap na maayos ang screening ng opening film na “Ganap na Babae” nina Rica Arevalo, Ellen Ramos at Sarah Roxas. Sa dulo ng matagal na paghihintay ng mga nakapila sa mainit na bungad ng Tanghalang Nicanor Abelardo (Main Theater) sa CCP ay ang pagkabigo mula sa naghihingalong player. Gumapang ang palabas sa kalagitnaan nito at nagdesisyon ang kung sinumang operator na manual na i-double click ang bawat chunk ng pelikula. Nakakadismaya na kitang kita mo mula sa projected screen ang cursor na parang langaw na nakaharang sa mga imahe ng palabas. Nakakadurog ng puso lalo na’t ang ilan sa crowd ay galing pa sa ibang bansa. Sa kabila nito, may ibubuga naman ang pelikula. Hindi naman sa ito’y outstanding pero hindi ko nakita na ito ay pangit. Na-appreciate ko ang effort ng tatlong direktor na literal na hinabi ang tatlong dilemma ng iba’t ibang mukha ng Pinay: isang puta na ina sa dalawang anak, isang nagdadalaga sa twilight ng kanyang buhay at isang barrio lass na tila walang pakialam sa ikot ng mundo. Magkakaiba rin ang hugis. Ang kuwento ng puta ay docu ang atake. Diretso naman ang storytelling n’ung May – December affair habang tahimik ang pagkakalatag ng tungkol sa babaeng parang walang pangarap sa isang malayong probinsya. Kung tutuusin, hindi makakatayo nang mag-isa ang pelikula kung magkakahiwalay itong papanoorin. Siguro’y maiirita ako sa masyadong staged na monologue ni Mercedes Cabral o maninipisan ako sa episode ni Boots Anson-Roa;
KUWENTO # 2: My first Cinemalaya 6 film is “Vox Populi”. Magandang simula. Real time na tinalakay nito ang huling araw ng kampanya ng isang babaeng may purong intensyon subalit kailangang gumapang sa lusak ng bulok na sistema. Punong puno ng kontrol ang atake ni Irma Adlawan sa role pero medyo nakaka-distract ang lalim ng balon na kanyang iniisip. Naalala ko ang isa sa mga dulang ginawa ni Ms. Adlwan dati para sa Tanghalang Pilipino. Halos kamukha ang tema ng “Anatomiya ng Korupsyon” ni Malou Jacob na lumitis sa karupukan ng isang inosente sa kanser ng lipunan. Sa kaso ni Dennis Marasigan, na pull off n’ya ang pagiging real time ng pelikula (na unang beses n’yang sinubukan). Nakita ko rin ang pagiging at home ng writer-director sa topic. Ang paniniwala ko kasi, isang dramatista lang kamukha ni G. Marasigan ang maaaring makakuha na ang political campaign sa Pilipinas ay isang marangyang palabas. Campaign jingle, check. Costume, check. Projection, check. Powerful speech, check. Isama pa natin ang kakapalan ng apog upang lunukin ang lahat ng kahihiyan. Maging ito, ang lamunin ng sistema habang nakangiti, ay bahagi ng isang pagtatanghal. Sa sobrang epektibo ng pelikula ay nakamayan ko at na-congratulate si G. Marasigan nang hindi sinasadya;
KUWENTO # 3: Iginawad sa “Two Funerals” ni Gil Portes, sa panulat ni Enrique V. Ramos, ang Audience Choice at Jury Prize para sa Directors Showcase. Madali namang maintindihan ‘to. Sa mga napanood kong pelikula, ito na siguro ang napansin kong pinaka-na-engage ang mga manonood. Nailatag agad ang mood na gustong ipakita ng isang black comedy na road movie sa backdrop ng Mahal na Araw sa Pilipinas. Natuwa at pumalakpak ang mga manonood sa bawat stop ng isang grupong nais makipagpalit ng kabaong sa isa ring namatayan. Pero ano itong nasagap ko na ganito rin daw ang concept ng screenplay ni Bong Ramos na may pamagat na “Biyaheng Norte”? Ayon sa aking narinig, ipinasa raw ang screenplay dati para sa Cinemalaya, kung saan bahagi ng screening committee ang batikang direktor, pero hindi ito nakapasok. Nagkaroon daw ng negosasyon sa pagitan nina G. Portes at Bong Ramos upang gawing pelikula pero tinanggihan daw ito ng huli dahil nais n’yang s’ya ang magdirek. How true, sabi nga sa dulo ng mga pangkaraniwang blind item sa tabloid. Ang sagot, sana maibigay ng bumubuo ng Cinemalaya. Abangan!;
KUWENTO # 4: Nadagdagan ngayong taong ito ng Directors Showcase na series ang festival. Open ang contest sa mga seasoned directors na nakagawa na ng pelikula, mainstream man o indie. Kamukha ng New Breed, kung hindi ako nagkakamali, ay may seed fund din ito. Matindi ang labanan sa pagitan nina Mario O’Hara, Gil Portes, Joel Lamangan, Mark Meily at Joselito Altarejos. Nagulat na lang ang lahat nang biglang i-announce ng presentor para sa Best Sound at Best Musical Score na walang deserving bigyan ng parangal para sa taong ito sa nasabing series. Ang Lino Brocka retrospective noong isang taon ay pinalitan naman ng LVN Series na nagpakita ng mga obra mula sa mga Pinoy film masters katulad nina Lamberto Avellana, Manuel Silos, Gregorio Fernandez, Vicente Salumbides (na isang kababayan) at Fred Daluz. Hindi ako magugulat kung sa susunod na taon ay magpapakita naman ng retrospective ni Ishmael Bernal o Danny Zialcita kaya. Isa rin sa mga bagong gimik ay ang Midnight Treat Series para sa mga mahilig mamboso. Ito na siguro ang paraan ng Cinemalaya upang bigyan ng spotlight ang mga klase ng indie movies na kumikita sa takilya, hindi lang dahil sa tema, kundi sa dami ng hubarang ‘pinapakita. Hindi lang ako sigurado kung sustainable ito at kung anong direction ang papasukin nito. Ang sigurado next year, matapos i-announce sa awarding ceremony, ay ang pagkakaroon ng platform para sa Asian cinema sa susunod na taon. Ngayon pa lang, gusto ko nang problemahin kung paano ako makakapag-file ng isang linggong vacation leave;
KUWENTO # 5: Hindi ko yata kayang igawa ng review ang lahat ng napanood ko this year. Ang naisip ko, i-summarize na lang ‘yung mga images na sobrang striking para sa akin. Halimbawa: ang huling frame ng “Ang Mundo sa Panahon ng Bato” ni Mes de Guzman na hindi yata ako pinatahimik sa loob ng tatlong araw. Idagdag pa ang burial scene sa isa pa n’yang pelikula na “Ang Mundo sa Panahon ng Yelo”. Hindi ko rin makakalimutan ang linyang “nanginginig sa tapang” mula sa “Nukso ng Nukso” ni Fred Daluz para sa LVN Series, ganun din ang cleavage ni Charito Solis sa “Kundiman ng Lahi” na na-summarize kung ano at para saan ba talaga ang pelikulang iyon ni Lamberto Avellana. Kahit nasusuka ako sa nagsasalitang database sa dulo ng “Si Techie, Si Teknoboy at Si Juana B.” ay hindi ko rin agad mapapalampas. Ganoon din ang paglaslas ng genitalia sa “MKAK”, ang paulit-ulit na fascination ni Lovi Poe sa mga bulaklak sa “Mayohan”, ang batang sumasayaw sa bangka sa “Halaw”, ang tila videogame shot/POV sa isang atake sa “Rekrut” at ang nakakaengkantong umpisa sa “Sampaguita” kung saan lumabas ang isang bata hawak ang isang lampara sa madaling-araw habang dahan-dahang lumalayo ang kamera upang ipakita ang isang malawak na taniman ng bulaklak. At sino ang hindi makakalimot sa pagsipa ni Gregoria de Jesus sa kanyang rapist sa “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio”? Eh ‘yung pag-cut ni Adolf Alix sa rough copy ng “Muli” (na tingin ko ay pinakamagandang nagawang pelikula ng direktor sa kanyang career)? Maging ang pag-akyat ni THE Bing Lao sa entablado para i-document sa video ang speech ng nanalong Best Director (at Best Picture) na si Sheron Dayoc sa awards night ay hindi ko rin makakalimutan. Nand’yang matakpan n’ya ang crew ng pelikula at minsan naman ay nakaluhod s’ya para sa isang hero’s shot. ‘Yan ang eksena!;
KUWENTO # 6: Isa sa mga sikat na tanong sa akin sa festival ay: “Ano ang paborito mo sa New Breed?” Kung paborito lang, meaning, mga entry na gumawa ng impact sa akin, my top three films are: “Halaw”, “The Leaving” and “Rekrut”. Pero kung ang tanong ay ano sa tingin ko ang mananalo, “Halaw” pa rin ang naisip kong Best Picture material (at hindi naman ako nagkamali rito, salamat sa pagiging Bing Lao nito). Ang na-consider kong pang-Jury Prize (o second placer) ay “Limbunan” pero napunta ito sa “Sampaguita”. Dahil gustung gusto ko ang pagkaka-capture ng festivity sa “Mayohan”, naisip ko s’yang pang-Best Production Design na nasundot naman ng “The Leaving”. Ang Best Sound ay walang duda na sa “Rekrut” mapupunta at tumama rin ako. Sa aktingan, dalawa lang ang sobrang stand-out para sa akin. Sa kontroladong pagganap bilang isang Filipino-Chinese na binata na humahanap ng kanyang sariling espasyo, ang Best Actor para sa akin ay si Alwyn Uytingco sa “The Leaving”. Napunta ito kay John Arcilla para sa “Halaw” na hindi ko naman iko-contest. Ang suporta ni LJ Reyes bilang fragile na asawa ni Arnold Reyes sa “The Leaving” ay nagustuhan ko rin. Sila lang para sa akin ang nangibabaw pero hindi ako nagulat na ang Best Actress ay ibinigay kay Lovi Poe para sa “Mayohan” at ang Best Supporting Actor naman ay ipinauwi kay Emilio Garcia para sa “Rekrut”. Wala akong reklamo sa committe kung ang mga katulad nilang mahuhusay na mainstream actors ang mapipiling gumanap. Sa shorts, naaliw ako sa roller coaster ride ng “P” at ‘yung pakiramdam na parang napakahaba ngunit hindi nakakabagot na nilakbay nito. At kung merong Best Actor para sa kategoryang ito, ibigay na dapat sa batang bida nito na si Paeng (T’yo Paeng!, T’yo Paeng! T’yo Paeng!);
KUWENTO # 7: Sa aking top three films, personal favorite ko ang “The Leaving”. Aware naman ako na maraming nagtaas ng kilay o nadismaya kung bakit ito ang pinili ko. Hindi rin nakatulong (o hindi nga ba?) na sa umpisa pa lang ng pelikula ay may ilang nag-walk out. Hmmm, bakit nga ba bumenta sa akin? Una, litaw na litaw ang reference nito sa mga pelikula ni Wong Kar Wai. Mula sa cinematography (na nanalo, ka-tie ng “Mayohan”), sa slow-mo, sa tema ng mga nagkakapalit na parter sa “In the Mood for Love” hanggang sa character na baliw na masyadong maporma at parating nakasalamin sa “Chungking Express” ay halata kung sino ang impluwensya ng filmmaker na si Ian-Dean S. Loreños. Nagdagdag ng elementong mala-The Ring o kahit anong Asian horror pero hindi ko ito nakita na disadvantage. Naihatid nito, para sa akin, ang mensahe sa paggamit ng metaphor ng mga gumagalang multo sa mga mortal na hindi maka-move on mula sa isang relationship. Sino bang makakaisip na kaya hindi makatawid ang ilang kaluluwa ay dahil wala itong tapang na harapin ang dapat nilang kinalalagyan? Experience-wise, wala pa akong nakitang ganitong atake. At dahil d’yan, hindi ko siguro ito makakalimutan agad;
KUWENTO # 8: It’s good to see a film by Mario O’Hara after a long gap. Mahusay s’yang direktor at paborito s’ya ng mga kilalang kritiko sa Pinas. Hindi na bago na maraming nalungkot sa hindi n’ya pagkakatanghal na Best Director sa Directors Showcase. Mas madali pang maintindihan na ang kanyang pelikula na walang dagdag na ikinuwento ang trial ni Andres Bonifacio (na nagbigay rin sa atin ng glimpse kung paano umusad ang proseso noon) ay hindi mapipili ng jury, particularly ng dalawang foreigner na kasapi nito. Para sa akin, Pinoy ang flavor ng obra at may duda ako na baka hindi makuha ng iba ang context ng pagkakasali ni Emilio Aguinaldo sa madilim na bahagi na ‘yun ng kasaysayan. Pinoy rin naman ang tema ng NETPAC winner na “Sheika” pero idinaan ang mensahe sa mga pasakit na tinahak ng isang ina mula sa magulong bahagi ng Mindanao. Maraming umaasa na ito ang mananalo sa kabila ng pag-urong nito sa New Breed category dahil sa pagtanggi nito (allegedly) sa mga suggestion ng Monitoring Committee ng festival. Kung walang bayag na itinago ng “Engkwentro” n’ung isang taon ang reference sa Davao Death Squad, harap-harapan namang ibinandera ito ng filmmaker na si Arnel Mardoquio. Ang ironic lang ay magkamukha ang execution ng dalawang pelikula sa assassination ng dalawang minor. Opresyon din ang tinalakay ng “Rekrut” na tungkol naman sa mga Moro Muslim na sundalo na pinaslang matapos ang isang nabigong sensitibong operasyon. Kamukha ng “Engkwentro”, hindi rin isiniwalat ng pelikula ang eksaktong reference nito sa Jabidah Massacre n’ung 60’s. Itinatayang ito raw ang isa sa mga ugat ng Moro insurgency sa ibabang bahagi ng bansa;
KUWENTO # 9: Magkahalong inis at tuwa ang consensus nang isagawa ang gala ng “Two Funerals” na parang perya. Sa kaliwang bahagi ng Main Theater lobby ay may inilagay na burol. To be exact, nag-set up ang produksyon ng dalawang kabaong na may kasamang kurtina at ilaw na pampunerarya. Hindi r’yan nagtapos ang “the works”. Kumuha ng ilang babaeng nakadamit at belong itim at ikinalat ito sa area para magkaroon ng feel ng pagkawala o grief. Kumbaga sa MMFF, ito na siguro ang pang-Best Float. Mauntog sana ang mga diyos ng CCP sa susunod na taon at hindi na maulit ang ganitong karnabal. Pero sige na nga, for the spirit of indie cinema, walang basagan ng trip. Ganito rin naman ang atmosphere n’ung awards night. Walang bumasag sa trip ni Cogie Domingo kahit na walang kabuhay-buhay ang kanyang pagho-host. May kinalaman kaya ito sa pagiging manunulat ni Noel Ferrer para sa program na ‘yun? Hindi rin nabasag ang trip ni Meryl Soriano nang i-mock n’ya ang lahat ng posibleng paraan ng pagtanggap ng isang award. Masaya ako para sa kanyang pagkapanalo. Si Baron Geisler naman ay nangako na magpapakatino na matapos tanggapin ang award. Wala akong idea kung trip-trip lang din ito. Medyo star-studded din ang mga nag-perform sa gabing ‘yun. Si Dingdong Avanzado ay kumanta ng theme song ng pelikulang “Muli” (na ang isa sa mga producer ay si Noel Ferrer pa rin). Present din sina Ogie Alcasid at Christian Bautista. Pero ang lahat ay nan-trip nang matapos kumanta ni Lani Misalucha ay sumigaw ang crowd ng “More! More! More!” Pinagbigyan naman ang request sa pamamagitan ng a capella version ng “Time to Say Goodbye”. Only in Cinemalaya na ang isang awards night ay puwedeng gawing concert;
KUWENTO # 10: As tallied, naka-33 akong pelikula (kabilang ang set ng short films na isa lang ang bilang). Kung P1,500 ang nabili kong festival pass, lumalabas na ang isang screening ko ay nagkakahalaga ng P45.45. Sobrang sulit na ‘yan. Kung walang pass, ang isang pelikula ay P150 mula sa dating P100. Mahal! Hindi ko maintindihan kung bakit malaki ang itinalon. Halos kapareho na rin ng presyo sa mga sinehan sa mall. Dahil dito, hindi ko na nayaya ‘yung mga ilang nayaya ko sa office n’ung isang taon. Oh well, parang sa midnight society lang ‘yan sa “Are You Afraid of the Dark”, magkita na lang tayo hanggang sa uulitin.
Nandito ang ilang pictures.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
3 comments:
salamat sa iyong mga sinulat tungkol sa vox populi. siyanga pala, ako rin ang direktor ng "anatomiya ng korupsiyon."
Walang anuman, sir.
Pasensya na ho kung hindi ko kayo na-credit. Hindi ko na matandaan ang ilang detalye maliban sa Huseng Batute ito ginawa at siguro ay mahigit sampung taon na ang nakakalipas. Nag-umpisa akong ma-inlab sa TP sa panahong 'yan.
Meron akong naalala na Lou Veloso play na parang nagkaproblema yata. Parang "Ang Kuripot" yata 'yun pero hindi ako sigurado. Ang alam ko, merong mga nag-walk out na aktor tapos merong nag-entertain sa tao. Bumalik din ang mga aktor pagkatapos ng ilang minuto.
Post a Comment